Sinuklay ko ang aking buhok habang nakaharap sa aming malaking salamin. Medyo tuyo na ito dahil kanina pa naman ako natapos maligo at ngayon pa lang ito naisipang suklayin.
Kasalukuyan kong pinapanuod si lola na tinatahi ang kanyang blouse na may punit sa kili kili. Nakaupo ito sa mahabang bamboo chair namin at habang may ginagawa, panaka-naka rin ang panonood niya sa tv. Alas dos na ng hapon at sa ganitong oras ipinapalabas ang paborito niyang palabas.
"Aalis ka na ba, Yumi?" tanong ni lola noong nakita niya akong kinukuha ang wallet na pinatong ko sa maliit na lamesa sa aming sala. Tumango ako.
"Opo, nay. Saglit lang din ako at titingnan ko lang kung bakante pa ba sa karenderya ni Aling Pasing. May ipapabili po ba kayo?" tumayo ako sa harapan niya. Saglit niya akong tiningala at kapagkuwa'y dumukot ng trenta pesos sa kanyang bulsa. Inilingan ko siya ng iniabot niya iyon sa'kin.
"Bili ka ng tinapay. 'Yung wala ulit palaman." pilit niya paring ipinapaabot ang isang benta at isang sampo sa akin.
"Wag na, nay. May pera pa naman ako rito. Alis na po ako." paalam ko sa kanya dahil naririnig ko na ang papalapit na tricycle.
"Dalhin mo ang payong, apo, at baka uulan." bilin nito sa akin.
Kaya dala ang payong ay lumabas ako ng bahay at kaagad na pinara ang tricycle. May isang babaeng nakasakay sa loob at binatilyong lalaki naman sa likod ng driver. Tumabi ako sa babae.
Binabaybay ng sasakyan ang daan patungo sa bayan at dahil hindi ako nagdala ng cellphone, tumingin nalang ako mga nadaraaang palayan sa labas. Binalita kanina sa akin ni Basya na naghahanap ng tindera sa karenderya ni Aling Pasing. Kulang kasi ng isa ang kanilang tindera dahil umalis ito dahil buntis. At dahil hindi ako pwedeng umasa sa paglalabada, kukunin ko ang oportunidad.
Kung sana ay nandito pa sila papa. Namatay sa magkahiwalay na rason ang magulang ko. Si papa ay namatay dahil sa heatstroke dalawang taon na ang nakalilipas. Nasa bukid siya no'n at tanghaling tapat ng mangyari 'yon. Si mama naman ay namatay sa sakit noong nakaraang taon. Si tatay naman ay matagal ng yumao bata pa lang ako.
Mahirap lang kami pero mas lalo ko iyong naramdaman ng mawala ang mga magulang ko. Kahit ganito ang buhay namin, nakakain naman kami ng maayos. Nakaka-afford ng mga bilihin. Pero noong namatay si papa, hindi namin kayang magpatuloy noong wala siya. Nagkabaon-baon kami sa utang at dahil labandera at minsang tumatanggap ng magpapalinis ng kuko, hindi namin kayang bayaran ang mga iyon. Kaya noong grumaduate ng senior high school, naghanap kaagad ako ng trabaho. Ayaw ni mama na tumigil ako pero wala siyang nagawa sa naging desisyon ko. Pinasok ko ang mga trabahong pasukan para lang mabayaran namin ni mama ang mga utang.
Sa kalagitnaan lamang ng krisis na nangyari sa amin, pinili ni mamang iwanan ako. Ilang buwan din ang lumipas nang nagkasakit at sinugod sa ospital si nanay. Ayaw kong pati siya ay iwanan ako kaya ginawa ko ang lahat. Kahit ayaw niyang magpa-admit ay pinilit ko siya.
Huminga ako ng malalim nang maalala ang lahat. Nagbayad na ako sa driver ng pamasahe saka ako nagtungo sa karenderya na sinasabi ni Basya. Sasamahan niya sana ako rito pero tumanggi ako dahil may trabaho siya sa convenience store na nandito lang din sa bayan.
Pagkadating ko roon ay kaagad kong kinausap si Aling Pasing. Sinabi ko sa kanya na interesado ako at gusto kong pumasok sa kanyang karenderya.
"Mabuti nga at kulang talaga kami ng tindera rito, Mayumi. Sige kukunin kita. Sa lunes na kaagad ang unang pasok mo rito ah? Alas sais ang pasok mo gaya nila. Alas sais din ang uwian." hindi raw kasi bukas ang karenderya kapag linggo.
Tumango kaagad ako. "Salamat po, Aling Pasing!" binalingan ko ang isang tindera at isang kusinera na busy sa ginagawa.
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. "Hindi ka ba nag-aaral, Yumi?"