Kabanata 3: Pakpak ng dalawang sanggol

7.4K 324 39
                                    

Copyright © ajeomma
All Rights Reserved


==== ==== ====

==== ==== ====



Sa loob naman ng silid-tulugan ng mag-asawa...

"Lakasan mo ang iyong loob, Esmeralda. Hindi ka maaring matulog.", sabi ni Aling Idang. Napansin kasi nito na tila inaantok na ang pinaaanak.

Sinikap naman ni Esmeralda ang manatiling gising. Nang muling humilab ng matindi ay umiri uli siya.

"Hayan na! Nakaumang na ang iyong anak! Isa pa.., kaunti pa!", sabi ni Aling Idang.

Narinig ni Julian ang sinabi ng hilot. Muntik na nitong mabitawan ang hawak na palangganang may lamang maligamgam na tubig. Sumilip ito sa loob ng silid upang ipaalam sa hilot na nakahanda na ang kailangan nitong tubig. At muling nagbalik sa kakalanan upang panatilihing may kinulong tubig na nakasalang.

Sa narinig naman ni Esmeralda ay muli itong umiri nang makaramdaman ng muling paghilab. Isang mahabang pag-iri!

At......, tuluyan na nga itong nagluwal.

Nanghihinang napangiti si Esmeralda pagkaraan.

Nandilat ang mga mata ng hilot sa anyo ng sanggol na hawak.

Kasing dilim ng gabi ang kulay ng balat nito. Ang buhok ay kulot na gaya sa mga katutubong Mangyan.

Napalinga si Aling Idang sa katabi. Hindi rin naman nakapagsalita si Aling Dalmacia. Hindi ito makapaniwala at takang-taka sa itsura ng sanggol na iniluwal ng manugang.

"Uha...! Uha...!", iyak ng sanggol matapos tapikin ang pwet nito.

Natauhan si Aling Dalmacia sa malakas na pag-iyak ng apo.

"Patawarin mo ang iyong lola, apo. Nagulat lang ako subalit anuman ang maging kulay ng iyong balat ay mahal kita. Aalagaan kita, apo ko!", bulong nito sa apong hawak ng kasamang hilot.

Si Julian naman ay napaunat sa pagkakatayo at agad na sumilay ang napakatamis na ngiti sa mga labi. "Salamat po, Panginoon!", anas niya.

Ilang sandali pa lang ang nakakalipas ay muling nakaramdam nang paghilab si Esmeralda.

"Uummmp...!", iri nito.

"May isa pa!", sigaw ni Aling Idang. Agad nitong iniabot kay Aling Dalmacia ang unang sanggol na naputulan na ng pusod. Agad namang inayos ng lola ang apo.

Napamaang na lamang ito sa manugang na napipintong magluluwal uli ng isa pang sanggol habang yapos ang nauna. Magkahalong pagkasabik at pag-aalala ang nararamdaman ng ale. Pagkasabik, sapagkat hindi lamang pala isa ang madadagdag na myembro sa kanilang pamilya. At kaba, sa alalahaning kulay at anyo nito.

Si Julian na nasa harapan ng kakalanan ay hindi na nakatiis pa. May isa pa raw ayon sa hilot. May isa pa raw silang anak! Nagmamadaling sinilip nito ang kinaroroonan ng asawa. Ngunit agad na sinaway ng hilot. Nasa paniniwala nito na higit na mahirap para sa nanganganak ang magluwal ng sanggol kung nakamasid ang ama. Sumunod naman si Julian at muling bumalik sa kakalanan. Kakailanganin uli ng hilot ang tubig dahil may isa pa siyang anak na isisilang. Maluwang na maluwang ang pagkakangiti niya.

Nang makapagpakulo na ay muli nitong dinala ang tubig sa pintuan ng silid na kinaroroonan ng asawang nanganganak at muling bumalik sa kakalanan pagkatapos.

Sa silid ay muling umiri si Esmeralda. Ilang iri lamang ay naisilang na nito ang pangalawang sanggol.

Nandilat sa labis na paghanga ang mga mata ni Aling Idang.

Kambal na Bagwis #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon