Unang Kabanata

1.4K 46 5
                                    

Unang Kabanata

Sa huling pagkakataon ay muli kong sinipat ang sariling repleksyon sa salamin. Ito ang unang beses na naging conscious ako kung paano ko i-present ang sarili ko sa isang tao. Wala naman talaga akong pakialam sa iniisip at sinasabi patungkol sa akin ng mga tao sa aking paligid, wala akong dapat na patunayan sa kanila. Pero iba ngayon, parang sinasabi ng isip ko na kailangan kong magpanggap na isang bruskong lalaki sa harap ng aming magiging bisita.

Bisita?

Matatawag ko bang bisita ang sarili kong ama? Dahil ba apat na taon ko siyang hindi nakita at nakasama ay bisita na lang ang magiging tingin ko sa kanya? Kailangan ko bang itago ang totoo kong pagkatao para magustuhan niya lang kung paano ako lumaki? May hindi ba kagusto-gusto sa akin?

Sa loob ng apat na taong hindi ko siya nakita at nakasama ay hindi ko na alam kung ano ang magiging reaksyon ko kapag makita ko na siya ulit. Isa lang ang sigurado ako — hindi na ako iyong dating bata na halos tumalon-talon sa excitement sa tuwing nakikita niya ang kanyang amang matagal na nawalay sa kanya. Hindi na ako 'yong bata na yayakap sa kanya. At higit sa lahat, hindi na ako iyong bata na inaasahan niyang susunod sa kanyang mga yapak.

"Ang dami nang nagbago sa apat na taong wala kayo rito, pa", kausap ko sa nag-iisang larawan ni papa na nakadikit sa gilid ng aking salamin. Naninilaw na ang papel na 'yon, six years old pa lang ako nang iniwan iyon ni papa sa akin bago siya pumuntang Mindanao dahil doon siya dinestino. "Para hindi mo ako ma-miss, anak", sabi pa niya sa akin bago niya ginulo ang buhok ko. Hindi iyon ang huling beses na nakita ko siya, taon-taon umuuwi pa siya sa amin pero nitong nakaraang apat na taon ay si mama na lamang ang pinapapunta niya sa Mindanao upang magbakasyon. Iniiwan lang ako ni mama kila lolo dahil hindi ako puwedeng lumiban sa paaralan. At sa pag-uwi niya, sobrang daming pasulubong ang dala niya para sa akin na galing raw kay papa. Masaya naman ako sa mga pasalubong noong unang tatlong taon pero nitong huling taon ay nawalan na ako ng gana. Napagtanto ko na hindi nun napupunan ang kakulangan na namumuo sa aking pagkatao.

Kinuha ko ang larawan at niligpit iyon sa aking drawer. Apat na taon na ang nakararaan. Hindi ko alam kung ganun pa rin ba ang itsura niya ngayon.

"Anak! Bumaba ka na diyan. Andito na ang papa mo", rinig kong sigaw ni mama mula sa baba ng aking kuwarto.

Humugot ako ng isang malalim na paghinga, inakala na mababawasan nun ang kaba na biglang lumukob sa akin. Bahala na.

Nangingimi akong lumabas sa aking kwarto. Bawat hakbang na ginagawa ko ay siya namang lalong pagbilis ng tibok ng puso ko. Naririnig ko na ang boses ni papa. Hindi nagbago, nandun pa rin ang kalmado at matamis na timbre sa boses nito.

"Miss na miss kita, mahal", rinig kong sabi ni papa kay mama. Nasundan iyon ng hagikhik ni mama na tila ba may kumiliti sa kanya, "Ano ba, Jude. Pababa na 'yong anak mo".

Nakakuyom ang mga kamao ko nang narating ko ang aming sala kung saan nandoon sila mama. Parang sasabog na iyong dibdib ko sa kaba, sumasakit na rin ang leeg ko kakayuko. Ramdam na ramdam ko ang malamig na pawis na dumadaloy sa aking pisngi at sa aking sentido.

"Oh. Andito na pala si Aries", ani mama.

Wala akong narinig mula kay papa pero ramdam ko ang mga tingin na binibigay niya sa akin. Mahigpit akong napakapit sa laylayan ng aking puting tshirt. Natutusok na ng aking mga kuko ang aking palad sa higpit ng aking pagkakuyom. Biglang bumigat ang ulo ko na hindi ko magawang iangat ito para tignan si papa.

"Anak. Hindi mo man lang ba titignan si papa?" maya-maya pa ay narinig ko na ang magaan niyang boses. Gamit ang natitirang lakas ng aking leeg ay hinarap ko si papa. Matamis siyang nakangiti sa akin at nababasa ko sa kanyang mukha ang kasiyahan.

Thy Father Thy Son: Ang Unang KasalananTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon