Alas onse na ng gabi subalit gising na gising pa rin ang diwa ni Albert. Ang kanyang mga kamay ay walang tigil sa pagtipa ng keyboard ng kanyang laptop. Walang tigil ang daloy ng mga kaisipan sa kanyang utak kaya naman hindi na niya napansin ang mahihinang pag-iyak at ang panaka-nakang paghagulgol na maririnig mula sa loob ng kanyang maliit na kwarto. Naglalakbay ang kanyang diwa mula sa katatapos lang na mountaineering activity na ginawa niya sa Pico de Loro. Si Albert ang isa sa kinikilalang magigiting na solo mountaineer ng bansa. Bahagi siya ng maliit na porsiyento ng mga manlalakbay na hindi natatakot suungin ang kagubatan at kabundukan ng mag-isa. Noong nakaraang taon nga lang ay nabigyan siya ng parangal bilang isa sa mga Hari ng Kabundukan. Marami ang humahanga sa kanya dahil iniisip nilang wala talagang kasama si Albert. Lingid sa kaalaman ng lahat, hindi naman talaga siya nag-iisa. Palagi siyang may kasama. Kahit saan man siya pagpunta. Kasama niya ako. Ang asawa niya. Oo, pero si Albert lang ang nakakaalam noon. Magaling kasi siyang magtago ng sekreto. Walang nakakaalam. Kagaya nalang noong gabing pinilit niya akong sumama sa Bundok Apo kahit na labag sa kalooban ko. Ayokong sumama subalit mapilit siya. Nalaman ko nalang sa mga sumunod na sandali kumuha siya ng kutsilyo at isinaksak iyon sa akin. Nang makontento sa apatnapung saksak ay dali-dali niyang pinaghihiwa at pinaghihiwalay ang iba't ibang parte ng aking katawan. Una ang mga paa. Pagkatapos ang mga braso. Unti-unti hanggang tanging ulo nalang ang natitira. Tumingin siya sa aking mga dilat na mga mata at ngumiti sabay sabing "Mahal na mahal kita". Pagkatapos noon ay kasama na niya ako kahit saan man siya magpunta. Nandoon lang ako. Nakabalot ng plastik. Sa loob ng kanyang backpack.

BINABASA MO ANG
Playlist ni Kamatayan
HorrorHi! Ako nga pala si Kamatayan. Oo, ‘yong kinakatakutan ninyong lahat dahil dala-dala kong karet. Pero huwag kayong maniwala sa mga walang kwentang kwentong ‘yon. Hindi naman talaga karet ang dala ko kung hindi iphone at headset. Ang sosyal ko no? Aw...