2

1 0 0
                                    

Nakapikit pa rin ako nang maramdaman ko ang pagkalog ng aking katawan. Para akong nahuhulog sa kawalan. Pinilit kong ipikit pa lalo ang mga mata umaasa na kapag dumilat ako, nasa studio pa rin ako ni lola.

Pero hindi iyon ang nangyari.

Dumilat ako. Malagkit ang pawis ko at parang gumugulong ang mundo. Pamilyar ang amoy ng kahoy at balat, pero hindi ko alam kung nasaan ako. Hindi ito ang studio ni Lola.

"Aba'y parang sinasaniban ang binata!” sabi ng isang boses nakaupo sa harap ko, puno ng pangungutya.

Hindi ako makasagot. Nakatulala lang ako sa kakaibang damit niya - isang mahabang palda na may korte na parang galing sa lumang pelikula. Ang isang babae naman ay mas bata, pero sigurado akong mas matanda sa akin ng ilang taon.

"Ano ba’t mukhang nangangatog pa ang ating Waylon na parang bagong silang na biik!” sabi ng mas batang babae. May kakaiba sa kanyang pananalita.

Napatingin ako sa aking paligid. Nasa loob ako ng karwahe. Hindi yung modernong kotse, kundi tunay na karwahe na may mga kabayo. Rinig ko ang tunog ng mga paa ng kabayo sa lupa.

"Nasaan ako?" tanong ko, hindi makapaniwala sa aking nakikita.

"Hmp, hindi mo ba talaga natutunan 'yan? Talagang kulang sa turo ang iyong ina!” sabi ng mas matandang babae, nakasimangot ang mukha. May bahid ng pagka-irita sa boses niya.

Sinampal ko ang sarili ko. Isang beses. Dalawang beses. Ramdam ko ang hapdi, pero hindi ako nagising sa kung anumang panaginip ito.

"Naku po!" sigaw ng mas batang babae. "Huwag mong saktan ang iyong sarili. Hindi iyan magandang tingnan kapag nasa harap na tayo ng mga panginoon."

Panginoon? Ano ba 'tong napasukan ko?

"Sandali lang," sabi ko, humihinga ng malalim. "Anong date ngayon?"

Napatingin ang dalawang babae sa isa't isa.

"Ika-labinlima ng Mayo, taong isang libo walong daan at dalawampu't apat," sagot ng matanda, nakataas ang kilay.

Para akong nanonood ng foreign language habang pinakinggan ang sinabi niya. Napaisip ako at nang bigla tumama sa utak ko ang taon. 1824? Imposible.

"Hindi, hindi. Mali 'to. Hindi to totoo. Dapat nasa bahay ako ng—"

"Tumigil ka nga riyan! Nakakahiya ka!" sigaw ng matandang babae. "Hindi ganyan ang dapat na kilos ng isang..." Huminto siya, parang may gustong sabihin pero pinigilan.

Napahawak ako sa aking dibdib. Ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Tumingin ako sa labas ng bintana. Wala akong nakikitang mga gusali o kotse. Tanging mga puno at damuhan ang nakikita ko.

Tumango ang mas batang babae. "Tama si Ate Maria. Kailangan mong pag-ingatan ang bawat galaw mo sa palasyo. Hindi ito laro.”

"Palasyo?" Napatalon ako sa upuan. "Anong palasyo? Nasaan ako? Sino ba kayo?"

Napailing si Ate Maria. "Tingnan mo nga naman, para bang nalimutan na pati ang wastong pagsasalita. Ano ba ang itinuro sa iyo ng iyong ina, ha? Talaga bang ganito na kayo pinalaki?”

Lumunok ako. "Ang nanay ko... nasaan siya? Kailangan kong umuwi."

Napatigil ang dalawang babae. Nagkatinginan sila, may lungkot at awa sa kanilang mga mata.

"Waylon," mahinang sabi ng mas batang babae. "Wala ka nang uuwian kung magpapatuloy ka pa sa ganiyan. Hindi mo ba talaga natatandaan kung bakit tayo nandito?”

Tumigil ang dugo ko sa mga salitang iyon. Umiling ako, ayaw tanggapin ang sinasabi nila. "Hindi. Mali kayo. Kaninang umaga lang kasama ko sila sa bahay ni Lola..."

The Poet And the PainterWhere stories live. Discover now