Napataas ang kilay ko kay Knox nang mapansin siya na wagas kung makatitig sa akin. Matapos kong pumayag sa deal na iyon ay biglang natulala na lang siya. Sa totoo lang ay nawe-weirduhan na talaga ako rito sa inaasta niya. Hindi naman siya ganito, e. Nabubuhay siya sa pang-aasar sa akin.
“Alam ko namang maganda ako, pero huwag mo naman akong katitigan. Sige ka! Baka ma-inlove ka niyan,” pagbibiro ko para kunin ‘yong atensyon niya, knowing that he would surely deny it.
Ngumisi siya at saka may sinabi sa ilalim ng hininga.
“Hoy! Saglit! Saan mo ako dadalhin?” protesta ko noong biglang hilahin niya ako palayo roon sa silid ni Lola Lilia. “Knox!”
“Nagugutom na ako. 7-eleven tayo,” sagot niya.
Ha?
Anong nagugutom?
Hindi ba ay kakakain lang naming dalawa ng hapunan sa bahay nila?
Hindi na ako nakapagprotesta pa at ilang saglit lang din ay natagpuan kong lumalabas na kami ng ospital, tinatawid ‘yong kalsada, siya na hawak-hawak ako sa kamay na animo’y isa akong batang paslit na hindi marunong tumawid. Hila-hila niya ako noong pumasok kami sa 7-eleven at gulat na gulat na lamang noong biglang binuhat niya paupo roon sa medyo mataas na upuan sa tabi ng salaming dingding.
“Aba’t! Bakit ka nambubuhat?! Abot ng mga paa ko ‘yong upuan, ano!” protesta ko, labis na nanggigigil sa kaniya dahil nakaiinsulto kaya ‘yong ginawa niya.
Anong akala niya sa akin?
Ganoon kaliit?
Napaka-epal talaga!
Nakalolokong ngumisi siya at saka sinabing, “Ang taas ng upuan, ayaw kitang mahirapang akyatin ‘yon. At diyan ka lang, Liit. Huwag kang aalis. Behave ka lang diyan. Lagot ka sa akin!”
Sinamaan ko siya ng tingin at saka dinilaan na parang bata, ako na lumalabas talaga ‘yong pagkamaldita ko dahil sa kaniya. Pinanuod ko siyang kumuha ng mga chichirya sa mga estante tapos ay tinungo ‘yong ref ng mga ice cream.
Nag-alis ako ng tingin sa kaniya at hinayaan na lang siya sa kung anumang trip niya sa buhay niya. Lumingon ako sa labas mula sa salaming dingding, bumuntonghininga, at tumulala sa mga sasakyang dumaraan habang muling naaalala si Lola Lilia.
Maraming beses na akong natakot sa buhay ko. Araw-araw ay nararamdaman ko ‘yon sa kamay ni Papa, pero itong nangyari kay lola, lalo na noong nadatnan ko siyang nakahandusay sa sahig kanina, nanginginig sa taas ng lagnat, ay ‘yong pinakamalalang takot na naramdaman ko sa buong buhay ko, para bang may mabigat na bato na ipinatong sa dibdib ko, pinipiga ‘yong hangin sa baga ko, unti-unting inaagaw ‘yong hininga ko.
Lola Lilia had always been the strongest person I knew and seeing her in that condition weakened me. Siya ‘yong bato ko, ‘yong payapang pahinga sa lahat ng paghihirap ko, ‘yong pumupulot sa bawat piraso ng pagkatao ko na dinudurog ng tatay ko. She made sure I never felt the absence of my parents. She was more than just my grandmother, but my entire world. At ngayong may sakit siya, nakahiga roon sa kama sa ospital, ay sobrang nakapagpapalumo sa akin.