Kabanata 2

1K 87 48
                                    


Kabanata 2

[ATARAH'S POV]

"HINDI maaari." Bumagsak ang dalawa kong balikat nang marinig 'yon. Kahit ano pa lang lambing ang ginawa ko'y hindi pa rin pala siya papayag sa gusto ko.

"Pero, Ama—"

"Kapag sinabi kong hindi, hindi, Atarah." Sumeryoso ang mukha niya kaya alam ko na noong mga oras na 'yon na hindi na mababaluktot ang desisyon niya.

"Bakit ba ayaw ninyo akong pumayag na tumawid sa kabila? Bakit ang mga kababata ko'y malayang nakakalabas-pasok dito sa Biringan at sa mundo ng mga mortal? At nag-aaral pa sila roon na parang normal!" hindi pa rin ako nagpaawat.

"Sila kasi ang mga sugo natin sa kabila, mahal na prinsesa, sila ang mga kinatawan upang mag-aral ng mga makabagong medisina, batas, kaalaman, at teknolohiya sa mundo ng mga tao," sumagot si Uzi, ang pinagkakatiwalaang tigapayo ni Ama.

Bumaling ako sa aking ama na may hinanakit pa rin sa aking dibdib. "Kung gano'n ay bakit hindi n'yo rin ako isugo? Gusto ko ring maranasan ang pamumuhay sa kabila."

Napahilot si Ama sa sentido habang nakasandal sa kanyang gintong trono. "Maniwala ka sa akin, Atarah, higit mong gugustuhing manatili rito sa ating kaharian kaysa sa mabaho at magulong mundo nila."

"Kung gano'n ay bakit nawiwili tayong gamitin kung anong bago na mayroon sila? Bakit maraming mga lumalabas na tiga-Biringan at nagmimistulang turista sa labas?"

Nagkatinginan si Ama at Uzi bago sila muling tumingin sa'kin. Tumayo si Ama at humakbang palapit sa'kin. "Makinig ka, Atarah, ikaw ang aking unica hija, nag-iisang tigapamana ng aking kaharian. Hindi ka pangkaraniwang engkantada na maaari kong hayaang lumabas-pasok sa dalawang mundo." Marahan niyang hinaplos ang aking pisngi. "Malaki ang iyong responsibilidad."

Mas lalo lang sumikip ang aking dibdib noong mga sandaling 'yon sa kabila ng malambot na tinig ni Ama. Alam kong kahit ano pang sabihin ko'y kailanma'y hindi niya ako papayagang makatawid sa mundo ng mga mortal.

"Bakit ba gustong-gusto mong makatawid?" tanong ng isa sa mga kababata ko na si Arun, isang makisig na anak ng isa sa konseho ng aking ama.

Palihim akong nagtungo noon sa bahay ni Lirel kung saan madalas silang magsama-sama. Sa isang malaking silid ay may malaking liwanag sa pader, ang tawag nila roon ay 'screen projector' katulad daw ng mga nasa sinehan sa mundo ng mga mortal. Madalas ay pag galing ang mga kababata ko sa kabila ay nagdadala sila ng mga makabagong gamit dito, at nanonood kami ng mga palabas ng mga mortal.

Pero noong mga sandaling 'yon ay wala sa palabas ang atensyon naming lahat dahil naikwento ko sa kanila ang naging pagtatalo namin ni Ama.

"Tinatanong pa ba 'yan, Arun? Siyempre, kung tayo nga ay nag-eenjoy sa kabila. Gusto ring maranasan ni Atarah ang mga kinukwento natin sa kanya," segunda ni Lirel, isa ko pang kababata, bagong kulay ang mahaba niyang buhok noon.

Natawa bigla si Mirgon, ang pinakamaloko sa kanila. "Mas masarap sa kabila kahit na mas komportable rito, mas masarap kapag may kapangyarihan kang wala ang mga di hamak na mortal."

Wala sa mga sinabi nila ang totoo kong nais. Ang totoo niya'y hindi ko talaga alam noon kung bakit gustong-gusto kong makatawid. Siguro nga, dala lang talaga ng kuryosidad.

"Tigilan n'yo na nga ang panunukso kay Atarah," tumayo bigla si Sidra, "hindi n'yo siya masisisi dahil buong buhay siyang bantay sarado sa palasyo." Sumulyap siya sa'kin at nag-iwas naman ako ng tingin.

"Kaya nga, buti nga pinapayagan ka pa ng mahal na hari na makipagkaibigan sa'min," sabi ni Arun. "Kahit na mga B.I. kami."

"A-anong B.I.?" nahihiya kong tanong.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 05 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

My Biringan GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon