[Kabanata 10]
LIMANG araw bago ang kasal. Naghihintay si Segunda sa labas ng opisina ni Aurelio na matatagpuan sa loob ng Audencia. Si Aurelio Rivera ang punong abogado sa ahensya ng rehistro at kasulatan. Hindi mapakali si Segunda hawak ang maliit na bayong na naglalaman ng ginataang kalabasa na kaniyang niluto. Panay ang lingon niya sa paligid sa pag-asang mababasa ang pangalan ni Romeo sa bawat opisina. Nababatid niya na kasalukuyan din itong nagtatrabaho sa Audencia.
Napalingon si Segunda nang bumukas ang pinto at lumabas ang klerk. "Maaari na po kayong pumasok," wika ng binata. Tumango si Segunda bilang pagpapasalamat saka tumuloy sa loob.
Naabutan niya si Aurelio na nakatayo sa tabi ng mesa habang may binabasang papeles. "Magandang umaga, Aurelio. Nawa'y hindi ako nakaabala." Bati ni Segunda dahilan upang matauhan si Aurelio saka siya sinalubong ng ngiti. Bagaman mas matanda sa kaniya si Aurelio, hindi ito nagpapatawag ng kuya o anumang katawagan na siyang nakasanayan niya sa kultura ng Europa.
Napansin ni Segunda na tila lumalim ang mga mata ni Aurelio at pumayat din ito. Gayunpaman, magiliw pa rin siya nitong sinalubong tulad ng dati. Mestizo, matangos ang ilong, manipis ang buhok, at malalim ang mga mata ni Aurelio. Hindi ito katangkaran dahilan upang magtaka ang mga tao kung anong nagustuhan ni Remedios sa kaniya. Halos magpantay sila ni Remedios kapag nakasuot ito ng mataas na bakya.
"Kumusta, Segunda? Maupo ka." Wika ni Aurelio saka tinuro ang bakanteng silya. Umupo si Aurelio sa katapat na silya kung saan may maliit na bilog na mesa. "Ako'y nagpatimpla ng salabat gaya ng iyong hilig," patuloy ni Aurelio. Ngumiti si Segunda at muling nagpasalamat. Hindi nakakaligtaan ni Aurelio na bigyan din siya ng regalo at asikasuhin sa tuwing siya ang isinasama ni Remedios sa kanilang mga lihim na pagkikita.
Naalala ni Segunda si Romeo na siyang natutulad kay Aurelio. Pareho silang maasikaso, magalang, at handang makinig sa lahat ng sasabihin ng kausap abutin man nang magdamag. Minsan nang nabanggit ni Remedios na boto siya kay Romeo para kay Segunda dahil kapareho nito ng ugali at prinsipyo ang kaniyang napangasawa.
"Ako'y mabuti. Marahil iyong nabalitaan na..." Hindi nagawang ituloy ni Segunda ang sasabihin. Uminom ng salabat si Aurelio saka muling ngumiti na para bang inaasar ang kapatid.
"Nakarating sa akin ang balitang ikaw ay ikakasal na. Pagbati, Segunda. Kailan pala ang nakatakdang petsa?" Napatingin si Segunda sa kaniyang mga kamay saka kinuha ang bulsa ang isang liham.
"Sa katapusan. Dito sa Maynila idaraos ang kasal." Sagot ni Segunda. Tumango ng ilang ulit si Aurelio habang nakangiti. Bakas sa hitsura nito na masaya siya para sa babaeng naging tulay sa kanila ni Remedios at siyang tinuturing niyang nakababatang kapatid.
"Marahil maraming tanong si ama sa iyong mapapangasawa. Bunsong anak daw ni Don Manuel ang iyong nobyo." Wika ni Aurelio na tila ba natutuwang makitang umibig na rin muli si Segunda matapos ang mahabang paghihintay kay Romeo.
Hindi nakapagsalita si Segunda. Hindi niya malaman kung ngingiti ba siya o mahihiya sa mga pabor na hihingiin niya sa bayaw. Napansin ni Aurelio na tila ba may nais sabihin si Segunda.
"Ibibigay mo na ba sa akin ang imbitasyon sa inyong kasal?" tanong ni Aurelio. Napahinga nang malalim si Segunda saka inilapag sa mesa ang puting sobre at marahang inusog iyon papalapit kay Aurelio.
"A-aking nababatid na ito'y isang malaking abala... subalit, hindi ko nais palagpasapin ang pagkakataon na makausap siya kahit sa huling pagkakataon bago... ang kasal." Saad ni Segunda nang nakayuko. Napatingin si Aurelio sa sobre. Hindi man banggitin ni Segunda ang pangalan ni Romeo ay nababatid niyang iyon ang laman ng liham.
"Nais mo ba siyang makausap? Ang kaniyang opisina ay nasa---" hindi na natapos ni Aurelio ang sasabihin dahil nagsalita si Segunda.
"Hindi ko nais makalikha ng pagtataka sa mga naririto. Ako'y naniniwala na hindi ko siya dapat gambalain sa lugar na kaniyang pinagtatrabahuan upang hindi makaabala sa kaniyang mga dapat na gawin." Saad ni Segunda na nanatiling nakayuko. Hindi siya makatingin sa mga mata ng bayaw dahil nahihiya siya sa pabor na kaniyang hinihingi. Bukod doon, nangangamba rin siya na pagsasabihan siya nito tungkol sa pagpapadala ng liham sa isang lalaking may asawa na.
BINABASA MO ANG
Segunda
Historical FictionDe Avila Series #2 Si Maria Segunda De Avila ay masasabing anghel ng kaniyang mga magulang dahil siya'y likas na masunurin, magalang, tahimik, at malapit sa Diyos. Ang mga katangiang ito marahil ang naglagay sa kaniya sa katayuang hindi napapansin n...