Chapter 3

413 5 1
                                    

"Ingrid, hija. Mabuti na lang at umuwi ka kaagad. Tikman mo nga itong niluto kong kare-kare."

Kumunot ang noo niya. Tuwing may special occasion lang nagluluto ng kare-kare ang mama niya. Kung magluto pa naman ito, walang shortcut—talagang nagpapagiling ng bigas at mani.

Kinuha niya ang sandok na may sabaw at hinigop iyon.

"Masarap. Bakit nagkare-kare kayo, 'Ma?" tanong niya rito.

"Dito raw maghahapunan si Frank saka iyong kapatid niya," sagot nito.

Bahagya siyang napatango. "Aakyat muna ako, 'Ma. Aayusin ko lang itong mata ko. Nabasag iyong isang contact lens," paalam niya rito.

Tumango lang ito at muling bumaling sa niluluto.

Nang makapanhik sa kanyang silid, agad niyang hinagilap ang luma niyang salamin. Bukas na lang siya bibili ng bagong contact lens. Ayaw naman talaga niya ang nakasalamin dahil bukod sa nagkakaroon ng dark circles ang palibot ng mga mata niya, naiilang pa siya. Mas praktikal sa trabaho niya, na parating nakayuko sa mga libro, ang contact lens. Iyon din ang naka-sanayan niya.

Matapos magpalit ng damit, nahiga siya sa kama. Marahil ay dahil sa pagod, kaya nakatulog siya.

Naalimpungatan siya sa malakas na pagkatok sa pinto. Sinipat niya ang alarm clock sa side table. Alas-siyete y medya na. Bumangon siya upang buksan ang pinto. Nabungaran niya sa labas ang kanyang mama.

"Ingrid, bakit hindi ka pa nagbibihis? Hindi ka ba sasabay sa aming maghapunan?" tanong nito.

"Mamaya na lang ako, 'Ma." Hindi naman sa iniiwasan niya ang mga bisita nila, kaya lang, naiilang siya kapag tinutukso siya ng ate niya. Nobyo nito ang bisita at hindi ito maiilang na biruin siya sa harap nito.

"Sumabay ka na sa amin, ano ka ba? Nakakahiya kay Frank. Baka sabihin iniiwasan mo siya. Hala, magbihis ka't bumaba na." Tumalikod na ito at muling bumaba.

Nakalabing tinungo niya ang banyo upang maghilamos. Pagkaraan, binuksan niya ang closet at naglabas ng isang damit. Kulay murang dilaw iyon na may manggas. Hanggang sakong din iyon subalit malambot naman ang tela kaya hindi siya magmumukhang manang gaya ng tukso ng ate niya.

Itinali rin niya ang mahabang buhok at isinuot ang salamin bago bumaba. Nahiling tuloy niya na sana ay hindi na lang natapakan ni Dominador ang contact lens niya dahil tiyak na tutuksuhin siya ng Ate Sandy niya sa salaming suot niya. Outdated na ang style niyon—black-rimmed at halos sakop ang kalahati ng mga pisngi niya. Subalit wala naman siyang magagawa, malabo talaga ang paningin niya.

Pagbaba niya, nasa sala ang mama at ate niya. Nakatalikod naman mula sa kanya ang dalawang lalaki. Isa roon ay nakilala niyang nobyo ng ate niya. Mas malaki ang pangangatawan ng lalaking katabi nito. Matangkad si Frank subalit kahit nakaupo, tila mas matangkad dito ang katabi nito, mahaba rin ang buhok.

"Ingrid!" Nakangiting bati sa kanya ng ate niya. Noon din lumingon sa gawi niya ang dalawang lalaki.

Napamulat si Ingrid nang makilala ang long-haired na lalaki—ang walang modong motoristang nakasabay niya sa kalasada minsan! Ano ang ginagawa nito sa kanila?

"Good evening, Ingrid," nakangiting bati sa kanya ni Frank.

"Good evening," kaswal niyang bati.

"By the way, this is my brother, Gabriel. Gabe, si Ingrid, sister ni Sandy," pakilala nito sa kanila ng lalaki.

Ngumiti sa kanya si Gabe at inilahad ang kamay nito. Kusang tumaas ang kaliwang kilay niya at tiningnan ang kamay nito.

Tumikhim si Frank. Noon lamang niya napuna ang ginagawa niya. Napahiya siya kaya niya inabot ang kamay ni Gabe. Pinisil nito ang kamay niya. Muling tumaas ang kilay niya, sabay bawi ng kamay.

Sa Pagngiting Muli Ng Puso - VanessaWhere stories live. Discover now