Kabanata 2: Bagyo sa pagsilang ng mga sanggol

8.2K 338 9
                                    

Copyright © ajeomma
All Rights Reserved


==== ==== ====

==== ==== ====



Nangingiting pinagmamasdan ni Aling Dalmacia ang manugang na walang kangilo-ngilo habang kinakain ang mga kamias na hinugasan niya at binudburan ng kaunting asin. Napapangiwi siya sa panonood dito. Hindi man siya ang nakakalasa ay natitiyak niyang napakaasim niyon.

Mabilis na dumaloy sa kanyang alaala ang nakaraan.

Magkasabay na lumaki ang anak niyang si Julian at Esmeralda sa Traves. Matalik na magkaibigan ang kanyang asawa at ang ama ng manugang.

Ngunit magkasabay na naglaho ang mga ito nang pumalaot sa dagat upang mangisda at abutan ng malakas na bagyo. Hindi na nakauwi pa. Tanging ang bangkang winasak ng malalaking alon ang natagpuan ng mga kababaryo nila sa gilid ng pampang. Hindi na natagpuan pa ang dalawa na nahinuha nilang nasawi na sa gitna ng laot. Wala mang natagpuang bangkay o labi ay ipinagpalagay na nilang nasawi na nga ang dalawang lalaki.

Hindi nakayanan ng ina ng noo'y trese anyos pa lamang na si Esmeralda ang kalungkutan sa biglang pagkamatay ng asawa. Nawalan na rin ito ng ganang mabuhay. Madalas ay nakatanaw ito sa laot na parang may hinihintay.

Isang gabi ay bigla na lamang itong nawala at nang matagpuan kinaumagahan ay hinahampas na ng maliliit na alon sa isang panig ng pampang.

Kinupkop niya ang naulilang dalaga. Kinse anyos naman si Julian ng mga panahong iyon. At dahil sa pagkakalapit ng dalawa sa isa't isa ay nabuo ang pagtitinginang higit pa sa pagkakaibigan.

Napamahal na rin sa kanya ang nag-iisang anak ng matalik na kaibigan ng yumaong asawa at itinuring na rin niya ito bilang anak. Kaya naman nang magtapat sa kanya ang dalawa tungkol sa pagnanais na magpakasal ay wala siyang naging pagtutol.

At ngayong may sanggol na ito sa loob ng sinapupunan ay higit siyang natuwa. Magkakaroon na siya ng aalagaang munting Julian o munting Esmeralda.

Mabilis na lumipas ang mga buwan na hindi naging kainip-inip para sa kanila.


Isang gabi.....

"Maryosep! Napakalakas ng hangin!", nahihintakutang sabi ni Aling Dalmacia habang tinatanaw mula sa bintana ang mga sanga ng puno at mga pananim sa gitna ng bukid na binubuno ng hangin.

Napaantanda ito at taimtim na umusal ng panalangin. Ganun din ang ginawa ni Esmeralda. Nasa tabi ito ng biyenan at kapwa hinihintay ang pag-uwi ni Julian. Nagpunta ang lalaki sa bukid upang lagyan ng suhay ang mga pananim. Nang lumabas ito ng bahay kanina ay maliwanag pa. Mahina lang ang hangin at tikatik lamang ang patak ng ulan.

"Diyos ko! Gabayan n'yo po sana ang aking asawa. Ipahintulot n'yo pong makauwi siya sa amin ng ligtas sa kapahamakan.", dalangin ng ginang habang hinahaplos ang malaking tiyan.

Parehong alumpihit ang dalawang babae. Ang una ay isang inang nag-aalala para sa nag-iisang anak na siyang nalalabing alaala ng yumaong asawa.

Ang huli ay isang ginang na natatakot mawalan ng kabiyak ng puso at ama ng kanyang magiging anak.

Kapwa may takot ang dalawa na maulit muli ang pag-alis at hindi na pagbabalik ng dalawang padre de familia noon.

Ang malakas na hangin ay sinabayan pa ng malakas na pagbugso ng ulan.

Lalong naging balisa si Aling Dalmacia ngunit pilit na itinatago upang hindi matakot ang manugang. Kung nag-aalala sa kaligtasan ng anak ay nag-aalala rin ito sa kapakanan ng isa pa niyang anak na kagampan.

Kambal na Bagwis #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon