Chapter 8

394 4 1
                                    

Alas-nwebe ang simula ng mga palaro at alas-otso y medya pa lang ay nakahanda na si Ingrid at ang Ate Sandy niya sa sala.

"Ang tagal naman ng dalawang iyon," aniya, ang tinutukoy ay sina Frank at Gabe. Hindi pa kasi bumababa ang mga ito. Aakyat sana siyang muli upang katukin ang mga ito nang matigilan siya.

Sabay na bumaba ang magkapatid. Sabay silang napabunghalit ng tawa ng ate niya.

"Ano'ng drama iyan, Frankie?" tanong nito sa nobyo.

"Gabe?" alanganing tanong niya rito.

Sa halip na sumagot, nag-akbayan pa ang mga ito at nag-pose na tila kalahok sa Mr. Pogi. Lalo silang natawa ng ate niya.

Noon sumungaw sa sala ang mama nila at Tita Nelly.

"Ayos ang porma natin, ah," ani Tita Nelly kina Frank at Gabe.

"Wow," ang tanging nasambit ng mama niya.

Bagama't parehong naka-walking shorts sina Gabe at Frank, ang pang-itaas naman ng mga ito ay kamisetang long-sleeved na tila sa magbubukid. Mayroon pang bandanang pula si Frank sa ulo, habang si Gabe naman ay may salakot.

"Gabe, saan mo naman nakuha iyang salakot?" tanong niya rito.

Napakamot ito sa ulo. "Naka-display ito sa kuwarto namin, eh." Bumaling ito kay Tita Nelly. "Tita, hiniram ko po muna," tila nahihiya nitong sabi.

"Aba'y walang problema. Ganyang-ganyan ang porma ni Juanito ko noon."

Sa sinabi ng tita niya, agad na inalis ni Gabe sa ulo nito ang salakot. Natawa silang lahat dito.

"Huwag kang mag-alala, hindi naman iyan iyong sa kanya," anang tita niya.

"Let's go?" ani Frank.

"'Ma, ikaw, hindi ka ba sasama?" tanong niya rito.

"Hindi na, dito na lang kami ng tita ninyo at marami kaming iluluto. Sige na," pagtataboy nito sa kanila.

Lumakad na sila. Alam naman nila kung saan gaganapin ang palaro.

Nang makarating sila sa parang na paggaganapan ng palo-sebo at habulang biik, napakarami nang tao. Hindi naman pahuhuli ang porma nina Frank at Gabe dahil halos lahat ng tao roon ay ganoon din ang porma, maliban na lamang sa ilang kalalakihang halatang galing Maynila.

Nagpalista sina Gabe at Frank. Talagang desidido ang mga ito na sumali.

"May the best man win," sabi ni Frank kay Gabe. Nagkamay ang mga ito. Wala naman silang nagawang magkapatid kundi ang magkatinginan at magkatawanan.

Nauna si Frank na maglaro.

"Go, Frankie!" tili ng ate niya. Lumingon lamang si Frank sa gawi nila at kinawayan ang ate niya.

Naghiyawan ang tao nang makaabot si Frank sa kalagitnaan ng kawayan.

"Go, Frankie!" muling tili ng kanyang ate. Tila nilalagari na ang lalamunan nito subalit wala pa ring tigil sa pagtili.

Dumadausdos pababa si Frank ngunit nagpupumilit pa rin itong makaakyat. Kapit-tuko na ito sa kawayan na bahagyang nagiging magalaw. Lahat ng tao ay nakatingala na rito. Lahat ay nakiki-hiyaw na rin sa ate niya. Siya naman ay nagmamasid lang.

"Naku, mukhang madulas talaga," ani Gabe nang bumaba nang halos dalawang talampakan si Frank.

Muli itong dumausdos pababa subalit muling nakataas. Ayaw talaga nitong sumuko. Hanggang sa makarating ito sa pinakataas at maabot ang isang kulay itim na tila plastic sa ituktok.

Nagpalakpakan ang mga tao. Bumaba si Frank at nag-bow pa sa lahat. Sinalubong ito ng ate niya.

"Ikaw na, Gabe," baling niya rito. Tatlo kasi ang palo-sebo at isa pa lang ang naaakyat.

Sa Pagngiting Muli Ng Puso - VanessaWhere stories live. Discover now