THE GAME BEGINS

343 5 0
                                        

Nakabibingi ang katahimikan sa loob ng sala. Unang araw pa lang nila bilang mag-asawa, pero imbes na romansa, tensyon ang namamagitan kina Michael at Gaia. Magkaharap sila sa sofa, parehong walang umiimik. Paminsan-minsa'y nagkakasalubong ang mga tingin nila, pero mabilis din silang nag-iiwasan—isang tahimik na patintero bago pa man may magsalita.

Si Gaia ang unang naubusan ng pasensya. Humalukipkip siya at pinukol ng tingin ang lalaking kaharap. "So, ano'ng plano natin? Magtititigan na lang ba tayo buong araw?"

Bahagyang umangat ang sulok ng labi ni Michael, tila natuwa sa pagkabasag ng yelo. "Depende." Sumandal siya sa inuupuan, ang mga mata'y may pilyong kislap. "Kung gusto mong may gawin tayo... willing naman ako."

Mabilis na umirap si Gaia. "As if."

Natawa nang mahina si Michael. Good. Kailangan niyang pagaangin ang atmospera. Isang pangunahing rule sa laro niya: mas madaling patumbahin ang kalaban kung nakukuha mo ang tiwala nito. Kung magiging komportable si Gaia sa presensya niya, mas madali itong mababantayan, at doon lang lalabas ang mga kahinaan nito.

Kapag nangyari iyon, isang pinal na galaw na lang ang kailangan niya. Isang hakbang para tapusin ang misyong ito at makabalik na siya kay Diane—ang babaeng tunay niyang minahal, na sana'y kasama niya ngayon kung hindi lang siya napilitang pumasok sa kasunduang ito.

"I'm just kidding, wifey. 'Wag ka nga masyadong seryoso," natatawang bawi niya habang tinititigan ang reaksyon ng asawa.

Ngumisi lang si Gaia sa isip niya. Cute. Akala yata ng lalaking ito, wala siyang alam. Akala nito, isa lang siyang inosenteng manika na tinulak ng pamilya Aguas sa altar at walang nagawa kundi ang pumayag.

How wrong he was.

Pumasok siya sa kasal na ito nang bukas ang mga mata. Hindi siya tanga para sumabak sa giyera nang hindi pinaghahandaan ang mga kalaban niya. Ang bawat ngiti niya papunta sa altar, ang bawat kibot ng bibig niya kanina—lahat iyon ay kalkulado. Ang kasal na ito ay isa lang maliit na piyesa sa sarili niyang master plan.

Tahimik siyang nag-obserba habang sumasandal pabalik. Walang ideya si Michael na ang "Gaia Aguas" na kilala ng lahat ay matagal nang patay. Namatay ang bersyong iyon apat na taon na ang nakararaan, noong matuklasan niya ang mapait na katotohanan: Hindi siya tunay na anak ng mga Aguas.

Isa lang siyang decoy. Isang panakip-butas. Isang kalasag na inalagaan para saluhin ang mga bala na para sana sa tunay nilang tagapagmana.

Naalala pa niya ang sakit nang gumuho ang dalawampu't tatlong taon ng pagpapanggap niya. Kaya pala kahit anong pagpapakabuti at pagmamakaawa niya sa atensyon nila, hindi iyon naging sapat. Disposable piece lang pala siya. Pero mabilis natuyo ang mga luha niya. Nagising na lang siya isang araw na walang nararamdaman kundi galit. Kung may magdudusa sa kwentong ito, hindi siya iyon.

Sa loob ng apat na taon, sinimulan niya ang sariling paghihiganti. Sa bawat ilegal na transaksyon ng mga Aguas, laging may isang aninong nauunang dumating—nakamaskara, tahimik, at mapanira. Mahirap. Araw-araw siyang nakikisalo sa hapag ng mga taong tinatraydor niya. Isang maling kilos, tapos ang buhay niya. Pero hindi siya nagpahuli.

Ang nakakatawa? Hanggang ngayon, ang mga Sandoval ang pinaghihinalaan ng mga Aguas na nananabotahe sa operasyon nila. Wala silang ideya na ang pinakamalaking demonyo sa buhay nila ay kasabay nilang kumakain at natutulog sa ilalim ng iisang bubong.

Bumalik ang tingin ni Gaia kay Michael.

Ang mga Sandoval. Isa pang malaking palaisipan. Kilala ang pamilya nito bilang mga respetadong negosyante at pilantropo sa mata ng publiko. Pero sa ilalim ng malinis na imahe, mga vigilante sila. Mga taong kusang naglalagay ng batas sa sarili nilang mga kamay para parusahan ang mga hindi kayang abutin ng hustisya.

Kaya hindi magtugma sa isip ni Gaia kung bakit pumayag ang dalawang pamilya sa kasalang ito. Walang sinuman sa kanila ang naghahangad ng kapayapaan. Lahat ay may hidden agenda.

Ang misyon niya? Patayin si Michael. Ang misyon ni Michael? Patayin siya.

Pero bago mangyari iyon, kailangan niya munang alamin: Ano ang lihim na kasunduan ng dalawang pamilya na mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang mga buhay?

"Hey."

Isang tapik sa balikat niya ang biglaang pumutol sa paglalakbay ng isip ni Gaia.

Reflex.

Bago pa man makapag-isip ang utak niya, kusang kumilos ang kanyang katawan. Mabilis niyang nahablot ang pulso ni Michael, ipinihit ang braso nito palikod, at isinandal ang sarili niyang bigat para tuluyang mawalan ng balanse ang lalaki at bumagsak sa armrest ng sofa.

"Ouch, fuck!" napangiwi si Michael.

Doon lang natauhan si Gaia. Mabilis niyang binitawan ang asawa at napaatras ng isang hakbang, nanlalaki ang mga mata. "...Sorry."

Napakurap siya. Wala namang panganib. Isang tapik lang iyon. Ngunit hangga't hindi niya alam kung kailan balak umatake ni Michael, naka-survival mode ang katawan niya. Hindi siya maaaring magkamali.

Tahimik na inayos ni Michael ang sarili at pinagmasdan ang asawa. Walang galit sa mga mata niya. Walang gulat. Sa halip, isang malalim na kalkulasyon ang dumaan sa mga iyon.

Interesting.

Hindi iyon galaw ng isang ordinaryong babae. Walang pag-aalinlangan ang hawak nito. Isang purong combat reflex na mabilis pa kaysa sa inaasahan niya.

Marunong itong lumaban.

Tinago ni Michael ang anumang nasa isip niya at ngumiti nang tipid na parang walang nangyari. "It's okay. Nagulat yata kita."

Ngunit sa likod ng maamo niyang mukha, may isang desisyon na ang nabuo. Hold muna. Hindi pa ito ang tamang panahon para umatake. Hindi siya gagawa ng hakbang hangga't hindi niya nalalaman ang buong kakayahan ng babaeng pinakasalan niya. Dahil mukhang hindi lang isang simpleng pawn ang kaharap niya, kundi isang manlalaro na handa rin siyang patayin.

OUR DEADLY VOWSMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon