Pagpasok namin sa pinto ay naumpisahan na nilang pagkaguluhan ang mga pagkaing dala ng mga nauna sa amin.

"Grabe 'no? Parang hindi kayo nakakain ng ilang taon kung pagkaguluhan niyo 'yang handa ng anak ni Tolentino," sabi ko sa kanila nang ilapag ko na ang dalang dalawang bilao ng palabok.

Hindi ako ng mga ito pinansin kundi ang kasama ko.

"Oh my gosh, Paul! Ang laki mo na," yakap sa kaniya ni Bella na parang hindi niya nakita ng nakaraang buwan ang anak ko.

"Paul, nasaan ang kiss ni Ninang?"

Sumunod naman si Ellie na agad hinalikan ng anak ko. Samantalang ang mga lalaki naming mga kaibigan ay nakipag-fist bump lang sa bata saka ito dinala sa upuan.

Pinanood ko kung paano lang magpaanod ang anak ko sa ginagawa nila habang dala-dala niya pa rin ang paper bag na regalo namin para sa pinsan niya.

"Hindi nga naman maipagkakailang anak ni Paulo. Kuhang-kuha ang mukha. Buti na lang hindi nagmana sayo, Cielo," pang-asar ni Ellie sakin habang may hawak na lumpia sa kamay niya.

"Nakuha naman niya yung kilay ko at eyelashes," inirapan ko pa siya habang abala sa pagkuha ng pagkain para sa anak.

"Yun lang. Pero yung ibang features kay Paulo na."

"Oo na!"

Iniwan ko muna sila at pinuntahan ang anak para ibigay ang pagkaing kinuha ko para sa kaniya.

"Dito ka lang?" Tanong ko sa kaniya habang inaayos ang buhok niya.

Tumango lang ito sabay kuha ng pinggang dala ko.

"Ubusin mo yung foods, ha? Once na naubos mo na, ilagay mo ng maayos sa lababo yung pinggan mo," paalala ko sa kaniya bago siya iwan sa harap ng tv nila Tino na nakabukas.

Hindi pa ko nakakahakbang ay bumukas na ang pinto ng isang kwarto at lumabas doon ang asawa ni Tino na si Nalsi bitbit ang dalawang taong gulang na anak na babae.

"Cielo!" Masaya nitong tawag sa akin saka lumapit.

Nilapag muna nito ang hawak na anak sa tabi ng anak ko saka ako magaang niyakap.

"Nals," nakangiti kong bati sa kaniya pabalik.

"Buti nakapunta ka?" Tanong niya nang bumitaw na siya sa yakap.

"Oo. Nag-file naman ako ng absent form kaya napayagan," kibit-balikat kong sagot sa kaniya.

"Mabuti naman at naglaan ka ng oras sa anak ko," sabi ng nasa likuran ko.

Boses pa lang kilala ko na kung sino.

"Hindi yung ako lang naglalaan ng oras sa anak mo kahit hindi ako yung tatay niyan," reklamo niya nang hinarap ko na siya.

"Pamangkin mo pa rin yan. Reklamador ka!" Sabay bangga ko ng balikat niya nang dumaan ako.

"Kahit kelan talaga hindi ka nagbabago, eh no?" Sunod nito sakin kasama ang asawa niya.

"Ikaw din naman, ah!"

"Itong mga 'to hindi pa nga tayo nakakakain nagbabangayan na!" Suway sa amin ni Bella habang nagtitimpla ng juice sa pitchel.

"Para namang nanibago ka pa sa kanila," sinagot siya ni Ellie na nasa harap ng stove at may niluluto.

"Hoy, Roberto! Himala nakarating ka!"

Rinig kong bati ni Tino sa iba pa naming kaibigan na sinamahan ang dalawang bata sa couch.

Matapos ang pagluluto ng mga handa ni Kalea Xolani ay sinunod na namin ang pagkanta ng birthday song sa bata at ang picture taking.

Digging the EmotionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon