Vol. 4 Code Thirty Four: "At Daggers Drawn (Part I)"

725 59 13
                                    

Code Thirty Four: "At Daggers Drawn (Part I)"

*****

Hating gabi noon, at malakas ang buhos ng ulan sa labas. Nagsama ang lamig ng gabi sa nakangangatal-panga na tubig-ulan, sapat upang mapabaluktot ng husto sa isang tabi ang mga kahabag-habag na bilanggo ng Goetia, ang itinuturing na "huling hantungan" ng mga nagkasala.

Isa sa kanila ang dating Punong Kardinal na si Randall Rosendorf. Dinakip siya sa salang 'pagtataksil' at 'pag-sira sa sinumpaang tungkulin'. Mahigit tatlong taon siyang nanatili sa malalamig na piitan ng Goetia at naghihintay na lamang ng sundo mula kay Kamatayan.

Hanggang sa...

"Halika! Sumama ka sa amin!"

Hindi pa lubusang nagigising ang diwa ni Randall nang siya'y biglang dakpin ng mga sundalo. Dalidali siyang nilagyan ng tanikala sa kaniyang mga kamay at paa at kinabitan ng 'Limiter' sa kaniyang leeg upang hindi nito magamit ang kaniyang Insignia.

"Bilis! Labas na!"

Marahas na itinulak ng dalawang sundalo palabas ng kulungan ang dating Punong Kardinal, at saka ito sapilitang isinakay sa isang pribadong karwahe.

Nanatiling tahimik nang mga sandaling iyon si Randall. Inobserbahan lang niya ang kilos ng mga sundalong kumuha sa kaniya. Umasa siyang magsasalita ang mga sundalong kasama niya tungkol sa dahilan ng biglaang pagpapakuha sa kaniya mula sa Goetia, subalit tikom ang bibig ng mga ito. Hindi maikakaila ni Randall ang kaba sa kaniyang dibdib, lalu na't walang sinasabing kahit ano ang mga sundalo sa kaniya.

'Ito na marahil ang katapusan ko,' ang sabi ni Randall sa kaniyang sarili.

Tumagal ng humigit kumulang dalawang oras ang biyahe mula sa kabundukan ng Goetia hanggang sa kapitolyo ng Seravire, ang Pentalion. Nakatayo sa kapitolyo ang bagong pamunuan ng Agrivan na nawasak limang taon na ang nakakaraan. Hindi naman nalalayo ang hitsrura ng Pentalion sa nasirang lupain ng Agrivan, maliban lamang sa uri ng pamumuno na umiiral ngayon sa bagong pamahalaan---isang pamahalaan na pinamumunuan ng mga 'Nilalang ng Kalangitan' o mas kilala ng lahat sa tawag na 'Heavenly Beings'.

"Mga Anghel..." ito ang naibulalas ni Randall habang nakatanaw siya mula sa bintana ng karwaheng kaniyang sinasakyan. Sa bungad pa lamang ng kapitolyo ay may namataan na siyang ilang mga armadong nilalang na may malalaki at mapuputing pakpak. Mayroon din silang kapansin-pansin na marka sa kanilang mga noo, na ayon sa mga lumang kasulatan ay sumisimbulo ito 'di umano sa dakilang pangalan ng Diyos.

Ilang sandali pa ay huminto ang sinasakyan nilang karwahe sa tapat ng isang napakalaking Cathedral. Pinababa ng mga sundalo si Randall sa karwahe at hinatak ito papasok sa loob ng napakalaking simbahan. Malayo palang ay tanaw na ni Randall ang isang lalaking nakatayo sa harapan ng dambana. Kulay ginto ang kaniyang buhok na bumagay sa kaniyang kulay pula na mga mata. Kagalang-galang siyang tignan sa kaniyang suot na puting damit na ang haba ay hanggang sa kaniyang talampakan.

Puwersahang iniharap ng mga sundalo ang dating Punong Kardinal sa lalaking nasa dambana. Doon nagkaroon ng pagkakataon ang kardinal na makita ng malapitan ang hitsura ng lalaki na may naglalakihang puting pakpak. Nakatitig ito ng malalim sa kaniyang mga mata na para bang mayroon itong kung anong binabasa mula sa kaniya.

"Gusto mo bang malaman kung bakit ka narito?"

Mabilis na ibinalik ni Randall ang kaniyang tingin sa lalaki. Ilang sandali pa'y lumapit ang lalaki kay Randall at marahan itong hinaplos sa kaniyang pisngi.

"Ipagkakaloob ko na sa iyo ang iyong kamatayan---bilang kabayaran sa iyong pagsuway, at lalung lalu na sa ginawa mong pagtulong sa inutil na si Grau. Dahil sa ginawa mo kung kaya hanggang ngayon, wala pa sa mga kamay ko ang Decipher. Nararapat lamang na parusahan ka. Subalit...." Biglang pakli ng lalaki na siya namang ipinagtaka ni Randall. "...sinabi sa akin ni Yahoel na maaari kitang mapakinabangan. At marahil, tama siya."

Code ChasersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon