"Salomrele,
Dalawang taon ang mabilis na lumipas mula nung tayo'y magkakilala. Dalawang taon na batbat ng pagsubok. Paulit-ulit na pamamaalam, paglisan, at pag-alis ang naging takbo nitong dalawang taon na ito. Hanggang sa natutong manatili.
Maraming beses mo sinabing inspirasyon mo ako, kaya lang, di ko maiwasang maitanong, gaano ka rin kadalas sumakit ulo mo sa akin? Natatawa ako isiping nakokonsumisyon ka sa akin haha.Hayaan mo akong purihin ang tapang mo. Napakatapang mo, Salomrele. Daig mo pa ako kasi kung minsan ako'y naduduwag rin. May pagkakataon na kapag kausap kita, nakakahiram ako ng tapang at lakas ng loob. Narealized ko na yun ang kailangang-kailangan ko, yung tapang. Maniwala ka man o hindi, maraming beses mong dinagdagan ng tapang ang puso ko.
Kapansin-pansin rin ang katangian mong pagiging matiisin. Matiisin sa sintidong natitiis mo ang lungkot, pangungulila at hirap. Walang reklamo, walang daing. Hindi kita kinaringgan ng pagmamaktol. Kung naririto ka lang, handa akong makinig sa kwento mo kung ilang beses kanang dumaan sa maraming tiisin. Hindi ako magsasawa. Hindi ako manghihimagod. Katulad nalang nung lumaban ka sa journalism. Balita ko, halos bumigay ang katawan mo sa dami ng gawain na hinarap mo at pagkatapos ay sumalang ka pa sa paligsahan. Hinangaan ko yun. Alam ko ang naging pagtitiis mo at buhay na buhay yun sa puso ko.
Sa ating dalawa ay aminado ako, maikli pasensya ko. Mabilis ako mapundi, naiinis agad ako. Pero ikaw napakamaunawain mo. At salamat iyon ay naadapt ko. Paano ka naging maunawain? Mula palang sa umpisa iyon kana. Inunawa mo ako ng maraming beses. Paulit-ulit. Kahit na minsan akong nagkamali, hindi mo ako sinisi. Walang panunumbat.
Kakapusin ako ng oras para isa isahin ko ang mga katangian mo. Sapat na ang ilan para ilahad sayo kung gaano ako namangha sa pagkatao mo. Sana maging dahilan rin ito para malaman mo na hindi ako maghahanap ng iba gaano man ang layo natin sa isa't isa. Hindi rin magiging dahilan ang tagal ng panahon para bumitaw ako. Ang totoo nga, bawat araw na lumilipas na hindi tayo nagkakausap ay lalo namang sumisidhi ang pagmamahal ko sayo. Ganun talaga siguro kasi hawak mo ang puso ko. "
-Samuel