CHAPTER X

0 1 0
                                    

TRIGGER WARNING:

This story contains themes of violence, bullying, abuse, and topics that may be upsetting or triggering for readers which may not be suitable for some individuals. Please be aware of your emotional well-being and seek support if needed. Reader discretion is advised.

CHAPTER X

Iluminado ang kuwarto ng isang bumbilyang nakasabit mula sa kisame. Ang liwanag ay nagbigay ng mahahabang anino sa kabuuan ng silid. Nakasuot si Ligaya ng isang kupas na T-shirt at ng pinalumaang jeans. Nakaupo siya sa sahig, nakasandal ang kaniyang likod sa kanilang hinabing kawayang dingding, katabi ang nga nagkukumpulang libro at mga papel, kasama rin ang mga notebook ng kaniyang mayayamang kaklase. Pagod na ang kaniyang likod kasusulat at bumibigat na rin ang kaniyang mga mata. Inaantok na siya.

Pumasok si Sinta sa kuwarto na may bitbit na baso ng gatas na nagkukumayod sa loob ng baso. Inabot ni Sinta ang gatas kay Ligaya.

"Ate... Maggatas ka po muna..." Maingat na nilagay ni Sinta ang baso sa kanilang kawayang sahig.

Tiningnan ni Ligaya ang kapatid at ngumiti siya rito.

"Salamat, Sinta… bakit hindi ka pa natutulog?" Uminom siya ng gatas. At tiningnan pabalik si Sinta. 

"Hinihintay po kita, Ate..." Hindi ganoon kalakas ang boses ni Sinta dahil sa tuwing nilalakasan niya ang kaniyang boses ay sumasakit ang kaniyang puso. Napapansin din ni Ligaya ang mga pamumutla ng kapatid.

"Naku, huwag mo na hintayin si Ate. Matatagalan pa ako." Abiso niya rito. Pero hindi umimik si Sinta sa halip ay inosente lamang na tiningnan ang kapatid.

Naintindihan naman kaagad ni Ligaya si Sinta kaya ngumiti na lamang siya rito. "Oh siya sige na nga. Halika..."

Marahang giniya ni Ligaya si Sinta sa kanilang tutulugan. Hindi iyon kobre kama kundi isang banig na nakalatag sa sahig. Alam ni Ligaya na hindi nakakatulog si Sinta kung walang tumatabi sa kaniya kaya sinamahan niya ito. Nakahiga na ang dalawa.

"Magiging abogado ka ba po balang araw ate?" Kapagkuwa'y tanong ni Sinta. Napangiti naman si Ligaya.

"Kung ipahihintulot ng Diyos, Sinta..."

"Kung hindi po kayo magiging abogado, magiging mabuti po kayong guro..."

"Talaga...?"

"Oo naman po. Ang galing niyo nga pong magturo sa akin magbasa eh. Saka sinasagutan niyo rin ang mga assignments at projects ng mga kaklase ninyo... Matalino ka ate..."

Tiningnan ni Ligaya ang kapatid na malawak ang ngiti sa kaniya. Nahawa naman siya rito. Hindi niya muna iniwan si Sinta at humuni siya ng isang lullaby hanggang sa ilang saglit at nakatulog na si Sinta.

Kaagad naman bumangon si Ligaya at binalikan ang tinatrabaho niya. Inaamin niyang nababayad sa utang ang minsang allowance niya sa scholarship kaya kailangan niyang kumayod din. Lahat ng iyon ay desisyon niya para hindi sila lubusang mabaon sa utang. Nakagawa rin siya ng paraan para pagkakitaan ang talino niya dahil sinasagutan niya ang mga assignments at gumagawa siya ng mga projects ng mga kaklase niya. Hindi naman siya lugi, dahil may bayad naman ito.

Hindi rin nagtagal nang dumating ang Papa niya.

"Pa... Magandang gabi po..." Mano niya sa ama. "Kumusta po ang trabaho?"

"Ayos naman 'nak. Medyo masakit lang ang katawan ko dahil sa bigat ng kinakarga pero laban lang tayo..."

Tumango si Ligaya.

"Bakit hindi ka pa natutulog?" tanong ni Manuel sa anak. "Kanino ba 'yang mga gamit? Ang dami naman niyan." Napansin niya ang mga libro at mga notebook.

"Hiniram ko po sa library 'yong libro Pa. Saka sa mga kaklase ko po 'yan. Ginagawan ko po ng paraan makakita ng pera..." pag-amin niya sa ama.

"Anak naman..."

Pagod na pagod na rin ang mga mata ni Manuel pero punong-puno ito ng pag-aalala sa anak.

"Pa... Hayaan na po ninyo ako... Para po ito sa atin..."

Iyan na lamang ang nagiging paulit-ulit na diskusyon nila ng ama. Pero sa huli ay pumapayag naman ito sa kaniyang mga ginagawa.

"Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo, na hindi mo ito responsibilidad... Ako ang padre de pamilya at ako dapat ang nag-aalala ng mga gastusin na 'yan..."

Kumuha si Manuel ng plato na may lamang kanin at isang maliit na pirasong isda. "Kumain ka na ba?"

"Opo Pa." Tanging sagot ni Ligaya. Nakikita naman siya ng ama at mukhang wala naman itong balak tumigil. Napailing na lamang si Manuel at saka sumubo ng kanin. "Magpupuyat ka na naman sa paggawa ng mga prajek ng mga kaklase mo kaya dapat may laman ang tiyan mo."

Ngumiti si Ligaya sa kaniya. Nagpapasalamat siyang naiintindihan siya ng kaniyang ama. "Salamat Papa... Kumain na po kami ni Sinta kanina..."

Tumango naman ulit si Manuel saka kumain. "Siya nga pala, wala na tayong utang kay Aling Paciana. Siniguro ko ng bayaran 'yon kaya sa susunod na bigay ng scholarship mo anak, ay siguruhin mo rin na bumili ng gamit sa paaralan."

Na-surpresa naman si Ligaya sa sinabi ng ama. "Talaga Pa? Paano niyo naman po 'yon nabayaran?"

"May mga ipon din ako anak."

"Nagmana po talaga ako sa inyo Pa."

Natawa na lang ang dalawa. Saglit na namayani ang katahimikan.

"Anak, hindi mo kailangang gawin ang lahat ng 'to ha. Alam kong gusto mo akong tulungan pero mahalaga ang pag-aaral mo... Baka napababayaan mo na 'yan..."

"Papa naman... Kaya ko pa naman po eh. At kailangan po natin ng pera Pa..."

"Kailangan din ng katawan natin ng pahinga anak. Huwag mong inaabuso at baka mag-reklamo..."

Napatango na lamang din si Ligaya. Tama naman ang sinabi ng kaniyang ama. Pero kung wala lang talaga siyang pakialam sa kanila, hindi niya naman gagawin 'tong lahat.

"Buhay pa naman ako, kakayod ako, anuman ang mangyari.  Ang mahalaga ay makapagtapos ka ng pag-aaral."

Tiningnan ni Ligaya si Manuel. Namumuo ang luha sa kaniyang mga mata. Minsan naiisip niya na nakakapagod na rin maging mahirap. Pero lagi niyang isinasapuso na wala siyang karapatan mag-reklamo lalo pa't may tahanan naman silang natitirhan at nakakakain sila tatlong beses isang araw.

"Salamat Pa… Napakasuwerte ko talaga at kayo ang aking ama."

"Sus, nambola pa."

Pinagsaluhan nila ang isang sinserong tawa. Nagpatuloy sa pagkain si Manuel at nang matapos siya ay kinuha niya ang plato at hinugasan ito. Binalik niya na rin ito sa kanilang munting lalagyan. Hinugasan niya ang kaniyang kamay at muling tiningnan ng may pagmamahal at pagmamalaki si Ligaya na nakatuon na ang atensyon sa ginagawa.

Nang hindi na nakatingin si Manuel sa anak ay saka naman nilingon ni Ligaya ang ama. Ang pamilya niya ang pinakamagandang nangyari sa kaniya. Alam niyang hindi siya nag-iisa sa laban na ito at binibigyan siya nila ng lakas para magpatuloy. Hindi niya namalayan na tumulo na pala ang kaniyang luha kaya kaagad niya itong pinunasan.

FRAGMENTSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon