“Sigurado ka na ba talaga sa desisyon mo, anak?” muling tanong ni Papa sa akin habang kumakain kami ng dinner sa hapag-kainan.
Mula kaninang umaga habang tinutulungan niya akong mag-impake ng mga gamit ko ay ito na ang tanong niya sa akin. Halatang ayaw niya akong umalis kaya panay ang tanong niya dahil ramdam kong nagbabasakali siyang magbago pa ang isip ko. Pero buo na talaga ang loob ko sa desisyong ito. Aalis na ako rito at sa Baguio na maninirahan at mag-aaral, pero nangako naman ako sa kan’yang dadalaw pa rin ako rito tuwing holidays o kung kailan ko gusto.
Nilunok ko muna ang kinakain kong steak bago ako tumingin sa kan’ya at tumango. “Yes, Pa,” sagot ko. Sa kabisera nakaupo si Papa at nasa kaliwa niya ako.
Napabuntong-hininga si Papa at bumagsak ang kan’yang mga balikat. Malungkot ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Napangiti ako at kalaunan ay mahinang natawa.
“Papa . . .” malambing kong pagtawag sa kan’ya bago ko binitawan ang mga kubyertos na hawak ko para mahawakan ang balikat niya. “Puwede ka naman pong sumama sa akin, eh.”
Napanguso si Papa. Nilapag niya ang hawak niyang kutsara para mahawakan ang kamay kong nasa balikat niya. Tatlong beses niya itong marahang tinapik.
“Alam mo namang hindi puwede. May trabaho ako. Magagalit ang Lolo mo kung aalis ako.” Tumango ako.
Naiintindihan ko iyon. Ngayong nakakulong na si Tita Lucia ay si Papa na lang ang natitirang pinagkakatiwalaan ni Lolo na katuwang niya sa pamamahala ng kan’yang mga negosyo. Hindi man niya ito tunay na anak, pero sa mga nagdaang taon ay itinuring niya na rin itong parang tunay na anak. Hindi man halata sa paraan ng pananalita ni Lolo pero makikita iyon sa mga kilos niya.
Halos magdadalawang buwan na simula noong makabalik ako rito sa bahay. Tandang-tanda ko pa na agad na sumugod dito si Lolo nang malaman niyang nakauwi na kami ni Papa. Nanlilisik kan’yang mga mata at galit na galit siya kay Papa.
Palalayasin na sana niya kami dahil pinakulong ni Papa ang kan’yang panganay, pero mahinahon siyang kinausap ni Papa hanggang sa nakumbinse niya itong pakinggan ang kan’yang paliwanag. Habang pinapakinggan ko ang kuwento ni Papa, mula sa pagiging magkasintahan nila ni Mama hanggang sa aksidente niyang nabuntis si Tita Lucia dahil nilasing siya nito at may nangyari sa kanila sa pag-aakala niyang si Mama iyon; ang pamimintang ni Tita Lucia kay Mama na kabit ito at sinisira niya ang relasyon nila ni Papa na naging dahilan para itakwil at palayasin siya nina Lolo at Lola; ang pag-uutos nito sa kan’yang tauhan na patayin si Mama nang nalaman niyang may nabuo sa pag-iibigan ng kan’yang bunsong kapatid at ng kan’ya ngayong asawa, at ang pananakit niya sa akin magmula noong inuwi ako rito sa bahay ni Papa, ay hindi ko maiwasang hindi muling mapahikbi habang inaalala rin ang lahat ng mga masasakit na pinagdaanan namin.
Doon ko rin natanto na kahit na sumaya ako ng halos isang linggo at nakalimutan kahit na saglit ang mga problema ay malalim pa rin pala talaga ang mga sugat sa puso ko.
Sobrang pagkadismaya, galit, at lungkot ang naramadaman ni Lolo nang malaman niya ang mga kagagawan ng kan’yang panganay.Nang matapos magpaliwanag si Papa ay walang imik na tumayo si Lolo mula sa pagkakaupo sa sofa pero mababasa sa kan’yang mukha ang nararamdaman niya. Nagulat ako nang nilapitan niya ako kaya agad akong napatayo habang nagpupunas ng basang pisngi.
“Vidalia,” pagtawag niya sa akin. Ito rin ang unang beses na tinawag niya ako sa pangalan ko.
Napaangat ang tingin ko sa kan’ya. “A-Ano po iyon, Mr. Mendoza?” kinakabahang tanong ko. Iniisip ko na baka ako lang ang palayasin niya. Baka hanggang ngayon, hindi pa rin niya ako tanggap bilang apo. Pero nagulat ako nang bigla niya akong niyakap nang mahigpit. Hindi pa ako makagalaw noon at hindi ko rin alam kung ano ba ang dapat kong maging reaksyon sa ginawa niya.
“Lolo, hija. Call me lolo . . .” gumaragal ang boses niya sa huling salita.
Napaawang ang labi ko at hindi makapaniwala sa narinig. “I’m so sorry, Apo . . .” halos pabulong niyang saad kasabay nang pagtaas baba kan’yang mga balikat niya. Senyales na umiiyak siya.
Agad na nanubig ang mga mata ko at tila may mainit na yumakap sa puso ko. Namalayan ko na lang na yakap-yakap ko na rin si Lolo at umiiyak na sa dibdib niya. Panay ang paghingi niya ng tawad sa akin at kay Papa. Ilang beses akong tumango hanggang sa nagkaroon muli ako ng lakas na magsalita. “Napatawad na kita, Lo. Sana matutunan mo ring mapatawad ang sarili mo . . .”
Sa sobrang dami ng masasakit naming pinagdaanan ito na siguro ang simula para pahilumin ang mga malalalim na sugat na aming natamo. Sa loob ng halos dalawang buwan, sinubukan kong muling bumalik sa pag-aaral sa dati kong paaralan pero araw-araw lang akong nagdurusa sa pag-alala sa masalimuot na kahapon. Hindi ako makahakbang papaalis dahil pilit akong hinihila nito pabalik sa kadiliman.
Kahit na nakakulong na si Milo, naroon pa rin ang takot sa sistema ko. At kahit na maayos ang pakikitungo sa akin ng mga tinuring kong kaibigan, unti-unti na rin akong dumistansya sa kanila. Natanto kong kaibigan lang nila ako dahil naibibigay ko ang kailangan nila, pero pagdating sa akin nakakalimutan nilang kaibigan nila ako. Oo, nag-sorry sila dahil hindi nila ako agad na natulungan noong sinasaktan ako ni Milo pero pagkatapos no’n bumalik lang sa dati ang lahat. Ni-pangungumusta o pagtatanong kung komportable o ayos lang ba ako noong pumasok akong muli sa klase, wala. Kaya bakit pa ako magtitiis sa mga taong wala naman pala akong halaga para sa kanila. Mas mabuti nang mag-isa kesa buong buhay kong kinukuwestiyon ang halaga ko sa mga taong wala naman palang pakealam sa akin. Mahirap lumayo kasi nasanay na akong kasama sila palagi pero alam kong para rin iyon sa ikabubuti ko. Naniniwala akong balang araw, makakatagpo muli ako ng taong magiging tunay kong kaibigan kagaya ni Mama.
Paglayo. Iyan ang tanging naiisip kong unang hakbang para patigilin ang pagdurugo ng mga sugat ko. Buo na ang desisyon ko at sana tama itong landas na tatahakin ko.
“Sigurado ka bang ayaw mong bilhan kita ng bahay sa Baguio, Apo?” tanong ni Lolo Giovon nang dumaan ako sa opisina niya sa Garber Co. para magpaalam na aalis na ako.
Natawa ako at mabilis na umiling. “Huwag na po, Lolo. May nahanap naman na po akong magandang apartment doon at saka malapit lang po iyon sa university na papasukan ko.”
Napanguso si Lolo at tila nag-iisip. Halatang hindi pa rin kumbinsido.
“Huwag po kayong mag-alala, Lo. Safe naman po ang lugar na napili ko.”
Ilang segundong tumitig sa akin si Lolo. “Sigurado ka ba talagang ayaw mo ng bahay?”
Muli akong natawa. “Gusto ko pong mamuhay ng simple lang, Lo. At kung magkakabahay man po ako sa Baguio, gusto ko pong sarili kong pera ang ipinundar ko doon.”
Umaliwalas ang mukha ni Lolo at puminta ang pagkamangha rito. “Kung gano’n, aabangan ko ‘yan.”
Napangisi ako. “Sure, Lo.”
Napatayo si Lolo mula sa kan’yang swivel chair at naglakad papalapit sa akin. “Mag-iingat ka, Apo. Kapag may kailangan ka, huwag kang magdalawang isip na tawagan agad ako.”
Tumango ako habang nakangiti bago lumapit sa kan’ya para mayakap siya. “Thank you po, Lolo! Kayo rin po, mag-iingat din po kayo lagi.”
Sa mga magagandang pagbabago sa takbo ng buhay ko ngayon, masaya akong pinili kong mabuhay. Alam kong marami pa akong malulubak at sirang daan na tatahakin pero naniniwala akong kakayanin ko iyon dahil kasama ko Siya.
-vidacarryon-
BINABASA MO ANG
A Week Before The Plan
SpiritualVida wants to end her fucked up life that night. But a strange girl suddenly pop up from nowhere. They had a bet and that strange girl won. So she asked Vida to come and travel with her and Vida agreed. Will that travel can change Vida's mindset on...