Chapter 8: "Arman Agoncillo"

12 2 0
                                    


Limang guwardiya ang walang awang nagpapaputok sa mga taong desperadong umaakyat sa emergency ladder, umaasa na makaligtas mula sa mapanganib na mga zombies.

"Ito ang sinasabi ko sa inyo, di ba nakakatuwa?" ang sabi ni Arman, habang ang kanyang mga kasama ay naparalisa sa takot at pagkadismaya sa kanyang kilos.

"Hoy, Arman. Tigilan mo na 'yan, mga estudyante at guro natin ang mga iyan, wala 'to sa pinagusapan natin, di ba?" sabi ng isa sa mga kaibigan ni Arman.

"Tama nga, Arman. Maawa ka naman sa kanila, itigil mo na 'yan!" sabi rin ng isa.

"Hindi ko lubos maisip na magagawa mo ang ganito, Arman."

Ngunit, waring walang naririnig si Arman, at tila masaya pa rin ito habang nakatitig sa ibaba. Ang kaniyang mukha ay puno ng kasiyahan habang pinapanood ang karahasan at pagdurusa sa ibaba.

*****

Labing limang taon na ang nakararaan. Isinilang ang nag-iisang anak ng mag-asawang Lena at Don Mario Agoncillo, isang prominenteng pamilya na may katungkulan sa gobyerno.

Si Don Mario ay isang matapang at seryosong haligi ng tahanan, samantalang si Lena naman ay isang istriktong may-bahay at ina ni Arman. Bata pa lamang, napagtanto na ni Arman na siya ay naiiba sa ibang kabataan. Bilang tagapagmana ng kayamanan ng pamilyang Agoncillo, gumuhit na sa kanyang isipan ang napakalaking responsibilidad na siya ang magpapatuloy at magtaguyod sa mga nasimulan ng kanyang ama. Sa madaling salita, sa murang edad, tinuruan na siya na maging disiplinado, ngunit sa kabila nito, nawalan siya ng kalayaan upang maglaro at gawin ang mga bagay na karaniwang ginagawa ng isang kabataan.

"Ano 'to, Arman!? 29/30 ang score mo!? Nag-aaral ka bang mabuti?" pagalit na wika ni Lena. Nanginginig si Arman, nakayuko, at sinasabay ang mga daliri sa nerbiyos.

"Mommy... isa lang naman po ang mali ko," depensa ng bata. Lalo pang uminit ang ulo ni Lena at hinawakan si Arman sa braso, saka siya itinulak papasok sa kwarto niya.

"Mommy, nasasaktan po ako! Tama na po," pakiusap niya.

"Tumigil ka! Ikukulong kitang bata ka! Hindi ka lalabas ng kwarto mo hangga't hindi ka nag-aaral ng mabuti. Ayaw ko ng isa o dalawang mali! Gusto ko perfect!" sigaw ni Lena, at saka niya itinulak si Arman papasok sa kwarto, kung saan ito'y napasubsob sa sahig. Ang bata ay umiiyak habang nagmamakaawa sa kanyang ina na siya ay palabasin.

"Mommy! Palabasin niyo na po ako dito!" iyak ni Arman, habang nagmamakaawa sa kanyang ina.

Gabi na nang buksan ng ama ni Arman ang pinto ng kwarto nito . Kinausap nito si Arman at muling pinagalitan habang pinupunto ang halaga ng pagiging magaling nito sa klase.

"Kailangan mo maging number 1 sa buong klase. Bilang Agoncillo walang lugar ang pagiging mahina at pagiging mabait sa lahat ng oras. Dapat bata ka palang alam mo na kung paano maging responsable sa lahat ng bagay! kung kinakailangan na magaral buong araw hanggang malumpo gagawin mo!" wika ni Don Mario. Umiiyak lamang na tumango ang batang si Arman.

Simula rin ng araw na iyon, ay nag aral ng mabuti si Arman upang maging proud sa kanya ang kanyang magulang. Subalit kapalit nito ang pagiba ng kanyang ugali. Dahil natatakot siya na malamangan ng iba sa klase ay ginagawa niya ang lahat upang maalis ang lahat ng sagabal sa kanyang adhikain. Bata pa lamang siya ay natuto na siyang mandaya at manloko para mapataas ang kanyang grades. Lagi niya rin ipinapamukha sa kanyang mga ka-klase na anak siya ng kilalang angkan at walang pwedeng sumalungat sa mga gusto at nais niya, dinala niya ang ugali na ito hanggang sa kanyang pag aaral sa high school.

Isang araw, matapos umuwi ni Arman naabutan niyang nag aaway ang kanyang ama at ina. Sigawan sa loob ng bahay ang maririnig, mga pagbabanta at pananakit ng kanyang ama na si Don Mario. Halos araw-araw naging madalas ang pag aaway ng kanyang magulang. Umabot na punto na nagkakasakitan na ang mga ito, sa murang edad ni Arman ay hindi niya inaakala na ganito kapait ang kapalaran ng kanyang buhay. Sa kabila ng kanyang perpektong buhay ay hindi niya makuha ang kaligayahan na kanyang ninanais sa kanyang mga magulang.

Hanggang isang araw habang nasa kalagitnaan ng pag aaway ang kanyang mga magulang ay biglang hinimatay si Arman.

"Arman!??? Anong nangyari?" natatarantang wika ni Lena, "tumawag kayo ng ambulansya!"

Viral of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon