"Sure ka bang okay ka lang?" tanong ni Venice. "Kahapon ka pa na parang wala sa sarili." Hinawakan niya ang aking noo at leeg kaya napatingin ako sa kanya ng may pagtataka.
"Wala ka namang lagnat. Kanina pa kami dada ng dada dito ni Trev, pero hindi ka kumikibo."
"Sorry. May iniisip lang." Sa sinabi ko, napatingin lang sa akin si Venice. Tila ba ayaw maniwala sa aking sinabi.
"Naku, Venice! Hayaan mo nga muna si Ivan. Ito, check mo itong cookies na binili ko sa kabilang section." Nilabas ni Trev mula sa kanyang bag ang cookies na binili niya sa kabilang section.
"Yung sa atin ba? Naibenta na ba lahat?" tanong ko sa kanila nang maalala ko na may binebenta rin pala kaming produkto para sa aming entrep na subject.
"Yung pang ngayong araw, hindi pa. Yun nga yung pinag-uusapan namin kanina pa, kaso hindi ka nakikinig."
Napabuntong hininga ako. Kahapon pa kasi ako hindi mapakali. Bumabagabag sa akin yung nangyari kahapon sa library, idagdag pa yung napanaginipan ko. Paano nga kung nabasa ni Kaiden?
"Tara mamaya sa Humss1. Bentahan natin yung mga kaklase ni Dave." Napatingin ako sa sinabi ni Trev.
"Perfect ka diyan, Trev! At para na rin makita ko si Andrei." Napailing nalang kami ni Trev sa sinabi ni Venice.
Kinain lang namin yung cookies na binili ni Trev sa kabilang section bago kami nagtungo sa classroom nila Dave. Pagkarating namin doon, isang HUMSS student lang ang aming nadatnan. Nagtama ang aming mga mata, dahilan kung bakit ako napalunok. Oo nga pala, kaklase pala siya ni Dave.
"Pre, asan mga kaklase mo?" tanong ni Trev. Wala kasi ang buong section, tanging si Kaiden lang ang nasa loob ng classroom. May kinuha lang din ata siya sa kanyang bag.
"PE class namin. Nasa SHS gymnasium sila," saad niya saka dinampot ang isang water bottle sa kanyang armchair.
"Tara doon?" tanong ni Venice sa akin. Hindi ko siya nasagot dahil biglang lumapit sa amin si Kaiden.
"Magbebenta rin ba kayo? Galing kasi yung mga ABM2 doon." Nagtamang muli ang aming mga mata. Hindi ko siya kayang tignan sa mata, kaya nag-iwas ako ng tingin. Lalo na ngayon at ang lapit na niya sa amin.
"Oo sana, pre! Baka gusto mo ng Graham Balls." Lumapit ng tuluyan si Trev kay Kaiden habang patuloy pa rin siya sa pag-sales talk. Sa huli, bumili rin si Kaiden, worth 100 pesos. Ang dami kasing pambobolang sinabi ni Trev. Ayun, bumili ng worth 100 pesos. Goal niya atang magkaroon ng diabetes.
"Thank you, Pre!"
"Wala iyon. Pero pag ito, hindi masarap, ibabalik ko," saad ni Kaiden saka siya tumawa.
"Masarap yan, gawa yan ni Ivan eh." Napatingin ako kay Trev dahil sa sinabi niya.
"Hoy! Tinulungan ko kaya siya," singit ni Venice. Hindi na ako makatingin kay Kaiden dahil sa hiya. Pakiramdam ko ay ang pula-pula na ng mukha ko.
"Tikman mo, I swear, masarap yan." Gusto ko nalang umalis dito at bumalik sa classroom. Ewan ko ba at sobrang bilis na ng tibok ng aking puso. Ramdam ko na rin ang pawis sa aking leeg at noo.
"Hmmm! Masarap nga," sa simpleng sinabi ni Kaiden ay naglakas-loob akong tignan siya. At sa ikatlong pagkakataon, nagtamang muli ang aming mga mata. Ngunit ngayon, mas matagal na. At sa mga sandaling iyon, pakiramdam ko alam niyang gusto ko siya. Gustong-gusto...
Sa mga sumunod na araw, mas naging busy kaming lahat, lalo na at sunod-sunod ang mga performance task na binibigay sa amin ng aming mga teachers. Malapit na rin daw kasi ang aming Midterms kaya parami na ng parami ang mga pinapagawa.