MUKHANG magtatagal pa ang masamang panahon kaya naman napagdesisyon nila ng kanyang ina na maghanda na kung sakaling magbrown out o mas lumala pa ang panahon. Siya na ang nagpresintang lumabas ng bahay para bumili ng mga kakailanganin nila.
Panandaling tumigil na ang ulan ngunit malakas pa rin ang ihip ng hangin. Mabuti nalang at may maliit na grocery store na malapit lang sa kalye nila. Lalakarin nalang niya iyon tutal wala naman siyang natatanaw na tricycle.
'Akala ko loyal na boyfriend lang ang mahirap hanapin. Pati pala masasakyang tricycle ngayon, nagkakaubusan na rin.'
Binilisan nalang niya ang paglalakad habang bitbit-bitbit ang payong niya. Wala pang sampung minuto ay nakarating na siya sa naturang tindahan. May mangilan-ngilang motor na nakaparada doon pero ang mas nakapukaw ng pansin niya ay ang pamilyar na itim na sasakyang muntikan nang paghiwalayin ang katawan at kaluluwa niya noong isang araw lang. Naningkit ang mga mata niya sa kotseng iyon. 'Wag lang talaga magtagpo ang landas nila at baka hindi niya mapigilan ang sariling saktan ito.
Napapitlag siya sa kinatatayuan nang malakas na kumulog. Napatingala siya sa langit na nagbabadya na namang umulan. Kaagad na pumasok na siya sa loob ng maliit na grocery store bago pa kidlat ang sunod na bumulaga sa kanya.
Kumuha siya ng maliit na lalagyan ng mga bibilhin niya. Hindi naman ganoon kadami ang bibilhin niya kaya iyon lang ang kinuha niya. Nagsimula siyang dumampot ng mga canned goods at instant noodles. Kumuha na rin siya ng mga snacks at chocolates para sa kanila ng kapatid niya. Nagbabalak pa naman siyang ayain itong manood ng horror movie mamaya.
Naalala niyang kailangan na pala niyang bumili ng extra napkins. Pagliko niya ay hindi nya napansin ang isang cart na papunta sa kanya. Napahiyaw siya nang bumangga sa kanya iyon. Nabitawan pa niya ang mga dala sa pagkakatumba.
"S-sorry! I'm sorry. Okay ka lang ba?" Agad na dinaluhan siya ng lalakeng sa tingin niya ay nakabangga sa kanya. She turned to him only to be surprised. Pareho pa silang nagulat nang mapagsino ang isa't isa.
"Ikaw!" Halos sabay na wika nila sa isa't isa.
"Ikaw na naman! Balak mo talaga akong tuluyan, ano?" She glared at the same man who almost killed her once. At natuluyan na nga siyang nasagaan. Hindi ng kotse nito kundi ng grocery cart nito.
Inilahad nito ang kamay nito upang tulungan siyang tumayo. "I'm sorry. Hindi kasi kita—" Marahas na pinalis niya iyon at mag-isang tumayo.
"Wala akong pakialam. Just get away from me! Nadidisgrasya ako tuwing nasa paligid ka." Mainit na talaga ang ulo niya. Isa-isang dinampot niya ang mga canned goods na nagkalat sa sahig. Tinulungan siya nitong pulutin ang mga pinamimili niya. Nang iabot nito sa kanya ang mga iyon ay sinamaan lang niya ito ng tingin.
"Pasensya na. Hindi ko talaga sinasadya." Anito. He looked really guilty and sincere pero hindi niya pinansin iyon.
"Sinabi ko na diba? Wala akong pakialam. Lumayo ka sa akin." Kinuha na niya rito ang mga pinamimili niya. Nakasimangot na tinalikuran niya ito at nagtungo na sa counter. Bahagya siyang napangiwi habang inaantay ang mga pinamili niya. Masakit pa rin ang pang-upo niya dahil sa pagkakatumba.
BINABASA MO ANG
Bittersweet Candy
Romance"Nang sinabi kong mahal kita, totoo 'yon. Kung tatanungin mo ako kung bakit, paulit-ulit lang kitang sasagutin na dahil mahal talaga kita. Hindi ko na kailangang maghanap ng dahilan. Dahil kahit may mahanap man ako, iyon na talaga ang nararamdaman k...