DAMLAG 1

3 0 0
                                    


Nandito ako ngayon sa burol ng magulang namin at ngayon ang ikalawang araw ng burol nila. Dito sa bahay ang burol dahil hindi naman kami mayaman at mas gugustuhin kong tipirin ang natitira naming pera para sa kapatid ko.

Nineteen na ako at fourteen lang ang kapatid ko kaya magmula ng mamatay ang magulang namin ay halos hindi na makausap ng maayos ang kapatid ko.

Hindi na rin siya palangiti tulad ng dati na kahit sinong tao na bumibisita sa bahay ay nakikipag-usap siya pero ngayon nakatulala lang siya sa harap ng kabaong ng mga magulang ko.

Namatay sila sa aksidente at hindi man lang nahuli kung sinong bumangga sa sasakyan nila.

Bumalik ako sa katinuan ng tapikin ako sa balikat ng isa sa mga tita ko.

"Green, kumusta ka?" Tanong ni Tita Mari sa akin.

Bahagya akong tumingin sa kanya. "Maayos naman po ako."


"Si Red mukhang hindi pa kumakain kanina ko pa inaalok na kumain pero nakatulala pa rin." Napatingin ako sa kapatid ko.

Simula nung burol ay ganyan na siya, kung kumain man siya ay konti lang.

"Ako na pong bahala sa kapatid ko, Tita." Sagot ko at hindi na hinintay ang sagot niya at lumapit na sa kapatid ko.

Pakiramdam ko bahagi rin sa pagkatao niya ay namatay kasama ng mga magulang ko.

Umupo ako sa tabi niya kaya napukaw ang atensyon niya.

"Kuya."

Ngumiti ako. "Hindi ka pa raw kumakain sabi ni Tita."

Umiling siya sa akin kasabay ng pagtulo ng luha niya.


"Wala po akong gana." Hindi ko na napigilan ang sarili ko at niyakap siya, ngayon ay humahagulgol na siya sa akin na parang batang inagawan ng candy ng kalaro.

Hinayaan ko lang siyang pumalahaw ng iyak hanggang sa gumaan ang pakiramdam niya bago ako kumalas sa pagkayakap sa kanya.


"Wala na sila Mama at Papa." Hinawakan ko siya sa kamay. "Ayoko naman mawalan pa ng kapatid."


Natatakot ako, natatakot akong maiwang mag-isa at hindi na siya muli pang bumalik sa dati niyang ugali na masigla at puno ng buhay.


"Ano ng mangyayari sa atin ngayon?" Tanong niya.


Sa totoo lang ay hindi ko rin alam dahil wala naman naitabi sila Mama at Papa na pera para sa amin at tanging bahay lang namin ang meron kami. Hindi naman maliit itong bahay at hindi rin malaki, sakto lang.

Ang totoo ampon lang si Papa ng lolo at lola ko kaya panigurado ay wala rin siyang mana dahil ang pamilya lang ng tatay ko ang mayaman pero hindi si Papa. Tumanggi din si Papa na tumanggap ng kahit anong tulong kila lolo at lola noon.


Tumingin ulit ako sa kapatid ko.


"Walang magbabago, mag-aaral ka pa rin." Sabi ko.

Sa pagkakataon na ito tumingin siya na may pag-aalinlangan sa akin. "Paano ka? Nag-aaral ka din naman."


"Kaya ni Kuya, ako pa ba." Ngumiti ako kanya bago nilingon ang kabaong ng mga magulang ko.



Ma, Pa. Ako ng bahala.

DAMLAG [A Story Of Knowing The Unknown]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon