Unang Kabanata: anghel sa altar

14.9K 454 36
                                    

Copyright © ajeomma
All Rights Reserved


==== ==== ====

==== ==== ==== 



Noong unang panahon ay mayroong isang baryo na kung tawagin ay Traves.

Matatagpuan ang kanilang baryo sa kabila ng isang mataas na bundok, masukal na kagubatan at malawak na karagatan.

Kung titignan mula sa himpapawid ay hugis trayanggulo ang nakapalibot dito at ang baryo ay mistulang mata sa pinakagitna.

Payak lamang ang uri ng pamumuhay ng mga taga Traves. Ang kanilang mga tahanan ay yari sa matitibay na katawan ng mga puno, kawayan, pawid at sawali.

Ang iba sa kanila ay nagsasaka sa bukid at nagtatanim ng palay at mais.

Ang ilan ay nagtatanim naman ng mga gulay at mga halamang ang bunga ay nakakain.

Marami sa kanila ang may alagang hayop sa likod bahay.

At ang iba naman ay nangingisda gamit ang bangkang de sagwan at mga lambat.

Mayroong mga balon kastila sa Traves na ang tubig ay nagagamit nilang panlaba at panglinis.

Ang iniinom naman nilang malinis at malinamnam na tubig ay nagmumula sa naglalakihang ugat na nakalawit galing sa bundok. Kusang umaagas ang tubig t'wing sasapit ang bukang liwayway at t'wing magda-dapit hapon. Kailangan nilang sahuran ang kanilang mga sisidlan upang makapag-imbak ng inumin sapagkat kusa rin itong humihinto pagkaraan ng ilang oras.

Madalang ang dayuhang nagagawi sa kanila, sapagkat napakahirap marating ang kanilang lugar. Hindi rin naman madali para sa mga tagarito ang makaalis upang pumunta sa kabayanan sapagkat kakailanganin pa nilang panhikin ang bundok, taluntunin ang gubat o kaya naman ay tawirin ang dagat.

Mayroong mga kalapit baryo ang Traves. Kung nakasakay sa kalabaw ay kailangang maglakad iyon ng anim na oras. O kaya ay humigit kumulang sa tatlo hanggang apat na oras na tatakbuhin naman ng kabayo bago iyon marating. Kaya naman kung hindi rin lang kailangan ay pumipirmi na lamang sa kanilang baryo ang mga naninirahan dito.

Kumpleto ang pasilidad ng Traves kung ikukumpara sa iba.

Ang mga kalsada nila na siyang laruan ng mga bata at kahigan ng mga tinaling manok ay patag at matigas na tila bato.

Mayroon silang kapilya o bahay dalanginan na tinitirhan ng nirerespeto nilang pari. Nagsasagawa ito ng misa t'wing araw ng linggo at mga espesyal na araw. Nagkakasal, nagbibinyag, nagbabasbas sa mga maysakit at mga namamatay.

Mayroon silang sementeryo sa gawing bungad na bahagi ng gubat.

Mayroon silang manggagamot o albularyong pinagkakatiwalaan para sa kanilang kalusugan. Ang mga karamdaman ng mga tagarito ay nalulunasan sa pamamagitan ng pag-inom o pagtatapal ng mga dahon at ugat ng mga halaman o puno. Gumagaling maging ang mga sugat o sakit nila sa balat.

Mayroon din silang hilot na siyang nangangalaga naman sa mga babaeng may sanggol sa sinapupunan at nagpapaanak. Ito rin ang takbuhan kung may napipilayang mga bata o kahit pa ng mga matatanda. Ang haplos ng mga palad at pagtalunton ng mga daliri nito sa kanilang mga litid at ugat ay agad na nagpapawala sa kirot na kanilang nararamdaman.

Ang kapayapaan at katiwasayan naman ay pinamamahalaan ng mga matatapang na kalalakihan na matiyaga at masipag na nagro-ronda mapa-umaga man lalo na sa gabi. Pinamumunuan ang mga ito ng magiting at mahusay nilang Teniente del Barrio.

Kambal na Bagwis #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon