Ilang oras ang lumipas nang tumila ang ulan sa baryo. Akala ko ay maghapon na namang uulan dulot ng malakas na bagyo gaya kahapon. Napabuntong hininga ako at inalala ang mga pinsalang matatamo namin pagkatapos nito. Paniguradong matinding paglilinis na naman ang gagawin ko.
Nilingon ko si nanay na nagpapahinga sa aking tabi. Nakahiga ito ng patagilid sa isang banig na pinatungan ko ng makapal na kumot para mabawasan ang lamig ng sahig. Nasa cpvered court kami ngayon ng aming baryo at dito napiling palipasin ang bagyo. Kahapon ng umaga kami lumikas dala-dala ang iilang gamit na pantulog, damit, gamit pang emergency at iba pa. Hindi na kasi namin kaya na manatili sa bahay lalo na dahil umapaw na ang tubig ng irrigation sa harap ng bahay namin. May mga naglalakihang kahoy na rin ang natumba malapit sa amin at sa pangambang baka pati ang amin ay matumba sa lakas ng hangin, nagpasya na kaming lumikas dito.
Pinasadahan ko ng tingin ang buong court. Punong puno ito sa dami ng pamilyang lumikas gaya namin. Nasa pinakagilid kami ng court sa bandang hindi masyadong nadadaanan ng tao. Ayaw ko kasing naiisturbo ang pagpapahinga ni nanay kung may mga dumadaan o kung may mga nagsasalita.
"Apo, magpahinga ka na muna. Hindi titila ang bagyo sa pagkatulala mo diyan." marahang sambit ni nanay sa akin. Lumingon ako sa kanya at ngumiti. Nakadilat na ang mata nito at nakatingin sa akin. Umusog ako ng kaunti sa kanya at inayos ang kumot na nakadagan sa kanyang katawan.
"Nag-aalala lang po ako sa bahay natin, nay. Baka napaano na 'yon."
"'Wag mo munang isipin iyon. Lilipas din ang bagyo at sa awa ng diyos sa atin baka hindi pa naman natabunan."
"Sana nga, nay. Pero sigurado akong binabaha na sa bahay."
Lalo pa't naalala kong gumagapang na papunta sa bahay namin ang tunig bago kami nagpunta rito.
Kinuha ko ang balde ng biscuit na pinaglagyan ko sa kakaunting pagkain na inimbak ko para sa amin ni nanay. Mabuti at nadala ko ito para kahit papaano ay may makain kami. Ang bigas na dala ko ay sapat pa hanggang mamayang gabi para sa amin ni nanay. Dala ko rin ang butane at maliit na kaldero para paglutuan.
Kinuha ko ang takip ng baunan na malinis at nilagay ko ang kanin doon. Kumuha rin ako ng dalawang piraso ng tuyo at nagsimula ng kumain. Tapos na si nanay dahil pinauna ko siyang kumain noong magtanghalian. Wala akong gana kanina dahil sa pag-alala kaya ngayon lang naisipan.
"Mayumi, may dadating daw na ayuda galing sa munisipyo mamayang gabi. Totoo ba 'yon?" tanong ng katabi namin sa akin.
Nilingon ko siya at niyayang kumain pero umiling ito. "Narinig ko nga po sa iba. Sabi ay mamayang hapon daw po maghahatid ng tulong ang taga munisipyo."
"Naku! Mabuti naman at medyo kulang na rin kasi ang supply ko rito. Baka kinabukasan ay wala na kaming makain."
"Kaya nga po." pero naisip ko ron na baka maghahatid din ng tulong ang mga Alejandrino gaya ng ginawa nila noong mga nakaraang bagyo. Baka ang mga Ramirez din.
Uminom ako ng tubig nang matapos kumain. Nagpahinga muna ako ng ilang saglit bago ko iniwan si nanay para hugasan ang pinagkainan ko. Binaybay ko ang dagat ng mga tao papunta sa kabilang sulok kung saan may gripo. May mga iilang tao roon na naghuhugas din kaya naghintay pa ako ng ilang sandali.
"Magbibigay rin ba mamayang gabi ang mga Alejandrino, Mayang?"
"Oo! 'Yon ang sabi ni kap sa'kin. At bukas naman ay ang mga Ramirez! Hay salamat naman!"
"Ang babait talaga ng mga mayayaman dito sa atin ano? Talagang tumutulong sa mahihirap at walang pinipili!"
"Sinabi mo pa. Kaya kung may tatakbo man sa pagka-alkalde ang kung sino man sa kanila, talagang sa kanila ang boto ko!"