Chapter 1

72 82 351
                                    

Bigla akong napapikit dahil sa pag-flash ng aking camera. Mag-isa akong kumukuha ng litrato ko mula pa kanina. Nang tignan ko ito, napasimangot ako nang bahagya dahil hindi ito ang eksaktong kinalabasan ng iniisip ko. Napalingon ako sa aking kwarto, nagkalat ang mga damit dahil sa aking pagpapalit-palit ng damit. Habang ang lahat ng aking make-up ay nasa ibabaw ng mesa. Inayos ko ulit ang camera at iniligay ito sa timer. Dali-dali akong pumunta sa harap nito at nagpose.

"Ayoko na nga!" naiinis kong sabi nang makita muli na di maganda ang huling mga larawan.

Iritable kong hinugasan ang aking mukha na puno ng kolorete. Tumigil ako at tumungo sa salamin upang tignan ang bawat sulok ng aking mukha. Madiin kong pinisil ang aking ilong, umaasa na baka ito ay magbago. Pagkatapos ay bumaba ako at natagpuan ang aking pamilya na naghahanda na para sa hapunan.

"Anong nangyari sayo?" pagtataka ng aking ina nang makita ang aking namumulang mukha.

'Di ako sumagot at tinitigan lamang siya. Napabuntong-hininga ako habang iniukit sa aking isipan kung gaano siya kaganda —maputi, malambot ang kutis, at matangos ang ilong. Ako, sa kabila ng lahat, ay tila kinulang sa swerte.

"Elena, mabuti naman at sasabay ka sa pagkain sa amin," ani ng aking ama na kabababa mula sa kanilang kwarto. "Kamusta ang iyong pag-aaral?"

"Maayos naman," maikli kong sagot.

Walang nagsasalita sa buong hapunan, subalit sa gitna ng katahimikan, napagtanto kong ito na ang tamang oras para ipaalam sa kanila ang aking mga plano.

"Nay, Tay," simula ko, "naiisip kong maging modelo. Gumagawa na ako ng portfolio 'ko ngayon at baka matulungan n'yo na makahanap ako ng mga proyekto o kaya —"

Ngunit sa haba ng aking paliwanag, agad na pinutol ng aking ina ang aking sasabihin.

"Anak, Elena, alam mo naman diba na kailangan marunong ka makipaglaro sa harap ng kamera kung nais mong maging modelo?" paliwanag niya, sa malumanay na tono.

"Tama," dagdag ng aking ama, "at huwag kalimutan na sa modeling, kailangan mo ring maging maganda." natatawang sabat ng aking tatay.

"Sigurado ka na ba d'yan, Elena? Parang hindi ka bagay doon, anak. Malamang ay lalamunin ka lang ng industriyang 'yon. 'Yung anak ng kumare ko, si Ashley, modelo iyon! Kung kayo'y pagtatabihin, malamang siya ang pipiliin," sabi ng aking ina.

At sabay na humalakhak ang aking mga magulang.

Mali. Napakamaling ideya na sinabi ko pa sa kanila.Hindi ko alam kung alin sa dalawa ang mas masakit: ang kakayahan naming tuparin ang aking pangarap ngunit ang mismong magulang ko ay hindi sumusuporta, o ang mga salitang kanilang binitiwan?

'Di ko na tinapos ang aking pagkain at umakyat na ako sa aking silid habang pinipigilan ang pagtulo ng aking mga luha.

"Elena! 'Wag kang magdala ng sama ng loob. Mas mabuti nang galing sa amin 'yan kaysa naman sa iba mo marinig! Kami lang ay nagsasabi lamang ng totoo!" pahabol na sigaw ng aking nanay.

Napagtanto ko na ang aking mga pangarap ay itinagubilin sa dilim ng aking natatanging katangian. Humiga ako sa aking kama at pinilit na makatulog, umaasang may pagbabago bukas.

Kada pumapasok ako sa paaralan, 'di na ako nagpaalam at hindi ko na kinakausap ang mga magulang ko. Pagdating ko sa aming silid-aralan, nakita kong may isang kaklase na nakaupo sa aking karaniwang upuan. Tinitigan ko siya, ngunit ayaw pa rin niyang umalis.

"Magandang umaga, tiyanak," inaasar na bati ni Althea.

Wala akong gana makipag-away, kaya't naghanap ako ng ibang upuan. Subalit bawat hakbang ko patungo sa mga bakanteng upuan ay inaagaw agad ng mga kaklase ko at sinasabing ito ay okupado na.

Bukod sa aming bahay, ang paaralan ay parang isa ring digmaan, kung saan ang aking mga kapwa mag-aaral ay walang-awang mandirigma na patuloy na nag-aalaska sa akin. Pati mga matatanda ay hindi mapigilan ang pag-ukit ng kanilang mga tingin, para bang ako ay isang kakaibang nilalang sa isang mundong puno ng kabagalan.

"Elena, baka mas mabuti kung kumuha ka na lang ng upuan sa isa sa mga bakanteng silid-aralan sa unang palapag, kaysa naman nakikipag-agawan ka diyan kina Althea," payo ng aking guro na kakarating lang, bagamat ako naman ang mas naunang umupo sa mga upuan na iyon.

Isa lang ito sa mga pangkaraniwang karanasan ko. Ang mga ganitong bagay ang mga patuloy na paalala na hindi ako nabibilang sa kanila. Harap-harapang ipinapamukha sa akin na may kahigitan ang mga marikit. Walang nag-aalok ng upuan o ayaw makibahagi ng mesa sa akin tuwing puno ang kantina. Ang mga tricycle ay lalagpasan ako at isasakay ang katabi kong babae kahit ako ang unang pumara. Mas ganado ang iba na tumulong sa mas may kaibig-ibig na mukha kaysa sa mga katulad ko. Higit sa lahat, mas pinipili at pinapaburan ang mga naayon sa kanilang mga mata. Sa mundong ito, ang tadhana na ang nagsasabi na ako ay mag-isa.

(Kasalukuyan)

Mahigpit kong hawak ang aking cellphone upang kunan ng litrato sarili ko upang makapag-post. Tinignan ko ang huling post ko sa blogsite na SoulSeries — ako na may kolorete at nakabihis. Isinulat ko rin ang maikli kong proseso kung paano ko inayos ang aking sarili. Subalit wala pa ring nakikilalang reaksyon o like, liban sa isang negatibong komento na nagsasabi, "Sayang lang ang gamit mo, walang talab naman sa iyong mukha."

"Kailan kaya ako matitignan na puno ng giliw?" mahina kong bulong sa sarili ko.

Hindi ko mapigilan ang pag-iyak habang tinitingnan ang litrato ko. Galit ako sa aking sariling mukha, tila ba nais kong balatan o himurin ito. Kaagad kong dinelete ang litratong iyon sa sobrang inis. Hindi ko na nauunawaan ang aking mga damdamin — tila ba nawawala na ako sa aking sarili. Hinalughog ko sa mga aparador ang mga lihim kong tinatago, ang matutulis na bagay. Ito'y tila isang desperadong hakbang para muling makuha ang kontrol sa aking buhay. Natatawa ako na parang baliw habang patuloy akong naglalagay ng presyon sa aking pulso.

Pagkatapos ng ilang hiwa, napagod na ako. Ang sahig ng aking banyo at ang aking mga damit ay puno na ng dugo. Napagtanto ko na hindi ko na kilala ang aking sarili dahil natutuwa ako sa aking nakikita. Parang isang obra maestra ang makulay na pula sa aking paligid, isang sining na hindi kayang pantayan ng anuman. Kinuha ko ang aking telepono at kinuhanan ito ng litrato. Sa aking desperasyon na makuha ang atensyon at sa aking matinding pagnanasa na maipahayag ang lahat ng aking nararamdaman, inilathala ko ito. Makikita ng mga tao ang isang kanvas na puno ng mga sugat na nagmumula sa puso, bawat isa'y nagsasalaysay ng kanilang sariling kwento ng sakit at pagkawalan ng pag-asa.

Napangiti ako dahil wala pang limang minuto, may mahigit sampung likes na ito. Napatawa ako dahil ito na ang hinihintay ko! Ang mga mata ng madla ay nakatuon sa akin! Ang mga reaksyon ay magkakaiba at kapansin-pansin. May mga nagbibintang na naghahanap ako ng pansin, samantalang ang iba naman ay nag-aalok ng mga mahihinang salita ng kahinahunan, pinapayuhan na itigil ang pananakit na ito. At mayroong mga umamin na nararamdaman nila ang nakakatakot na kapanatagan sa aking post, mga kapwa na unti-unti nang nahuhumaling sa kakila-kilabot ng aking bubog.

Ang bagong mundo na aking natuklasan ay magiging entablado kung saan isusulat ang aking tadhana, kung saan magbubukas ang aking paglalakbay — isang landas na puno ng kadiliman, pag-asa, at desperadong pagnanais para sa pagtanggap.

"Natagpuan ko na kung saan ako nararapat," huling sambit ko bago bumalot ang dilim sa paligid.

Coldness in My HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon