Kabanata 7

22 3 0
                                        

Pagkarating namin sa simbahan, sinalubong agad kami ng malamig na hangin mula sa mga lumang bentilador sa gilid. Punuan na halos sa loob, pero may natira pa namang ilang bakanteng upuan.

Tinapik ko si Jena at tinuro ang isang bakanteng hilera.

Tahimik lang si Ynigo habang nakasunod sa amin, ramdam ko ang mabigat niyang presensya sa aking tabi. Hindi ko talaga akalaing makakasama namin siya rito. Ang alam ko kasi ay sa mga pribadong simbahan sila pumupunta. Iyong mga hindi matao at air-conditioned.

Pagkaupo namin, hindi na nakapagpigil si Jena at agad akong binulungan.

"Anong meron? Bakit kasama natin si Sir Ynigo? Sumama ba siya ng kusa? Hindi ba't nakapagsimba na sila kaninang umaga? Ano ito, part two?" isang hingaan nitong sabi.

Sinulyapan ko ng palihim si Ynigo. Ang bango ng pabango niya, parang may kakaiba. Tahimik lang siya, nakatingin sa altar sa harapan na para bang sinusuri ang bawat sulok at detalye nito. 

"Ewan," I shrugged. "Gusto niya raw e!" bulong ko pabalik.

Napangiwi si Jena. "Okay..." bulong niya bago bumaling sa unahan nang magsimula nang magsalita ang pari.

Muli akong napatingin kay Ynigo. Tahimik lang talaga siya, seryosong nakikinig. Hindi ko alam kung nagugustuhan niya o kung nagtataka lang siya sa kung anong meron dito.

Napansin kong bumuntong-hininga siya at isinandal ang likod sa upuan. May kung anong iniisip.

Pero imbes na mag-isip pa, pinikit ko na lang ang mga mata ko at nagdasal. 

Ang totoo, medyo inaantok na ako. Pero biglang nagbiro si Father. Natawa ang karamihan, pati na rin ako kahit hindi ko naman narinig ang kaniyang sinabi.

"Kaya mga anak," sabi ni Father, ang boses ay biglang naging seryoso. "Magtiwala lang kayo sa Diyos at sa kaniyang plano para sa inyo. Sabi nga sa Proverbs 3:5-6, 'Trust in the LORD with all your heart and lean not on your own understanding; in all your ways submit to him, and he will make your paths straight.' Huwag niyong hanapin ang para sa inyo, dahil kusa itong darating. Malay niyo, katabi niyo na pala ngayon ang magdadala sa inyo sa simbahan at papakasalan kayo."

Napatingin tuloy ako kay Ynigo. Nakita ko ang bahagyang pag-angat ng gilid ng kanyang labi. Tila isang napakaliit na ngiti, pero sapat na para mapansin ko.

Agad din naman iyong nawala at nabalik sa isang tuwid na linya nang tumikhim siya kaya napaiwas agad ako ng tingin.

"O baka naman… nasa likod niyo pala at nag-aabang ng tamang oras para ligawan kayo!" dagdag ni Father.

Napansin ko rin si Jena na tumatawa. Siniko ko siya ng mahina. "Chance mo na 'to, Jenna!" bulong ko at nginuso iyong lalaki na kanina ko pa napapansin na sumusulyap at ngumingiti sa kaniya.

Umasim bigla ang kaniyang mukha. Hindi yata niya tipo si kuya!

"Ikaw na lang, August... baka tayo talaga ang para sa isa't-isa!" bulong niya pabalik, at pareho kaming natawa.

Nang matapos ang sermon ni Father, nagsitayuan na ang lahat para sa panalangin. Tahimik lang si Ynigo, pero pansin ko na sinusundan niya ang ginagawa ng karamihan. Hindi ko alam kung ginagawa niya ito nang kusa o dahil lang sa nakikita niyang ginagawa rin namin, pero hindi naman siya mukhang pilit.

Nang lumuhod kami para sa dasal, napansin kong parang nag-atubili siya saglit bago niya ako ginaya. Mukhang hindi siya sanay sa ganito, pero hindi rin naman siya nagrereklamo.  

Nang dumating ang oras para mag 'Peace be with you', isa-isa nang nagkamayan ang mga tao. Ngumiti si Jena sa akin at nag-abot ng kamay. 

"Peace be with you, ganda." aniya at kumindat.

A Summer With AugustTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon