Vol. 2 Code Fifteen: "On Edge"

941 99 8
                                    

Code Fifteen : "On Edge"

*******

Sa gitna ng katahimikan ng paligid ay mamamayani ang isang mahinang ingay na parang may kung anong bagay ang nagkikis-kisan...

krshhh...krshhh...

Mayamaya pa ay may maliit at payat na braso na aahon mula sa mga nagtataasang berdeng damo. Nakalusot ang braso na iyon sa makipot na pagitan ng rehas na bakal na nakabaon sa lupa. Kakapain ng kaniyang maliit na palad ang lupa at hahanap ng bato. Nang makakuha na siya ng kaniyang kaylangan, agad siyang lulundag mula sa kaniyang tinutuntungang mataas na upuan at agad na pupunta sa pader at tatapusin na ukitin ang kaniyang pinag-kakaabalahang obra-isang senaryo ng mga puno at halaman, mga ibon at mga ulap, araw, buwan at mga bituin. Sa sobrang tagal na niyang naroon sa lugar na iyon, nagawa na niyang mapuno ang buong kwarto ng mga ukit at mga guhit ng mga senaryong ito na iisa lang ang itsura. Hanggang sa bigla siyang huminto, at nilibot ng kaniyang tingin ang mga nakaukit sa pader...

"Parang may kulang?"

Oo, may kulang pa. Isang bagay na hindi pa niya nagagawang makita. Sabik ang mga mata niya na makakita ng bagong bagay na lagpas sa nagagawang abutin ng kaniyang mga paningin mula sa maliit na rehas na bintana na nasa batong kisame ng kaniyang kwarto.

Ilang minuto pa ay may nakita siyang maliit na ibon na sumilip mula sa rehas na bintana. Muli siyang umakyat gamit ang mataas na upuan at dahan-dahang inilabas ang kaniyang kamay para sana mahawakan ang ibon, ngunit bago paman makalabas sa pagitan ng mga rehas ang kaniyang kamay ay agad na lumipad papalayo ang ibon. Doon niya nagawang maramdaman sa kauna-unahang pagkakataon ang masakit na pakiramdam na biglang tumusok sa kaniyang dibdib. Habang pinagmamasdan niya ang mga ibon na malayang lumilipad sa himpapawid ay mas lalu lamang niyang nararamdaman ang masakit na pakiramdaman na hindi naman niya magawang mailarawan ni masabi sa isang simpleng salita...

Ngunit isang bagay lang ang noon pa niya gustong maranasan....

Gusto kong maging tulad nila...gusto kong makalabas....

****

Umugong ang huling kataga na iyon sa pandinig ni Fillan. Bahagya nang gising ang kaniyang diwa, pero pakiramdam parin niya ay nasa isang panaginip parin siya-ang panaginip kung saan nasa isang lugar siya na madilim at may maliit na bintanang rehas na nasa gitna ng batong kisame.

Nasaan...na ba ako?

Gusto niyang bumangon, ngunit pakiramdam niya ay naubos ang lahat ng lakas ng kaniyang katawan-ni hindi nya magawang maiangat ang kaniyang mga daliri sa kamay. Nanatili siyang nakahandusay sa lupa, at ang mga mata lamang niya ang kaniyang nagagamit upang malaman kung anu-ano ang nasa paligid niya.

--Nasaan ako?-Muling ulit na naitanong ni Fillan sa kaniyang sarili

Bahagyang madilim ang kaniyang paligid-ngunit hindi niya malaman kung ang dilim na iyon ay dahil sa kaniyang paningin o dahil sa kakarampot na liwanag na pumapasok mula sa taas.

--Liwanag?

Ilang minuto pa ay nagawa nang masanay ng mga mata ni Fillan sa dilim ng lugar at doon na niya napansin ang mga bagay na nasa kaniyang paligid. Nang bahagya na niyang naigagalaw ang kaniyang katawan ay saka lamang niya tinangka na bumangon-ngunit naroon parin ang masakit at makirot na pakiramdam sa kaniyang mga kalamnan at dibdib [ang parte kung saan siya sinaksak ni Heimdall]. Nang tuluyan na siyang nakabangon ay saka lamang niya napansin ng maigi ang kaniyang paligid na unti-unting nakapag-pagulat sa kaniya ng bahagya...

Code ChasersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon