AMBUSH

125 2 0
                                        

Madilim, tahimik, at amoy kalawang ang abandonadong gusali kung saan madalas makipagkita si Gaia sa kanyang informant. Wala na kasing nagagawi sa bahaging ito ng siyudad, kaya perpekto itong lugar para sa mga palihim na transaksyon. 

Bawat hakbang niya sa sementadong sahig ay maingat at kalkulado. Walang lumilikhang ingay kahit ang paglapat ng kanyang sapatos.

Pero pagdating niya sa mismong pwesto kung saan sila madalas mag-usap ng informant niya, bigla siyang natigilan. Agad siyang napaatras at sumiksik sa likod ng isang malaking konkretong poste.

May nakatayong bulto ng lalaki sa pwestong iyon. At kahit nakatalikod ito, sigurado siyang hindi iyon ang taong hinihintay niya.

Hinila niya pababa ang suot na itim na cap at mas inayos ang kanyang face mask para siguraduhing tanging ang mga mata niya lang ang makikita. Doble, hindi, triple ang pag-iingat na ginagawa niya palagi. Kahit ang mismong informant niya ay hindi pa nakikita ang buo niyang mukha o alam ang tunay niyang pangalan. Mahirap na; isang pagkakamali lang, pwedeng masira ang apat na taon niyang paghihirap.

Pero hindi siya pwedeng umalis nang basta-basta. Kailangan niyang malaman kung sino ang lalaking ito at bakit ito nandito.

Maingat siyang umikot sa kabilang poste, pilit na inaaninag ang hitsura ng lalaki sa tulong ng papasok na liwanag. Nang bahagyang lumingon ang lalaki para tumingin sa relo nito, halos tumalon ang puso ni Gaia sa gulat. Mabilis siyang umurong at napasandal nang mariin sa malamig na pader.

Ano'ng ginagawa niya rito? naguguluhang bulong niya sa isip.

Si Michael. Ang asawa niya. Ang lalaking kani-kanina lang ay balak niyang iligaw sa motel. 

Paano ito nakapunta rito? 

Sinundan ba siya nito? 

Hindi, imposible. 

Sigurado siyang naiwan ito sa labas ng motel at mas nauna pa itong dumating sa abandonadong gusali kaysa sa kanya.

Nagsalubong ang mga kilay ni Gaia. Ano ang koneksyon ni Michael sa informant niya?

Naging alerto ang bawat sentido niya. Nagmasid siya sa paligid. Masyadong tahimik. Pakiramdam niya ay may nag-aabang na panganib sa dilim at kailangan niyang maging handa.

Samantala, sa kinaroroonan ni Michael, inis na inis na siya. Panay ang tingin niya sa kanyang suot na relo. Limang minuto na siyang nakatayo sa maalikabok at amoy-amag na lugar na ito. Kung hindi lang tumawag ang Dad niya at nag-utos na pumunta siya rito, hindi siya magsasayang ng oras.

"Pumunta ka sa lumang warehouse sa may pier. Maghintay ka lang diyan hanggang may lumapit sa'yo," iyon lang ang sinabi ng ama niya bago binaba ang linya.

Walang paliwanag. o detalye. 

Imbes na sinusundan niya ngayon si Gaia para malaman ang mga sikreto nito, heto siya at nag-aantay sa wala. Naiinis siya sa sarili niya dahil pakiramdam niya ay nakatakas na ang asawa niya kasama ang lalaki nito sa motel.

Aalis na sana siya at tatalikod nang biglang may marinig siyang mahinang kaluskos mula sa kanyang likuran.

Hindi iyon tunog ng daga o pusa. Tunog iyon ng sapatos na pasimpleng kumakayod sa semento.

Dahil sa matinding training niya, mabilis na nag-react ang katawan ni Michael. Bahagya siyang umikot at kasabay noon ay ang mabilis na paghawi ng hangin sa mismong tagiliran niya.

Swoosh!

Muntik nang bumaon ang isang anim na pulgadang kutsilyo sa kanyang tadyang.

Agad na umatras si Michael, ang puso niya'y biglang nag-pump ng adrenaline sa buong sistema niya. Hinarap niya ang umatake. Isang lalaking nakabonnet at nakaitim na jacket. Bago pa makabawi sa gulat si Michael, sumugod ulit ang kalaban. Umunday ito ng saksak papunta sa dibdib niya.

OUR DEADLY VOWSMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon