TATLONG ORAS nang nakakaalis sina Chona at PJ nang dumating naman ang isang Hapon na nagngangalang Den Fukuda sa tahanan ng mga Felizardo.
"I come from Chiba-‐‑ken, yah? And I go to Manila?" anito sa hindi niya siguradong Ingles.
"I. . rook for Chona-‐‑san?"
"Fiona has gone back to Baguio with her son," sagot ni Paul. "I think you will have to go there to—"
"No, no, no!" iling ng Hapon. "I. . rook for Chona-‐‑san, but no Fiona! Fiona. . you see, is ah. . dead!"
"Dead?"
Nagkatinginan ang mga Felizardo.
Ipinaliwanag ni Paul sa Hapon na imposibleng patay na si Fiona dahil kaaalis pa lang nito.
"You see," paliwanag ng Hapon, "caretaker in Baguio gave me this address and said Chona is here! Chona is twin sister of my wife Fiona! And Fiona is dead last year! I come to give money for her house so she can pay the bank...."
Natigilan si Paul. Ano pa ang dapat niyang malaman?
Tatlo ang nalaman nila na sana ay noon pa nangyari. Una, si Paul Jose Jr. ay lehitimong Felizardo. Pangalawa, patay na si Fiona. At pangatlo, si Chona ay hindi si Fiona na Japayuki!
Nais batukan ng binata ang sarili. Sana ay pinaniwalaan niya noon pa ang idinidikta ng kanyang utak!
By instinct, nang una pa lamang niyang makita si Chona sa Baguio Convention Center ay nakita na niya ang kalinisan ng pagkatao nito na halos ay kumikinang sa maganda nitong mukha. Mabilis siyang nagpasya. Aakyat siya ng Baguio nang oras ding iyon.
Inihabilin na lamang ng Hapon sa kanya ang perang ibibigay nito kay Chona. Kailangan na raw nitong bumalik sa Japan at wala na itong panahong bumalik ng Baguio.
Bago siya umalis ay isa lang ang bilin ng mama at papa niya sa kanya.
"Ibalik mo sila dito, Paul," utos ng mga ito.
Walang kibong umarangkada ang Land Rover na napili ni Paul na dalhin sa mahaba niyang biyahe.
HINDI NAG-‐‑STOPOVER si Paul kahit minsan. Tuluy-‐‑tuloy lang siya hanggang makarating ng Baguio. Nairita pa siya dahil nataon na traffic sa Session Road nang sapitin niya ang City of Pines.
Madilim na sa Baguio dahil may namumuong bagyo sa parteng iyon ng Luzon. Napangiti ang binata dahil sinuwerte pa rin siya at hindi siya inabutan ng bagyo sa daan.
Nang nasa tapat na siya ng bahay ni Chona ay humugot muna siya ng malalim na hininga. Kailangang masabi niya ang kanyang inisip habang daan. Ngayong alam na niya ang tunay na pagkatao ng dalaga ay para siyang haharap sa isang estranghera.
Parang hindi na nagtaka si Chona nang mapagbuksan siya nito ng pinto dahil walang reaksyon sa mukha nito. "Tuloy ka," malamig nitong sabi.
"Salamat, Chona."
Noon lang niya tinawag ang dalaga sa tunay nitong pangalan. Nanatili itong pormal.
"Sa palagay ko'y marami kang sasabihin," sabi nito. "Maupo ka para mas komportable ang usapan."
Iyon ang inasahan ni Paul na tunay na ugali ng dalaga—magalang, sibilisado at pormal. Hindi niya maiwasang umapaw ang kagalakan sa kanyang puso dahil ito ang lahat-lahat na hinahanap niya sa isang babae.
Ngunit kailangan pa rin niyang humingi ng tawad. "Patawarin mo ako, Chona," simula niya. "I didn't know—"
Hindi niya natapos ang sinasabi. Pinigil siya ng matalim na titig ng dalaga. Napayuko siya.
"Paano kung ako nga si Fiona?" tanong nito sa binatang nakayuko. "Gagawin mo kaya sa kanya ang ginawa mo sa akin?"
Nag-angat siya ng mukha, napakilos ang mga kamay na para siyang nasukol sa isang sulok.
"Alam kong mali ang nagawa ko sa 'yo at ganoon din ang gagawin ko sa tunay na Fiona. Pero hindi ko kasi alam! But I know... mali ako. Dapat ay pinakitaan ko ng respeto ang biyuda ng aking kapatid. Alam ko na ngayon na puwede palang maging magkaiba ang lasa ng dalawang buto ng gisantes sa iisang bunga."
Dama ni Chona ang pagpupumilit ni Paul na maipaliwanag ang sariling damdamin. Dama niya na totoo ang paghingi ng tawad nito. Ngunit may pagkapakipot ang tunay na Chona.
Matagal silang hindi nag-imikan. Naisip tuloy ni Paul na wala na siyang magagawa. Talagang nasaktan niya ang damdamin ni Chona na kahit ngayong alam na niyang hindi ito si Fiona na Japayuki ay nasaktan din ito bilang kapatid ng huli.
Iniabot na lang niya ang briefcase na may lamang pera. "Ipinabibigay iyan ng asawa ni Fiona," mahina niyang sabi. "At ipinasasabi rin nila Papa't Mama na kung nais mong bumalik ng Maynila'y bukas pa rin ang aming tahanan para sa inyo. Wala kaming balak na kunin sa 'yo si PJ kung natatakot ka man na iharap namin ang kaso sa husgado... Sige, aalis na ako."
Nasa pintuan na ang binata nang may tila biglang nag-udyok kay Chona na pigilan ito. Parang may kumurot sa kanyang puso. "Hintay!" aniya.
Kaagad na pumihit ang binata, may nadamang kaunting pag-asa sa puso. "Ano 'yon?"
"'Yung sinabi mo sa akin... noong gabing iyon... sa kusina," simula niya na nakayuko dahil ayaw niyang makita kaagad ang sagot sa mga mata nito. "Kung kinakailangang mahalin mo ang Japayuki ay gagawin mo, makuha mo lang ako... Totoo pa rin ba iyon sa iyong puso o sinabi mo lang para makuha ang gusto mo?"
Nilapitan siya nito at saka hinawakan ang magkabila niyang balikat. "Look at me, Chona," masuyong utos nito.
Tahimik siyang sumunod.
"Kung kasalanan man ang sumupa ay susumpa ako sa ngalan ng sarili kong ina," seryosong sabi nito habang nakatitig sa kanyang mga mata. "Minahal na kita mula pa nang una kitang makita sa Baguio Convention Center. At kung nagkakilala man tayo sa kahit na ordinaryong okasyon o kaya'y nagkabanggaan kung saan alam kong mai-in love pa rin ako sa 'yo." Huminga ito nang malalim. "Mahal mo rin ako kahit konti, hindi ba?"
Ngumiti siya, nagniningning ang mga mata. Hindi niya maisip kung ano ang dapat niyang itugon kay Paul. Hindi siya hasa sa palitan ng mga usapin ng dalawang pusong nagmamahalan. Ang tanging alam niya ay mahal na mahal niya ito at iyon ay ipinakita na lamang niya sa pamamagitan ng kilos. Tumiyad siya at inalapit ang kanyang mga labi sa mga labi nito.
"Oh, Chona," anas nito pagkatapos ng halik. "Bakit kasi nagpakilala kang ikaw si Fiona? Bakit hindi ka na lamang humarap sa amin bilang ikaw?"
Muling naglapat ang kanilang mga labi. Nang maghiwalay sandali ay saka tumugon ang dalaga.
"Natakot kasi ako na baka gamitin n'yo ang inyong salapi't impluwensya para makuha si PJ," aniya. "Na kapag malaman n'yo na tiya lang niya ako'y baka tangayin n'yo na lang siya't dalhin sa malayong lugar. At wala akong pera para halughugin ang buong mundo."
"Hindi ka na dapat matakot ngayon dahil mabubuo na ang ating pamilya," tugon nito na lalo pang hinigpitan ang yakap sa kanya. "Tayong dalawa ang tatayong mga magulang ni PJ at bibigyan pa natin siya ng mga kapatid."
Medyo kumunot ang noo niya at naunawaan iyon ni Paul.
"Huwag kang mangamba na baka ma-left out ang pamangkin natin," anito. "I can only adore PJ. Not only because he's my only brother's son but because he's the one who brought us together."
Ngumiti siya nang matamis para lamang muling magtaka nang may dukutin ang binata sa bulsa nito.
Muli na namang nagningning ang mga mata ni Chona nang makita ang diamond solitaire na singsing habang isinusuot iyon sa kanya ni Paul.
"Inihulog ko ito noon sa baso ng tinimpla mong gatas," nakangiting sabi nito. "Mabuti na lang at nang ibuhos ni Aling Fi sa lababo'y nakita niya ito at saka isinauli sa akin. Alam niya kasi na akin ito dahil naroon siya nang ibigay ito sa akin ni Mama. At bilin sa akin ni Mama ay ibigay ito sa babaeng mahal ko't pakakasalan."
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Kong Pag-ibig - Audrey Torres
RomansaNaiintindihan ni Chona kung bakit malaki ang galit si Paul sa kanya. Siya ang sinisisi nito sa pagkasawi ng kapatid, ang ama ni PJ. Nang una ay wala siyang pakialam dito at kinatutuwaan pa niya itong asarin. Hanggang sa magising siya isang araw know...