Hihinto sa paglalakad.
Buntong hininga.
Titingala.
Paulit ulit kong ginagawa dahil sa kaba.
Naglalakad ako ngayon papunta sa bagong school na pinaglipatan ko. Anong pangalan ng school? Our Lady Of Lourds School. Oops! Wag mo ng subukang paikliin yan dahil ako na mismo ang nagsasabi sa'yo, hindi magandang pakinggan ang acronym. Pero alam ko naman na susubukan mo pa rin kaya wala na akong magagawa. Bahala ka na. Basta binalaan kita. Kaya wag mo akong sisihin kung madungisan ng isang masamang salita ang labi mo. O, ano? Gumuhit ba ang salitang yon sa lalamunan mo? Plural form pa yan kaya doble ang tindi.
Limang hakbang pa at nasa harap na ako ng OLO-- este OLLS (ayan iniba ko na, ayoko namang mapunta sa impyerno dahil naging isa akong masamang impluwensiya sa inyo!). Huminga ako ng malalim saka pumasok. Nagkukumpulan halos lahat ng studyante sa harap ng bulletin board kung saan nakapaskil ang room at section ng lahat. Hindi ako makasingit. Malapit na ang takdang oras kaya minarapat kong ihakbang ang mga paa at handa na akong makipagpatayan sa mga nagwawalang studyante malaman ko lang ang room at section na kabibilangan ko.
Isang daplis sa kaliwang braso ko ang nakapagpahinto sa akin. Natigilan ang lahat ng nagwawalang estudyante. Nahati ang kumpulan na siyang nagbigay daan sa isang taong matangkad. Katahimikan lang ang nangibabaw habang ang taong ito ay naghahanap ng kaniyang room at section. Nakita ko ang mga mata ng mga babae na nasa paligid. Lahat nakatitig at parang kumikinang-kinang. Parang huminto ang mundo at walang sino man ang humihinga sa sandaling iyon.
Sa pag-alis niya ay sabay-sabay na nagtilian ang mga babae na ikinagulat ng school guard kaya pinagalitan ang mga ito. Tuluyan ng nagsi-alisan ang mga tao at nakita ko na ang kailangan ko. 3-A, room 410. Tumunog ang bell, hudyat ng pagsisimula ng klase. Nagmadali ako sa pagpasok siya namang pagbungad ng elevator na akala ko mas mapapadali ang pag-usad ko kung gagamitin ko 'to pero hindi. Sinita ako ng guard dahil bawal daw iyon gamitin. Ano 'to display lang? Wow, naman ang yaman! Bibihira ang ginagawang palamuti ang elevator ha. Wala akong ibang option, kaya tumakbo na ako patungong 4th floor. Nadaanan ko na ang C.R. pero dahil sa taranta natagpuan ko ang sarili na nakadapa sa tapat ng pinto ng isang room.
Tumayo ako agad at pinagpagan ang unipormeng suot para maiwasan ang kahihiyan sa mga matang nakasaksi ng nangyari. Aalis na sana ako ng mabangga ako ng isang lalaki na pumasok sa katapat kong room. Nainis ako at nasabi sa sarili na, "Hindi man lang marunong mag-excuse." Nanlaki ang mga mata ko ng kusa nitong hanapin ang room number.
"410"
Wala na akong choice kundi ang pumasok. Mukhang nabaling naman sa iba ang atensyon ng klase. Isang upuan na lamang ang bakante. Nasa likod ito nakapwesto. Dumating ang titser at sinimulan na ang 'Introduce Yourself'. Nagreklamo naman ang mga kaklase ko kaya pumayag ang titser na ang bagong salta lang daw ang magpapakilala. Lumingon-lingon ako para maghanap ng karamay pero wala, ako lang mag-isa.
"Please Introduce yourself miss"
Tumayo ako sa upuan na kabadong-kabado.
"Ellie Rae Mayaman po. Hanggang pangalan lang po ako mayaman."
Nagtawanan ang mga kaklase ko na tila aliw na aliw sa sinabi ko. Pagkatapos noon ay narinig ko ang bulungan. Ellie? Ellie? Ellie? "Oy Ellie daw!" sigaw ng isa na malapit sa isang lalaking nasa unahan nakaupo. Anong problema nila sa pangalan ko? Pagkaupo ko ay nag-start ng mag-elect ng class officer. Nakapaghalal na ang klase ng opisyal sa bawat posisyon maliban sa isa.
"Volunteer na lang, sino ang gusto maging secretary?"
Isinulat ko sa notebook ang pangalan ng mga officer para matandaan ko kung sakaling magpapatulong ako.
"Ellie? Volunteer?"
Naibaling ko ang atensyon sa nagsasalita. Dito na nagsimula ang kalbaryo ng buhay ko.
All Rights Reserved 2013
© SnooZero
A/N: At dahil pasukan na naman, naisipan ko lang ilabas ang unang kabanata. Mabagal ang progress kaya pasensya na. Pakonti konti lang ang paglalabas. :)

BINABASA MO ANG
Volunteer
HumorAng masasabi ko lang. Wala. Ikaw? Anong masasabi mo? Libre comment dito Tara! (Bagal na bagal mode) =3=