Chapter 18

2 0 0
                                    


Walong taon na ang nakakaraan. Bumisita kami sa isang bayan sa probinsya, hindi ko pa kilala noon si Lola Yori. Hindi ko alam kung sino 'yon ngunit naririnig ko na nababanggit siya ni Mama at Papa. Isang araw lang ang pagbisita namin na 'yon ngunit hindi ko 'yon makakalimutan.

"Mag didilim na, nasa bahay na dapat ang batang katulad mo. Mamaya may makalaro ka pang hindi nakikita." Ani sa akin ng isang boses, matanda na 'yon rason para mapalingon ako. Isang matandang may hawak na tungkod, nakasuot ito ng sombrero na gawa sa straw, mahabang duster na may nakapulupot pa na balabal sa may balikat, at bakya bilang sapin sa paa.

"Hindi po nakikita?" tanong ko dito habang may hawak na bato na itatapon ko sana sa may ilog. Naglalaro ako noon kung ilang talbog ang magagawa ko sa tubig gamit ang isang bato.

"Multo" tukoy nito.

"Multo... pero po..."

"Pero nakikita mo naman talaga sila hindi ba?" tanong nito, pagpuputol sa sanang sasabihin ko.

Tumango ako, "Nakikita ko po."

Napangiti na lang nang mapait ang matanda rason upang ibaling ko muli ang tingin ko sa may ilog. Napatingin ako sa hawak kong bato... naalala ko pa... naalala ko kung bakit ako naglalaro ng gano'n sa ilog. Dahil sa kabilang parte nito, kung saan nababalot ng dilim ay mayroon akong kalaro. Naaalala kong napakaitim no'n, wala 'yong muka o kahit ano. Marami sila doon... magkakasamang nakatuon sa akin... Hindi 'yon tao.

"Lola..." napatingin ako sa matanda. "Multo din po ba 'yon." Naalala kong dahan-dahan ko na sanang ituturo ang kalaro ko sa kabilang parte ng ilog nang biglang...

"Wag mong ituturo!" galit na sambit ng matanda.

Nagulat ako dahil doon ngunit hindi ako nakaramdam ng kahit na ano sa matanda. Pakiramdam ko pang tama ang ginawa nitong sigawan ako at pigilang akong ituro ang bagay na nasa kabila ng ilog.

Lumapit sa akin ang matanda, "Umuwi na tayo Bella, hinahanap ka na ng mga magulang mo." Nakapagtatakang alam nito ang pangalan ko kahit na hindi ko naman 'yon sinabi. Inakay ako nito at naglakad kami papaalis.

"Hindi po sila mga tao?" tanong ko dito.

"Hindi sila tao, mga lamang lupa sila."

"Lamang lupa?" nagtataka kong tanong. "Masama po ba sila?"

"Lahat ng gumagawa apo ng masama ay masama. Gagawin nila ang lahat para magkaroon sila ng katawan. Kumukuha sila ng tao, para mabuhay bilang isa sa atin."

"May nakuha na po ba sila?"

"Hanggang nandito ako..." ika ng matanda gamit ang kanyang nanginginig na boses. "Hanggang nabubuhay ako sa lugar na 'to, walang taong makukuha."

Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa matunton namin ang isang mahabang daan, puno ng mais sa gilid. Mukang ilang lingo pa lang nakatanim ang mga 'yon at hindi pa nagsisitaasan. Nagpatuloy kami sa paglalakad at hindi namin tinunton ang mahabang daan.

"Paano ka nga pala napadpad sa ilog na 'yon?" tanong sa akin ng matanda.

"Hindi... hindi ko din po alam." Ani ko dito. "May sinusundan po akong bata kanina... lumabas po siya sa bahay na pinuntahan namin nila Mama. Hinabol ko po siya, gusto ko lang po sanang makipaglaro. Nawala po siya sa mga mata ko... sinundan ko lang po yung daan hanggang sa napadpad po ako sa may ilog, napansin ko pong nawawala na ako pero hindi ko na po alam kung paano bumalik."

"Nagkita na pala kayong dalawa." Ani ng matanda. "Humihina na ang tingin ko sa hinaharap. Hindi ko nakitang magkikita kayong dalawa nang mas maaga sa inaasahan."

TwinkleWhere stories live. Discover now