Code Thirty Seven: "Of Life...and Death"
******
Ang nakaraan sa Code Chasers...
"I—ikaw...?"
Bumaba si Fiel mula sa kaniyang sinasakyang kabayo. Lumapit siya kay Fillan habang hinuhugot niya mula sa kaniyang kaliwang baywang ang isang gintong punyal na minsan nang ginamit noon ni Fiel para sana paslangin ang binatang si Fillan. At ngayon, gagamitin niya itong muli para siguruhin na makukuha na niya ang paghihiganti na noon pa niya inaasam.
"F—Fiel...?" humakbang paatras si Fillan. Hindi dahil sa takot, kundi dahil sa pagkabigla.
"Mabuti naman at naaalala mo pa ang pangalan ko, salot! Oras na para singilin kita sa pagkamatay ni Noah. Kaya humanda ka, ito na ang katapusan mo...!"
*****
Bahagyang lumunok si Fillan para maalis ang nakaumbok na kaba sa kaniyang lalamunan. 'Hindi...hindi ko gustong labanan ang kaibigan ni Noah...!' ang sabi niya sa kaniyang sarili. Pero sa kalagayan niya ngayon, ano pa ba ang maaari niyang gawin para makaligtas siya sa banta ng panganib?
At habang nasa kalagitnaan pa si Fillan ng kaniyang pagkabigla ay walang anu-ano na pumulupot sa katawan niya ang napakaraming nagliliwanag na mga sinulid. Nanggaling ang mga sinulid sa mga nakapalibot na sundalo para siguruhin na hindi siya makakatakas. At kapag tinatangka ni Fillan na gumalaw ay kusang bumabaon ang mga sinulid sa kaniyang balat na parang patalim.
"Ngh....ah!" Napahalinghing bigla si Fillan dahil sa mga bumabaon na sinulid sa kaniyang balat. 'A—ang sakit!'
Hanggang sa hindi niya namalayan ang mabilis na paglapit ni Fiel sa kaniya. Naramdaman na lang niya na itinulak siya ni Fiel pahiga sa lupa at saka nito marahas na piniga ang kaniyang leeg hanggang sa hindi na niya maramdaman ang pagdaloy ng hangin sa kaniyang lalamunan.
"Masakit ba? Huh, Decipher?" alimura ni Fiel kay Fillan. "Sa tingin ko kulang pa ang sakit na 'yan kumpara sa sakit na dinaranas ngayon ni Nina! Nawalan siya ng kapatid ng dahil sa iyo! Nawalan ako ng matalik na kaibigan nang dahil sa iyo!" halos bumaon na ang mga daliri ni Fiel sa leeg ni Fillan dahil sa matinding galit. Gustuhin man ni Fillan na pumalag, subalit hindi niya kaya.
At sa kalagitnaan ng ginagawang pagpapahirap ni Fiel kay Fillan ay may napansin ito na tila nawawala...
"Nakapagtataka lang..." biglang sita ni Fiel habang nakadiin pa rin ang kaniyang kamay sa lalamunan ni Fillan, "...hindi mo yata kasama si Cardinal Heimdall?"
Pilit na iminulat ni Fillan ang kaniyang mga mata. 'S—si Grau...!'
"Ang traydor na iyon..." at lalung pinanggigilan ni Fiel na pigain ang leeg ni Fillan. "Mas pinili pa niya na sagipin ang salot na tulad mo kaysa protektahan ang mga tao! Isa siyang malaking kahihiyan sa hanay ng mga Pinagpala! Dapat rin siyang mamatay!"
At habang ipinapamalas ni Fiel ang kaniyang galit ay nagawa naman ni Fillan na iangat unti-unti ang isa niyang kamay. Nangangatal na hinawakan ni Fillan ang braso ni Fiel habang pilit nitong inilalabas mula sa kaniyang lalamunan ang kakarampot na tinig.
"P---p—paki...usap..." ani Fillan kay Fiel, "A---ayaw...kitang...m—masaktan!" nasabi ito ni Fillan dahil sa tuwing nalalagay sa panganib ang buhay niya ay agad siyang pinoprotektahan ng kapangyarihang nagkukubli sa loob ng kaniyang katawan. Hindi niya kontrolado ang kapangyarihang iyon, kaya natatakot siya na baka matulad si Fiel kay Noah---na baka mapatay niya rin ito na labag naman sa kaniyang kagustuhan.
Pero lalong kinainis ni Fiel ang mga sinabi ni Fillan kaya lalo pa nitong pinanggigilang sakalin ang walang kalaban-laban na binata.
"Saktan ba kamo ang sinabi mo?! At paano mo naman gagawin 'yon?! Gagamitan mo ako ng kapangyarihan mo?! Bakit? Akala mo ba natatakot ako sa iyo porke't ikaw ang Decipher?! Pagmasdan mo nga ng mabuti ang sarili mo ngayon! Ni wala ka ngang magawa para iligtas ang sarili mo! Baka hindi mo nakikita ang kalagayan mo? Walang tagapagligtas na darating at sasagip sa iyo! Wala rito sa Heimdall para iligtas ka! At kung sakali man na nabubuhay pa ngayon si Noah, hindi ko siya hahayaan na sagipin ka!"
BINABASA MO ANG
Code Chasers
FantasyWalang kamalay-malay si Fillan na taglay niya ang kapangyarihang magtatakda sa kapalaran ng buong sangkatauhan: Wawasak sa kasalukuyang mundo o lilikha ng panibago. Wala siyang alam tungkol sa kaya niyang gawin... Ni wala siyang anumang ala...