Chapter 1

880 8 0
                                    

Kung alam ko lang na masamang balita ang bubungad sa akin pagkagising ko, sana kagabi pa lang ay hiniling ko nang sana ay hindi ako magising.

Pigil ang mga luha ko habang naglalakad palayo sa bahay. Nanlalabo na ang paningin ko pero patuloy lang ako sa paglakad. Pinunasan ko ang luha at sinubukan na tuyuin ang pisngi ngunit umagos lang muli ang luha ko.

Napahinga na lang ako ng malalim kasabay ng pagtingala ko sa langit. Madilim ang langit, nagbabadya ang malakas na ulan. Pinikit ko ang aking mga mata na pagod sa kaluluha at dinama ang malakas at malamig na ihip ng hangin.

Idinilat ko ang mga mata at napa-isip. Hindi ko alam kung saan ako pupunta at wala akong pupuntahan kung ipagpapatuloy ko pa ang paglakad. Sa huli ay napabuntong hininga na lang ako at tinanggap ang pagkatalo at ipinagpatuloy muli ang paglakad ngunit sa pagkakataon na ito ay ang daan pauwi na ang tinahak ko.

Wala na akong nadatnan na tao sa sala nang makauwi ako. Muli akong huminga ng malalim para pakalmahin ang sarili at naglakad papunta sa kwarto ko. Hinugot ko ang malaking maleta na nakalagay sa ilalim ng kama.

Mabigat ang dibdib ko habang isinisilid ang ibang mga damit sa malaking itim na maleta. Maayos ko na itinupi ang mga damit kahit na sobrang sama ng loob ko. Napahinga na lang ako ng malalim at pinunasan ang luha na muling dumausdos pababa sa pisngi ko.

Itinabi ko sa isang gilid ang maleta matapos mag-impake. Tumayo ako at sakto naman na bumukas ang pintuan at pumasok doon si Mommy na malungkot ang bakas ng mga mata habang nakatitig sa akin.

Nabaling ang tingin nito sa maleta na nasa isang tabi. “Handa ka na pala,” aniya. “Pasensya na, Lou-an. Gusto lang namin ang ikabubuti mo.”

Tumango lang ako bilang sagot. Hindi ko kayang magsalita para sumagot kay mommy. Alam ko na mababasag ang boses ko ano mang oras kapag sinubukan ko magsalita. Walang kibo na umalis si mommy sa loob ng kwarto ko at isinara ang pintuan.

Napabuntong hininga ako ulit at pasalampak na naupo sa kama. Wala sa sarili na napabaling ako sa wall clock sa kwarto ko. It's almost time.

Tamad ako na tumayo at naglakad papasok sa banyo para maligo. Bathrobe lang ang tanging suot ko nang lumabas ako sa banyo. Naupo ako sa harap ng vanity dresser at tamad na naglagay ng liquid foundation, concealer, contour, at highlighter. Nang matapos ay isinaksak ko ang blower para patuyuin ang buhok ko. Naglagay ako ng red lipstick matapos suklayin ang mahaba kong buhok.

Hinubad ko ang robe na suot. Isinuot ko ang puting dress na abot hanggang sa binti at pa-v-neck na may collar pero sleeveless. May kainitan ang panahon ngayon kaya sleeveless ang natipuhan ko na isuot. Sinipat ko ang sarili sa harap ng salamin sa huling beses.

Nang masiguro na maayos na ang itsura ko ay isinuot ko na ang puting stiletto at hinila na ang maleta ko. Pagkalabas ko pa lang sa kwarto ko ay may naka-abang na sa akin na mga kasambahay. Kinuha nila ng walang imik sa akin ang maleta kaya sumunod ako pababa sa sala kung saan naghihintay ang aking mga magulang.

Napatayo ang mga ito nang makita ako. Si dad ay bumukas ang bibig ngunit muli iyong naitikom nang hindi ko sila pansinin. Deretso lang ang lakad ko, dahil ang sinusundan ko ay deretso lang din ang lakad patungo sa nakaparadang kotse sa tapat ng bahay.

Pinagtulungang isinakay ng mga kasambahay ang malaki kong maleta sa likod ng kotse. Hindi ko na hinintay pa na pagbuksan nila ako ng pintuan kaya ako na mismo ang nagbukas para sa sarili ko at agad na pumasok sa back seat.

Hindi dahil ako ang nauuna ay ibig sabihin non ay ayos lang sa akin ang nangyari. Hindi iyon ayos sa akin at kahit kailan ay hindi magiging ayos sa akin. Ilang segundo lang ang lumipas ay sumunod na sila mom at dad. Pareho nila akong sinulyapan pero hindi ko ito pinansin at tumingin na lang sa bintana.

Nagsimulang umandar ang kotse na sinasakyan ko. Nakatitig ako sa bahay hanggang sa wala na ito sa paningin ko. Napabuntong hininga ako at pinanatili ang tingin sa labas ng bintana. Ma-mi-miss ko ang lugar na ito.

Hindi ko alam kung gaano katagal na tumatakbo ang kotse. Tumingin lang ako sa harapan nang maramdaman ang paghinto nito. Nasa restaurant na kami. Napalunok ako at hinamig ang sarili para bumalik sa katinuan. Binuksan ko ang pintuan at bumaba na.

Naunang naglakad papasok sila mommy kaya naman sumunod na ako. Huminto sila sa tapat ng isang mesa at tumayo naman ang isang lalaki na sa tingin ko ay hindi nagkakalayo ang edad nila ni Dad. Umupo lang ako nang senyasan na ako na umupo.

“Nag-order na kami ng pagkain. Parating na iyon,” sabi naman ng isang babae. Hindi na ko nakinig pa sa usapan nila. Hindi naman ako interesado pa na makinig dahil ano pa ang saysay ng mga maririnig ko kung ibabahay naman na ako ngayon.

Nang dumating ang pagkain ay kumain ako. Kumain ako na walang pakialam sa mga kasama ko sa table at sa kung ano ang pinag-uusapan nila. Napatigil ako sa pagsubo nang maramdaman na may nakatitig sa akin.

Nag-angat ako ng tingin at nasalo non ang tingin ng lalaki na matanda lang ata sa akin ng isang taon. Wala akong makitang emosyon sa itim niyang mga mata. Walang pagtatanong ang mga iyon at lalong hindi mababakasan ng pagtutol sa nangyayari ngayon.

Hindi ko na ito pinansin. Pinagpatuloy ko na lang ang pagkain dahil nagsisimula na akong tamarin sa lahat ng bagay. Ramdam ko pa rin ang sulyap niya sa akin na ipinagsawalang bahala ko na lang.

Matapos kumain ay lumabas na kami sa resto. Hindi ko na alam ang mga nangyayari at pinanood ko na lang ang pagbuhat ng lalaki sa maleta ko. Dinala niya ito sa kulay gray na sedan pagkatapos ay binalikan ako.

“Tara na,” sabi niya. Sa kanina na pag-uusap nilang lahat ay lumilipad ang aking diwa. Hindi ko tuloy alam ang pangalan ng lalaki na ito. Hindi din naman ako interesado para alamin pa ang bagay na iyon.

Naglakad siya palapit sa gray na sedan at sumunod naman ako. Nang mapansin ang pagsunod ko ay pinantayan niya ang lakad ko. Pinagbuksan ako nito ng pintuan kaya agad na akong pumasok.

Bago umandar ang kotse ay kinausap pa siya ng kanyang mga magulang. Deretso lang ang tingin ko sa harapan at hindi na nilingon pa sila mom. Ano pa ang silbi ng paglingon ko sa kanila kung hindi naman nila babawiin ang mga nangyari? Napailing ako sa isip. Hindi ko naman ito ginusto.

Kinasusuklaman ko ang ganitong bagay.

Funny.

Yung bagay na kinasusuklaman ko ay nangyayari na sa akin at wala man lang akong magawa.

Make You MineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon