CHAPTER 32: Family

9 2 0
                                    

CHAPTER 32

Third Person POV:

"PEARL, ALAM mo na kung sino ang tunay, tama ba?"

"Opo."

"Sa oras ng digmaan, huwag kang lalayo sa 'kin dahil maaari kang mamatay sa kamay niya."

Tumango si Pearl bilang pagtugon. Habang nag po-program si Sir X ng mga drones ay may naisipan siyang itanong.

"Pero... bakit ka po napalayo sa pamilya mo?"

Tumingin sa kaniya si Sir X. "Pinaghiwalay kami ng mga magulang niya kasi iba ang relihiyon ko sa kanila."

Napaisip si Pearl. "Kung gano'n, paano kayo nagkaanak? Kasi, 'di ba, kung hindi talaga kayo puwede ay dapat tinutulan na kayo umpisa pa lang."

"Matagal naming nilihim ang relasyon namin. Pinaglaban ko siya sa pamilya namin, pero talagang ayaw ng pamilya niya. Hindi kami naikasal, pero nagkaanak kami. Pinanindigan ko ang tungkulin ko hanggang sa mag-tatlong taong gulang ang anak ko. Kaso habang nagtatrabaho ako no'n bilang IT o Information Technologist, may mga dumakip sa akin. Binugbog nila ako at iniwang sugatan sa isang abandonadong gusali. Isang araw ay nagising na lang ako na nasa ibang bansa na pala naroroon. May nakita akong sulat no'n na nasa bulsa ko, nagsasabi na hindi ko puwedeng balikan ang pamilya ko sa Pilipinas kung ayaw kong mamatay ang mag-ina ko. Bago pa man mangyari 'yon, alam kong buntis ang kinakasama ko sa ibang lalaki."

Nagulat si Pearl sa mga narinig. "Ha! E, paano po? Bakit?"

Tumikhim si Sir X. "Habang nasa probinsya kami ng anak ko ay nalaman kong ni-set up ang kinakasama ko sa ibang lalaki ng sapilitan at..." Nagsimulang maluha si Sir X. "N-nilasing siya ng gag*ng lalaki at pagsamantalahan. Hindi iyon ginusto ng kinakasama ko at walang kasalanan ang batang naging bunga no'n. Kaya tinanggap ko sila. Ang hindi ko matanggap ay kung kailan okay na kaming pamilya ay ni-send ng walang-hiyang lalaking iyon ang videos at pictures no'ng ginagawa ang kahalayang iyon!"

Tuluyang naiyak si Sir X. Agad naman siyang niyakap ni Pearl.

"Iiyak mo lang po 'yan," ani Pearl habang hinahagod ang likod nito.

Kumawala sa pagkakayakap si Sir X at pinunasan ang mga luhang nakatago sa ilalim ng kanyang mascara. "P-pasensya na."

"Ayos lang po." Saka nagbaba ng tingin. "K-kaya mo po ako inimbento?"

"Oo, dahil nangungulila ako habang nasa ibang bansa. Nami-miss ko ang pamilya ko kaya ginawa kita bilang anak ko... pero sa nakikita ko ay may gusto ka sa anak kong si Renz."

Napangiti si Pearl. "Opo, gusto ko po si Renz. Salamat po at may iniwan kang tatak para makumpirma na ikaw po talaga ang gumawa sa akin at hindi si Sir Brent."

Ginulo ni Sir X ang buhok ni Pearl. "Wala 'yon. Bawat imbensyon ko ay nilalagyan ko talaga ng tatak kagaya nitong XWeb. Kung hindi lang dahil sa mga kagaya ni Miss Black, hindi masisira ang reputasyon ng kumpanya."

Biglang may naalala si Sir X kaya sinabi niya ito kay Pearl. "Kaya rin kita ginawa, Pearl, ay para gawin ang mga bagay na hindi ko nagagawa kay Renz, at para mabantayan mo siyang maigi. Hindi kasi ako makalapit sa kanya sa mga blackmail ni Brent. Mabuti na lang at hindi niya ako nakilala. Ang alam niya pa rin ay nasa ibang bansa ako."

Napahawak sa sariling baba si Pearl. "Kaya pala ang laki ng responsibilidad ko. Oo nga po pala, bakit hindi mo pa po sinisisante si Miss Black? Bakit hinihintay mo pang masira ang XWeb?"

Bumuntong-hininga si Sir X. "Dahil asawa siya ng namayapa kong kapatid. Kaibigan ko rin siya na minsan kong ni-reject nang magpahayag siya sa akin ng espesyal na damdamin. Alam kong magbabago pa siya dahil hindi naman ganyan dati si April, e. Masayahin siya no'n, pero nang magpakamatay ang asawa niya ay naging ganyan na ang ugali ni Black. Akala ko talaga ay para sa ikabubuti ang ginagawa niyang imbensyon, iyon pala ay hindi. Noon pa man ay duda na ako sa imbensyon niya dahil unti-unting may nawawalang mga tauhan namin. Lahat sila ay sa iisang paraan nawawala, at iyon ay ang hindi na nakita pang lumabas matapos makapasok sa opisina ni April o Miss Black. Inimbestigahan ko na rin kung nasaan ang laboratory niya, pero hanggang sa kasalukuyan ay hindi ko pa rin mahanap ito."

Napaisip si Pearl. "Kahit ba si Kaizer ay hindi niya alam?"

Umiiling-iling si Sir X. "Hindi. Ang alam lang din niya ay ang opisina nito na kasalukuyang walang tao. Hindi ko rin mahanap kung nasaan si Black ngayon. Ganoon man ay isa lang ang hangarin ko ngayon. Iyon ay maligtas ang pamilya ko."

Naging tahimik si Pearl ng ilang segundo at muli na namang nagtanong, "Bakit nagpakamatay ang kapatid mo po?"

"Hindi ko rin alam. Basta nadatnan ko na lang si April na nakaluhod sa sahig at halos mabaliw sa kakaiyak. Nang tignan ko kung bakit siya nagkagano'n ay nagunaw naman ako sa kinatatayuan ko. Nakita ko kasing nakabigti na ang kapatid ko. Sina Kaizer at Zhat naman sa panahong iyon ay maliliit pa kaya wala silang kamuwang-muwang sa nangyari."

Iyon ang nakitang pagkakataon ni Pearl upang tanungin na ang kanina niya pa gustong itanong. "Paano mo po naging anak si Zhat?"

Saglit na natahimik si Sir X.

"Inampon ko lang siya noong napulot ko siya sa basurahan. Siya rin ang naging susi ko para makauwi ng Pilipinas. Dahil sa kaniya kaya naglakas loob akong bumalik sa pamilya ko. Pero no'ng binalikan ko na ang mag-ina ko, hindi na ako makilala ni Renz."

"Grabe po pala ang pinagdaanan ni'yo."

Naging tahimik ang paligid. Nabasag lamang ang katahimikang iyon nang dumating sina Kian at Kaizer kasama ang mga hukbo ng robots at ibang mga karakter sa mga laro upang makisama sa nalalapit na digmaan.

Ilang segundo lang ay may dumating na notipikasyon tungkol sa panghahamon ng Cyberzone sa XWeb. Hinihikayat ang mga user ng online world na sumali sa digmaan. Kapag nanalo ay may katumbas na pera bilang premyo at mga kagamitan sa modernong teknolohiya na maaaring magamit sa pag-aaral, pagtatrabaho, at sa pang araw-araw na buhay lalo pa't lahat ng tao ay nakababad na sa online world.

"Kaizer, hanapin mo ang pamilya ng mga biktimang namatay at pasamahin sa hukbo natin," mungkahi ni Sir X.

"Sasama po kaya sila? E, sira po ang reputasyon ng kumpanya sa kanila," alinlangang tugon ni Kaizer.

"Sasama sila, ako ang bahala."

Tumango si Kaizer at bumalik na sa real world upang sundin ang pinag-uutos sa kanya. Si Kian ay nag-eensayo sa pakikipaglaban kasama ang ibang robots. Sina Sir X at Pearl naman ay pinaplano ang lahat ng magagamit na armas laban kay Miss Black at Brent.

****

Inside the Online World [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon