Kabanata 4: Kambal na basbas

7K 349 13
                                    

Copyright © ajeomma
All Rights Reserved


==== ==== ====

==== ==== ====



Mabilis na kumalat ang balitang nagsilang ng kambal na lalaki si Esmeralda. Umugong din ang kung anu-anong haka-haka ng mga tao tungkol sa magkaibang kulay ng mga sanggol.

"Aba eh, parang puto at dinuguan pala ang kulay ng kambal ni Esmeralda!", natatawang sabi ni Aling Iska.

"Hindi kaya nasalisihan si Julian!", malaswang biro naman ni Aling Pitang.

"Kuu, kayo talaga Aling Pitang. Baka ho maringgan kayo ni Aling Dalmacia sa sinabi ninyong iyan.'', simpleng pananaway ni Ploring na may-ari ng tindahang iniistambayan ng mga nagkukwentuhang ale.

"Ako nama'y nagbibiro lang, Ploring. Nagkakatuwaan lang naman tayo rine.", pangangatwiran ni Aling Pitang. Bahagya itong napahiya subalit hindi nagpahalata.

''Mangyari ho kasi ay hindi magandang pakinggan ang inyong biro. Baka ho magdamdam si Aling Dalmacia kung makakarating sa kanya ang  pagkakatuwaan natin sa kanyang anak at mga apo.", magalang na paliwanag ni Ploring.

"Magkaiba naman talaga ang itsura ng kambal. Hindi ko naman gawa-gawa lang ang napuna ko. Aba, eh nakarating na ako sa edad kong ito, ngayon lamang ako nakakita ng kambal pero hindi magkamukha!", hirit pa rin ni Aling Pitang upang makapagbangong puri.

"Magkamukha naman ho ang kambal, Aling Pitang. Magkatulad ang kanilang ilong, ang kanilang mga mata, ang kanilang labi at ang hugis ng kanilang mukha. Kutis lang ho ang magkaiba sa kanila.", hindi nakatiis na sagot ni Barang sa usapan. Bibili ito ng isang balot na matchakaw ngunit nakaharang si Aling Pitang at Aling Iska sa harapan ng tindahan.

Agad namang nagbigay ng reaksyon si Aling Iska. Nakapamewang nitong ibinuga ang nginunguyang nganga bago paangil na nagsalita.

"Ano bang magkamukha ang sinasabi mo ha, Barang? Magkamukha ba ang tawag do'n? Kulot na kulot at itim na itim ang buhok ng panganay samantalang iyong bunso naman ay gaya ng sa mais ang buhok. Pagkaitim-itim ng una samantalang pagkaputi-puti naman ng ikalawa. Paano naging magkamukha iyon? Ako itong matanda at malabo ang mata pero parang ikaw ang may diprensya sa paningin!", pamimilosopo ni Aling Iska na sinundan ng malakas na pagtawa. Nagtawanan din ang mga naroroon.

"Oo nga naman, Barang.", ayuda ng iba pang nakatambay.

Lumakas naman ang loob ni Aling Pitang sa narinig na pagsang-ayon ng mga kaumpukan. Mataray na rin itong nagsalita. Bahagya pa nitong iniingos ang mukha.

"Pagkaganda-ganda ng bunso samantalang parang taong putik naman ang panganay. O ayan.., pinuri ko ang isa sa kambal, ha. Baka naman sabihin ninyo ay panay pintas lang ang sinasabi ko. Opinyon ko iyon, dahil iyon ang napuna ko. Bahala naman kayo sa opinyon ninyo. May kanya-kanya tayong pagkilatis!", nakataas pa ang babang sabi ni Aling Pitang.

Muling umugong ang nang-uuyam na tawanan ng mga matatandang aleng namamahinga sa harapan ng tindahang nasa ilalim ng malagong puno ng mangga.

Nailing na lamang si Ploring at Barang sa daloy ng usapan ng matatandang kapitbahay. Napamihasaan na ng mga itong gawing pampalipas oras ang hanapan ng kapintasan at pagkatuwaan ang buhay ng may buhay.

"Ano ba naman iyang mga kapitbahay mo, Ploring. Matatanda na ngunit parang walang mga kinatandaan. Kung hindi nga lang labag sa kabutihang asal ang patulan ang nakakatanda eh kanina ko pa pinagsasagot ang mga iyan. Sila ang dapat kakitaan ng magandang halimbawa ngunit pakinggan mo ang mga pananalita. Paano igagalang ng gaya nating nakakabata ang ganyan? Hay, nako!", mahinang reklamo ni Barang. Natapik pa nito ang sariling noo. Matapos iabot ni Ploring ang sukli ay nagmamadali na itong naglakad palayo. Pigil na pigil ang sarili upang hindi makapang bastos ng nakatatanda sa kanya.

Kambal na Bagwis #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon