c h a p t e r o n e

1 0 0
                                    


"Bilisan mo na!" Hinila ni Jino ang kamay ko. "Male-late tayo!"

Nagmadali akong isuot nang maayos ang  sapatos ko habang hinihila niya ako. "Sandali lang, eto na!"

Nalaglag tuloy ang mga dala kong mga libro at book binder, kaya napilitan akong pulutin ang mga ito habang binibigyan ng masamang tingin si Jino, na nakangiti lang nang pilyo at parang walang pakialam.

Ito nga pala si Jino Kim Arkanghel, ang bestfriend ko half-Korean, half-Pinoy, at lumaki siya dito sa Pilipinas kasi dito na nagpakasal ang mga magulang niya at gusto rin ng mommy na dito na rin manatili pero tuwing bakasyon umuuwi naman sila sa Korea. Nineteen siya, matangkad, may kulot na buhok at maliliit na kayumangging mata. Sobrang puti niya na parang may sariling ring light tuwing gabi. At kapag nagme-makeup siya, mukha talaga siyang K-pop idol.

Nakatira rin si Jino dito sa same apartment building namin. Nasa third floor siya, at nasa fourth floor naman kami ng kuya ko. Gusto ko sana noon na magkahiwalay kami ng unit para may privacy ako, pero sabi ni Mama, kailangan daw may "nagbabantay" sa akin.

"Sabi ko sa’yo, maaga tayo aalis para abutan mo 'yung crush mo," pang-aasar ni Jino habang kumikindat pa. Inirapan ko siya at agad kong tinakpan ang bibig niyang madaldal.

"Shhh! Baka marinig ka ni Kuya. Alam mo namang ayaw niya na may kinagigiliwan ako bukod sa paglalaro ng online games," bulong ko kay Jino, at inikot niya ang mga mata niya.

"Hayaan mo siya. Pag sinaktan ka niya ulit, isusumbong ko siya kay Tita," sabi ni Jino, na nagdulot ng tawanan sa amin hanggang napalingon na rin 'yung ibang mga estudyante bumaba na kami sa hagdanan habang nagkukulitan.

Malapit lang din ang unibersidad sa apartment, kaya naglalakad lang kami ni Jino papunta roon. Nang malapit na kami sa main gate, may dumaan na pamilyar na itim na kotse. Nagkatinginan kami ni Jino at dali-daling tumakbo papunta sa gilid ng parking lot at nagtago sa likod ng malaking puno ng Narra para makita kung sino ang bababa.

Huminto ang kotse at bumaba ang isang lalaki na naka-black varsity jacket na may school logo namin, white shirt sa ilalim, blue na maong jeans, at white Nike shoes na mukhang limited edition.

Si Kai Manalo, varsity player ng basketball team sa school. Matangkad, matipuno, at parang model ang dating. Ang itim niyang buhok ay natural na bumagsak sa mata niya, at may matangos na ilong at panga na lalong nagpapalakas ng dating niya. Siya talaga ang definition ko ng "tall, dark, and handsome."

Sikat si Kai sa buong unibersidad dahil sa karisma niya, kaya marami ang may gusto sa kanya—babae man o bading.

Katabi ko si Jino na panay ang kurot at palo sa aking braso. Magrereklamo pa sana ako nang may tumapik sa balikat ko, kaya napasigaw at napatalon kaming dalawa.

"Sam! Nanggugulat ka naman, parang may lahi kang maligno," sabi ni Jino habang hawak-hawak ang dibdib niya. Napangisi naman si Sam.

"Oo nga, Sam," dagdag ko pa. Inikot lang niya ang mga mata niya at tumingin sa kinatatayuan ni Kai.

"Parang may hinihintay ata ang crush mo, Dee," biro ni Sam, kaya napatingin kami ulit kay Kai.

May kinakalikot si Kai sa cellphone niya, at maya-maya pa may isang pulang kotse ang nag-park sa tabi ng sa kanya. Bumaba ang isang magandang babae na naka-uniform, maputi, at naka-ponytail na may Prada bag sa balikat. Nagbeso sila ni Kai, may kunting sinabi ang babae na napailing si Kai tapos sabay na silang naglakad papalayo.

"Ahhh, siya pala ‘yung babaeng nalilink kay Kai," sabi ni Sam. Siniko siya ni Jino at tumingin sa akin na parang nalulungkot.

"Aray naman," reklamo ni Sam.

"Okay lang, Jin," sabi ko, pilit 'kong ngumiti. "Crush ko lang naman siya. Atsaka hindi rin naman ako papasa; ang gaganda kaya ng mga babaeng nalilink sa kanya."

Hinawakan ni Jino ang kamay ko, "Malay mo, Dee, mag-kaibigan lang sila katulad 'nong Christine diba." Panghihkayat ni Jino sa akin, isa pa 'yun muse ng nursing maganda at sexy.

"Ilibre na lang kita ng lunch mamaya," alok ni Sam, nakangiti nang pilit.

"O ihahanap na lang kita ng bagong crush," biro ni Sam, pero tinapik siya sa siko ni Jino. "Grabe naman, hindi mabiro."

"Alam mo namang mula freshman pa tayo, crush na niya si Kai!" singhal ni Jino.

"Sige na nga, para hindi ka na malungkot. Mamaya punta tayo sa Jollibee, bibilhin ko na lang ‘yung paborito mo na spaghetti with crispy chickenjoy and mango pie," sabi ni Sam panunuyo niya sa akin.

"Talaga?" Lumiwanag ang mukha ko sa aking narinig. "Walang bawian ha!"

"Kasi naman araw-araw na lang kayo pumupunta dito at titigan 'yang Kai, nabawasan tuloy ang allowance ko," reklamo ni Sam.

"Sa laki ng allowance mo, Sam, maliit na bagay naman ‘yang panlilibre mo sa amin." sabat ni Jino.

"Di ka kaya kasama, si Dee lang!" biro ni Sam sabay takbo.

"Teka! Dapat kasama ako, Sam!" sabi ni Jino, sabay habol sa kanya.

At ako naman naiwan doon na nakatayo, nilingon ko pa si Kai at 'yung babaeng kasama niya pero wala na sila doon. Napabuntong-hininga na lang ako, minsan iniisip ko na sana naging babae na lang ako para mas madaling masabi na gusto ko siya, para hindi ko tinatago ‘yung nararamdaman ko.

Noong una kasi akala ko paghanga lang ang nararamdaman ko sa kanya pero habang tumatagal, lalong lumalalim at ayoko ng ganitong pakiramdam para ako'ng nalulunod sa tuwing may naririnig ako tungkol sa kanya o di kaya nakikita ko siyang may kasamang babae.

Di ko rin na malayan na bumalik sina Jino at Sam siguro napansin nilang naiwan nila ako dito.

"Halika na nga, baka malate pa tayo sa klase," sabi ni Jino, at hinila ako papunta sa department namin. Parehas kaming IT student ni Jino at si Sam naman ay nursing magkalapit lang naman ang department namin kaya sabay-sabay kaming pumapasok.

Habang naglalakad kami, naisip ko lang: Sino ba naman ako para mapansin niya? Ni hindi nga niya ako kilala. Para siyang langit, at ako ay isang hamak na lupa.

Between The Pages Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon