Nakakabingi ang sobrang katahimikan. Sa pagbukas niya ng kanyang mga mata ay walang ibang rumihestro sa kanyang isipan kung hindi ang pagpikit muli ng mga ito at ang mahigpit na pagkakahawak sa kanyang kumot na sa mga panahong iyon ay ang tanging naging pananggalang niya. Alas tres pa ng umaga at hayon nag-iingay na naman ang kanyang walang kwentang alarm clock. May mga pagkakataong nagkakaroon siya ng lakas ng loob na abutin ang orasang ilang buwan na niyang tinanggalan ng battery subalit sa bawat pagkakataong iyon ay saka rin niya nararamdaman ang malamig na paghaplos ng hangin sa kanyang nanginginig na mga kamay.
Pilit niyang dinidiinan ang pagkakapikit ng kanyang mga mata; naghahagilap ng antok. Pero kagaya ng nangyari isang taon na ang nakakaraan, gising na gising ang diwa niya. Ilang minuto rin siyang nakipagbuno sa sarili bago sumuko. Binuksan niya ang kanyang mga mata. At kagaya ng dati, imbes na kisame ang bumungad sa kanya, ang duguang mga mata ng matalik na kaibigan na nagregalo sa kanya ng orasang iyon ang kanyang nakita. Kulay papel ang mukha nito. Nararamdaman niya ang pagtulo ng tubig sa kanyang mukha mula sa basang buhok nito. At sa nanlilisik na mga mata nito ay mababasa ang katanungang kailanma'y hindi niya masasagot dahil mas pinili niyang sagipin ang kasintahan: "Bakit mo ako hinayaang malunod?"

BINABASA MO ANG
Playlist ni Kamatayan
HororHi! Ako nga pala si Kamatayan. Oo, ‘yong kinakatakutan ninyong lahat dahil dala-dala kong karet. Pero huwag kayong maniwala sa mga walang kwentang kwentong ‘yon. Hindi naman talaga karet ang dala ko kung hindi iphone at headset. Ang sosyal ko no? Aw...