Mahimbing akong natutulog nang biglang tumunog ang cellphone ko, ang tunog nito'y parang martilyong dumadagundong sa kalmado kong mundo. Kahit tinatamad, inabot ko iyon at saglit na kinapa ang screen bago sinagot, hindi man lang ginawang idinilat ang mga mata.
"Hello?" bungad ko, halata sa boses ang lalim ng antok.
"Good morning, Rence," bati ng pamilyar na boses mula sa kabilang linya. Si Gwenn. "Ready ka na ba?"
"Saan?" tanong ko, pilit nilalabanan ang bigat ng mga talukap ko.
"Huh?" ramdam ko ang pag-aalangan niya. "Tapos ka na ba? Tara na."
"Hmmm?" tinatamad kong sagot at mas lalo pang binaon ang mukha ko sa unan. Ang lamig ng kama, ang lambot ng unan na parang isang malaking kasalanan ang bumangon.
"Gago ka!" biglang sumabog ang boses niya, mas matinis ngayon. "Anong ibig sabihin niyan?! Kanina pa ako nakabihis at nakapag-make up! Huwag mo sabihing nakahiga ka pa dahil late na tayo, baka hinihintay na tayo ng mga ka-work mo sa airport!"
Sa isang iglap, parang pinagsakluban ng langit at lupa ang utak ko. Nanlaki ang mga mata ko, napabalikwas sa kama na para bang may sunog. Sinapo ko ang noo at mabilis na tumingin sa orasan. Halos magtanghali na! Isang malutong na mura ang gustong kumawala sa bibig ko, pero napalitan iyon ng isang pagkatarantang hinga.
"Hala," bulalas ko, paos pa ang boses sa biglang pagsigaw. "Sige, sige! Mag-aayos na ako, bigyan mo ako ng oras. Bibilisan ko lang-"
"Bwisit ka!" putol niya, parang bumagsak ang langit sa galit. "Bilisan mo! Pag ako nahulas, Rence, huwag mo nang asahan na sasama ako! Sige ka, bahala ka sa buhay mo!" at bago pa ako makasagot, malakas niyang binagsak ang tawag.
Ilang saglit akong natulala bago mabilis na inayos ang magulo kong kama. Nang masigurong maayos na, agad kong binalingan sina Hope at Maggie, na nag-aantay na lamang sa aking paggising dahil gutom na gutom na.
Pagkatapos ay tumuloy ako sa banyo, ngunit sa pagmamadali, nakalimutan kong dalhin ang tuwalya. Wala na akong nagawa kundi maligo nang walang saplot, at nang lumabas, tinakpan ko ang ilang bahagi ng katawan gamit lamang ang mga kamay kahit na alam kong ako lang naman ang naroroon, kasama ang mga aso ko.
Mabuti na lang at nakaimpake na ang lahat ng kakailanganin ko. Si Gwenn, sa pagiging masinop niya, ang siyang naglagay ng bawat gamit sa aking maleta, tiniyak na wala akong makakalimutan.
Isang araw na ang lumipas mula nang umuwi ako sa Manila galing Bicol. Ngayon na ang itinakdang araw ng aming biyahe patungong Negros Occidental. Noong isang araw, tumawag si Mr. Vance upang ipaalam na maaari akong magsama ng isang tao, isang makakatulong sa akin, lalo na kung may mga biglaang pangangailangan sa set na hindi kaagad matutugunan ng mga tauhan nila.
Nagmuni-muni ako kung sino ang pwedeng maisama. Alam kong hindi maaaring sumama ang aking mga magulang, at lalo namang hindi ang nakababata kong kapatid na si Charisma. Sa huli, napagdesisyunan kong si Gwenn na lamang ang kunin. Agad ko itong ipinaalam at tinawagan siya.
Sa kabutihang palad, pumayag siya. Hindi naman daw ganoon kabusy ang pagiging veterinarian niya sa ngayon at may mga iba naman siyang kasama sa pwesto nila para tumutok.
Bukod pa roon, gusto rin niyang samahan ako, upang itulak daw ako kay Ethan at sabik din siyang makapasyal, isa ring pagkakataon na matagal na niyang hinihintay kasi abala rin sa trabaho.
Pagkatapos kong magbihis at mag-makeup, sakto namang narinig ko ang tunog ng sasakyan sa labas. Agad kong niyakap nang mahigpit sina Maggie at Hope. Alam kong kukunin sila mamaya ng mama ni Gwenn para iuwi sa kanila.
Bitbit ang aking maleta, lumabas ako ng bahay, at mula sa pintuan, tumambad na agad sa akin ang matalim na titig ni Gwenn mula sa backseat.
Dali-dali akong lumapit. Sinalubong ako ng driver at nagpasalamat ako nang kunin niya ang maleta ko para ilagay sa compartment. Pag-upo ko sa tabi ni Gwenn, ramdam ko agad ang bigat ng kanyang tingin na parang anytime ay mahahampas ako.
YOU ARE READING
Love In The Spotlight
Fiksi PenggemarLawrence Flynn Harrison, an extra actor and model, never expected his small break would lead him to a role in a BL project-especially not alongside Ethan Faulkerson, the theater star and influencer he's secretly admired for years. As rehearsals unfo...