Alam ni Gaia, simula pa lang nang lumabas siya ng bahay, na may nakabuntot sa kanya. Hindi man niya lingunin, ramdam niya ang presensya ng kotseng sumusunod sa bawat liko niya. Si Michael.
Kailangan niya itong iligaw. At para mangyari iyon, kailangan niya ng backup.
Agad niyang tinawagan si Louie, ang kaisa-isa niyang best friend. Nag-set siya ng mabilisang pagkikita sa isang pamilyar na restaurant.
Pagpasok pa lang ni Gaia, nakita na niya si Louie na nakaupo sa dulong table. Kababata niya ito at ang tanging taong nakatiis sa paminsan-minsang kasungitan niya. Higit sa lahat, alam ni Louie ang buong pagkatao niya—ang mga sikreto niya, ang galit niya, at ang tunay na dahilan kung bakit siya pumayag na magpakasal kay Michael.
Nung una, tutol na tutol si Louie sa mga delikadong plano niya laban sa pamilya Aguas. Pero dahil matigas ang ulo ni Gaia, sumuko rin ito at naging kunsintidor niyang sidekick. Platonic ang relasyon nila; parang magkapatid na talaga sila, lalo pa't may seryosong girlfriend na si Louie na nagngangalang Bea.
"So, kumusta ang first day ng honeymoon phase?" pambungad na asar ni Louie pagkaupong-pagkaupo ni Gaia.
Tumaas agad ang isang kilay ni Gaia. "Tigil-tigilan mo nga ako, Louie. Wala akong time makipagbiruan."
Napangisi ang lalaki. Sumandal ito at humalukipkip. "O, sige na. Ano bang maitutulong ko sa mahal na prinsesa?"
Bahagyang inilapit ni Gaia ang mukha niya sa mesa para siguraduhing walang ibang makakarinig. "Nakasunod sa akin ang asawa ko. Pero may importante akong taong kailangang i-meet ngayon din," seryosong bulong niya. "Kailangan ko ng kahit dalawang oras. Tulungan mo akong iligaw siya."
Kumunot ang noo ni Louie. "Paano? Ano'ng gusto mong gawin ko?"
"Pumunta tayo sa motel."
"What?! Are you insane?!"
Napasigaw si Louie at biglang napatayo sa gulat. Agad siyang hinila pabalik ni Gaia bago pa sila pagtinginan ng mga tao sa restaurant.
Samantala, mula sa madilim na sulok sa labas ng restaurant, nakamasid si Michael sa loob ng sasakyan niya. Nakita niya ang biglang pagtayo ng lalaking kausap ni Gaia. Namukhaan niya ito—bisita ito sa kasal nila kahapon. Kaibigan? O higit pa doon? Nag-isip nang malalim si Michael habang pinapanood ang dalawa.
Sa loob, pilit na pinapakalma ni Gaia ang kaibigan.
"Gaia naman!" bulong ni Louie habang umaaktong niyayakap ang sarili na parang pinoprotektahan ang katawan. "Bugbugin mo na lang ako, 'wag mo lang kunin ang puri ko! Para kay Bea lang 'to!"
Nanlaki ang mga mata ni Gaia. Hinampas niya sa braso ang kaibigan. "Sira ulo! Ang kapal talaga ng mukha mo!" gigil na bulyaw niya, bagama't pinipigilan ang tawa.
Tumawa nang mahina si Louie. "Eh kasi naman, bakit sa motel pa? Pwede namang sa hotel o sa mall tayo magtago."
Sinamaan siya ng tingin ni Gaia. "Hinaan mo nga 'yang boses mo. Kaya motel, kasi may sariling garahe 'yon na nagsasara! Hindi katulad sa hotel na pwede siyang mag-abang sa lobby o sa labas ng pinto ng kwarto. Kapag nasa loob na tayo ng garahe ng motel, madali na akong makakatakas sa likod nang hindi niya nakikita. At makakabalik ako na kunwari nandoon lang ako buong oras."
Namilog ang bibig ni Louie, tila na-impress. "Wow. Kabisado ang layout, ah? Aminin mo nga, sino nang dinala mo sa motel at alam mo ang mga ganyang galawan?" asar nito.
Napabuntong-hininga si Gaia. "Louie, seryoso."
"Seryoso rin ako! May nililihim ka ba sa'kin?"
"Tsk! Nakipag-meet na kasi ako dati doon sa isa kong asset! Secured ang lugar na 'yon para sa mga patagong meeting," paliwanag ni Gaia para lang matigil na ang pangungulit ng kaibigan. "Ano, game ka ba o hindi?"
Saglit na nag-isip si Louie bago bumuntong-hininga. "Sige na nga. Siguraduhin mo lang na hindi 'to makakarating kay Bea, kundi bubugbugin ako nun bago mo pa pabagsakin ang pamilya mo."
"Ako'ng bahala," paniguro ni Gaia, may tipid na ngiti ng tagumpay sa labi. "Tara na. Sa kotse ko na lang ipapaliwanag ang next step."
Mabilis na tumayo ang dalawa. Bago tuluyang lumabas ng restaurant, pasimpleng sumulyap si Gaia sa direksyon kung saan nakaparada ang sasakyan ni Michael. Kagat sa pain. Napangisi siya.
Hindi agad sumunod si Michael nang lumabas ang dalawa. Pinalipas muna niya ang halos isang minuto para hindi siya mahalata. Nang makita niyang umarangkada na ang sasakyan nina Gaia, saka lang niya binuhay ang makina at tahimik na nakibuntot, pinapanatili ang tamang distansya.
Wala siyang ideya kung saan pupunta ang asawa niya at ang lalaking kasama nito.
Hanggang sa biglang kumabig ang sasakyan ni Gaia papasok sa isang eskinita... at dumiretso sa entrance ng isang sikat na drive-in motel.
Napa-apak ng preno si Michael.
Literal na nanlaki ang mga mata niya habang pinapanood ang pinto ng garahe na sumara sa likod ng sasakyan ng asawa niya.
"What the..." naibulalas niya sa loob ng kotse. Hindi siya makapaniwala. First day ng kasal nila, tapos dumeretso ang asawa niya sa motel kasama ang ibang lalaki?
"Are they lovers? May relasyon ba sila?" magkakasunod na tanong niya sa sarili. Humigpit ang hawak niya sa manibela. Naiinis siya, hindi dahil nagseselos siya, kundi dahil pakiramdam niya ay isa itong malaking insulto sa plano niya.
Susunod ba siya sa loob para huliin ang mga ito? O mag-aantay na lang sa labas?
Sa loob ng kwarto ng motel, walang balak magsayang ng oras si Gaia.
Habang nanonood ng TV si Louie, mabilis na nagpalit ng damit si Gaia—mula sa eleganteng dress ay nagsuot siya ng all-black na outfit. Isinuot niya ang itim na cap at hinila pataas ang kanyang face mask.
Pagsilip niya mula sa maliit na bintana, nakita niyang nakaparada pa rin ang sasakyan ni Michael sa malayo, hindi pumasok sa compound.
Perfect.
Alam niyang sa mga oras na ito, baka iniisip na ng asawa niya na nagtataksil siya. Siguradong sira na ang imahe niya rito. But it doesn't matter. Wala siyang pakialam kung ano ang isipin ni Michael sa kanya at kay Louie.
Ang mahalaga, nakatakas siya. At sa susunod na dalawang oras, hawak niya ang oras niya para harapin ang taong magbibigay sa kanya ng impormasyong tatapos sa mga Aguas.
Dahan-dahan siyang lumabas sa fire exit ng motel at tuluyang naglaho sa dilim ng kalsada.
BINABASA MO ANG
OUR DEADLY VOWS
ActionOUR DEADLY VOWS "In a marriage built on lies, only one vow was ever true-someone had to die." Michael Kane Sandoval and Hanna Gaia Aguas were forced into a marriage neither of them wanted. To everyone else, it was the wedding that would finally end...
