KUNG NAGTATAKA MAN
Ang matatandang Felizardo tungkol sa hindi pagsama ni Chona sa mga lakad nila ay hindi na lang sila nagtanong. Mas nasisiyahan pa nga sila dahil solo nila ang kanilang apo.
"Napaka-considerate mo naman, Hija," sabi ni Mrs. Felizardo nang papaalis na ang mga ito patungong Davao. "Sana'y makasama ka na sa susunod."
"Marami ho talaga kasi akong inaasikaso," dahilan niya. "Sa susunod na lang ho siguro, kapag nakaluwag-luwag na ako."
Nang wala na ang mga ito ay kaagad din siyang umalis patungo sa trabaho niya sa Antipolo.
NANG TUMAGAL-TAGAL SI CHONA sa routine ng pagpunta-punta sa Antipolo ay madalas na rin siyang ginagabi ng uwi dahil hindi niya maiwan nang hindi pa tapos ang isang parte ng painting.
Naging palaisipan din sa kanya kung magkano ang kabuuan ng kikitain niya sa commission na iyon. "Siyempre pa," aniya sa sarili, "may porsyentong mapupunta kay Rod bilang ahente ko. Pero magkano kaya iyon?"
Nabigyan na siya ni Rod ng manager's cheque na nagkakahalaga ng twenty thousand bilang paunang bayad. Ang remaining balance ay kapag natapos na daw ang gawain. Nagkataon kasing wala pa siyang masyadong pangalan kung kaya gaano man siya kagaling sa pagpipinta ay puwede siyang baratin.
"Okay lang," aniya sa isip nang minsang nagpapahinga siya sa veranda. "Masarap magtrabaho sa ganitong kapaligiran!"
Namataan niya ang caretaker na si Mang Ading. Naipasya niyang kausapin ito at kung maaari ay alamin kung sino ang may-ari ng bahay.
"Sino po ang may-ari ng napakagandang bahay na ito?" direkta niyang tanong na hindi na nagpaliguy-ligoy pa. "Sayang naman ito kung hindi natitirhan gayong kompleto na sa gamit?"
"Madalas ho kasing nasa abroad ang may-ari," tugon nito, halatang umiiwas. "May ibang bahay din ho siya sa iba't ibang parte ng Pilipinas."
"Pero sino ho siya?" pilit niyang tanong na ikinubli ang kakulitan sa pamamagitan ng matamis na ngiti.
Lumikot ang mga mata ng caretaker, hindi malaman kung sasabihin ang totoo dahil kabilin-bilinan dito ng lalaking nagpunta minsan doon ay huwag sasabihin sa babaeng painter kung sino ang may-ari ng bahay.
Biglang tinawag si Mang Ading ng asawa nito.
"Ading, tulungan mo ako dito!"
Nagkibit-balikat si Chona dahil nawala ang chance niyang malaman ang identity ng kliyente. Ipinasya niyang bumalik na lang sa ginagawa.
Sinimulan niyang mag-experiment sa lighting effects na nandoon para makita kung ano pa ang dapat na i-highlight sa painting.
Nang makita niya ang epekto ng ilaw sa mukha ng babae sa larawan ay hindi niya napigilan ang mapahagikgik.
"Ano kaya ang mararamdaman ng lalaking matutulog sa silid na ito?" tanong niya nang pabulong. Lalo pa siyang natawa nang maisip na baka may asawa na ang may-ari ng bahay o kaya ay bagong kasal ito. "Malamang, taun-taon ay buntis 'yung babae!"
Dinukot ni Chona ang panyo sa bulsa ng suot niyang jumper at saka binusalan ang sariling bibig para hindi umalingawngaw ang kanyang halakhak sa buong kabahayan. Baka marinig iyon ng mag-asawang caretaker at akalaing nababaliw na siya!
Isang kaakit-akit na babae kasi ang naging interpretasyon niya sa tanawin mula sa balkonahe. Ang babaeng ito ay nakahiga at nakatingin sa dako ng kama. Para itong nanghahalina, punung-puno ng alindog.
Kahit na isa siyang babae, tiningnan niya ang tanawing iyon from a man's point of view. Para sa kanya, wala namang masama kung tingnan ang kalikasan na para itong hubad na babae. Tama lamang na ganoon para feel na feel iyon ng may-ari ng silid—kung lalapastanganin ba nito ang kalikasan o igagalang.
"Sa kaso ng may-ari ng bahay na ito," sabi ni Chona, "mukhang hindi lang respeto kundi pagsamba ang nararamdaman niya sa Mother Nature!"
HABANG NILILIGPIT NI CHONA ang mga gamit ay nasisiyahan siya dahil ahead siya sa schedule. Tama ang kanyang prediction nang tanggapin niya ang commission—mahigit sa isang buwan at hindi lalampas sa dalawa ang gugugulin niyang panahon para sa larawang iyon.
"Hahayaan ko munang matuyo ang oil saka ko gagawin next week ang finishing touches," sa loob-loob niya nang ibaba ang isang paintbrush. "Maggagala muna ako sa mga karatig lote para kung yumaman man ako na kasing-yaman ng may-ari nitong bahay ay bibili rin ako ng property dito sa Palos Verdes."
Hindi na niya tinangka pang alamin mula kay Mang Ading kung sino ang may-ari ng bahay. Mamula-mula ang araw na natatanaw niyang papalubog na sa guhit-tagpuan ng langit at Manila Bay. Bigla niyang naisip ang proposal ni Paul.
Nitong nakakaraang mga araw ay hindi na sila nag-aaway nito. Parang nami-miss na niya ang walang saysay nilang pagbabangayan. Parang nais niyang makontento na maging ganoon na lang ang komunikasyon nila kaysa sa wala.
Paano kung tanungin siyang muli ng binata, ano ang isasagot niya?
"Napakababaw namang dahilan kung pakasalan ko siya dahil napopogian ako sa kanya!" sabi niya. Napangiwi siya dahil alam niyang malalim ang damdamin niya rito. "But I want him to know me as the real me!"
Pero paano iyon? Paano na kaya kung dumating ang panahon na malaman ng mga Felizardo na hindi talaga siya si Fiona? Malamang na lalo siyang kamuhian at pagsuspetsahan na interesado siya sa mamanahin ng pamangkin.
"I'll just cross the bridge when I get there," pasya niya.
Mayamaya ay narinig niya ang malakas na pagkulog. Akala niya ay hindi kaagad na uulan. Namumuo pa lamang ang mga ulap. Ngunit kaiisip pa lamang niya iyon ay bumagsak na ang malalaking patak na hindi lang paisa-isa kundi isang buhos!
Sa pagmamadali niyang makabalik sa bahay ng kliyente ay nalito siya sa daan. Kakaliwa ba siya o kakanan?
Nang makarating siya sa malaking bahay ay basa na siya hanggang underwear. At dagdag na kamalasan pa ay ayaw umandar ng dala niyang kotse.
Nang ipa-check niya iyon kay Mang Ading...
"Nadiskarga ang baterya," ani nito. "Baka naiwan mong bukas ang kahit anong ilaw sa buong maghapon o kaya ay ang radyo sa loob."
"May malapit na talyer po ba dito?" desperada niyang tanong. Nahihiya siya sa kay Mr. Felizardo dahil wala pang kalahating taong nabibili ang kotse ng kliyenteng iyon. Naisip niyang baka lalo siyang pulaan ni Paul sa kanyang kapabayaan.
Lalong lumakas ang ulan. Lalo ring tumindi ang frustration ni Chona dahil malamang na hindi siya makauwi kung hindi kaagad makakargahan ang baterya.
"Ang mabuti pa'y dito ka na matulog habang ipinakakargahan naman ang baterya sa pinakamalapit na talyer," ani Aling Dina. "Sige na, pumanhik ka na sa silid na pinagpipintahan mo't ipaghahanda kita ng hapunan."
Wala siyang nagawa kundi ang sumunod.
Ipinagpasalamat niyang nag-out-of-town ang mga Felizardo kasama ang kanyang pamangkin. Ang huwag lang mangyayari ay magpunta sa White Plains ang anak ng mga ito dahil malalaman nitong hindi siya umuwi nang gabing iyon, dasal niya. Kapag nagkataon, katakut-takot na suspetsa na naman ang ipaparatang nito sa kanya. Nakakatakot ang pagiging seloso nito gayong wala naman silang relasyon.
"Stranded talaga ako dito," naiinis na sabi niya sa tahimik na silid. Tila lalo pang lumalakas ang pagbuhos ng ulan.
Naligo muna siya at nagsuot ng isang pajamas na nakita niya sa silid. Sobra ang laki niyon sa kanya kaya ang pang-itaas na lamang ang kanyang ginamit.
Nang pumanhik si Aling Dina dala ang hapunan niya ay nakatulog na siya sa malaking kama. Hindi na siya ginising nito.
Parang naalimpungatan si Chona o kaya naudlot sa isang panaginip kaya bahagya siyang umungol pero tinamad siyang idilat ang mga mata. Napakasarap pang matulog!
Tumagilid lang siya at sa pagkilos na iyon ay nalilis ang pagkakatakip ng kumot sa makikinis niyang binti. At palibhasa ay sanay sa lamig ng Baguio, hindi siya naistorbo ng malamig na hanging humipo sa kanyang mga hita.
Hindi naman makapaniwala si Paul sa nakikita. Nakahiga sa kama nito ang babaeng matagal na nitong minimithi!
Nananaginip ba ako? tanong nito sa isip.
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Kong Pag-ibig - Audrey Torres
RomanceNaiintindihan ni Chona kung bakit malaki ang galit si Paul sa kanya. Siya ang sinisisi nito sa pagkasawi ng kapatid, ang ama ni PJ. Nang una ay wala siyang pakialam dito at kinatutuwaan pa niya itong asarin. Hanggang sa magising siya isang araw know...