Chapter 3: Arestado

28 0 0
                                    


Nang magtapat ako sa babaeng minahal ko noon ng tunay na nararamdaman ko, ang tumatak sa utak ko sa mga sinabi niya ay ang “isa kang mabuting kaibigan”. Natameme ako. Nagkahalo-halo ang reaksyon ko. Hindi ko alam kung magsisigaw ako sa tuwa habang sumisirko dahil napansin niya ang kabaitan ko o isumpa ang birthday ko dahil sa salitang “kaibigan” na mula nang magkaisip ako at matutong umibig ay naging tatak ko na. Suma total, nang marinig ko iyon ay parang nagkaroon ng apocalypse at lahat ng meteorites ay bumagsak sa pagkatao ko.

Lihim akong napakamot ng ulo at pilit na ngumiti na para bang nanalo ako sa isang raffle draw pero bigla kong naisip na hindi pala ako naghulog ng entry. Nakatapak naman ako sa kolehiyo pero sa mga sandaling iyon ay para akong bumalik sa grade one kung saan ay sinisimulan ko pa lamang pag-aralan ang A-E-I-O-U na hindi ko pa rin lubos na masabi ang pagkakaiba ng E at I.

Hindi kayang iproseso ng utak ko ang Mabait-kang-kaibigan.

Nakatunganga lamang ako. Nakanganga na parang timang. Naghihintay na mahulog ang bayabas mula sa puno nito.

“Okay ka lang?” tanong niyang punung-puno ng concern. Nag-ilusyon tuloy akong gusto niya akong yakapin, halikan at sabihing “huwag kang mag-alala malay mo bukas mahal na rin kita.”

False hope. Pero kung sakaling magkaganoon nga, aba iyon ang pinakamagandang regalong matatanggap ko sa birthday ko. Parang totoo ano? Asa.
Walang ganoon. Walang yakap. Walang halik. Concern siguro meron. At malayo pa ang birthday ko.

“Okay lang,” sagot ko. Sa sobrang pride na hindi ko alam na meron ako, sinabayan ko pa talaga ng tango at ngiti. Isang ngiting pwede nang ihalo sa kape para walang pait. Puno ng pride, puno ng kaplastikan.

“Salamat at naiintindihan mo ako,” patuloy niya. “Ikaw kasi nagulat naman ako sa’yo. Ayaw kong paasahin ka. Ayaw kitang saktan dahil kaibigan kita.”

Kunsabagay wala naman dapat sisihin sa mga ganitong sitwasyon kundi kung sino ang pumiyok. Kasalanan ko dahil hinayaan kong tuluyang mahulog ang damdamin ko sa kanya. Ilang beses na bang nangyari ito sa akin? Lagi na lamang akong nahuhulog at sa kamalasan baldado dahil walang sumasalo.
Ayaw niya akong saktan pero kung alam lamang niya na mas mabuti pang tumalon sa LRT at magpasagasa sa tren kaysa marinig mula sa kanya na hanggang kaibigan lang ako.
Sinabi kong “okay lang” dahil alam kong wala namang mangyayari. Hindi niya babawiin ang mga narinig ko. Hindi rin kayang baguhin ng sandamakmak na paglalasing ang katotohanan. Bumaha man ng luha ay hindi nito kayang baguhin ang mga nangyari na. Sinabi kong “okay lang” pero hindi ko sinabing okay ako.
Hindi ko siya masisisi. Hindi naman kasi natuturuan ang puso. Hindi pwedeng ipagpilitan ang mga bagay-bagay. Hindi pwedeng ipagsiksikan ang sarili sa isang tao. Hindi pwedeng mamunga ang guyabano ng mangga.

Trivia: 3 out of 10 sa mga nanligaw sa bawat araw ay basted.

Hindi ito pauso, promise.

***

Masakit, sobrang sakit ang katotohanan. Wika nga, reality bites. Ang lapit-lapit mo na sa kanya pero hindi mo man lamang siya mahawakan… hindi man lamang madama. Buong mundo ang nasa pagitan namin. Isang mataas na pader na hindi ko kayang tibagin at akyatin. Totoo nga, may mga bagay sa mundong itong hindi natin kayang kontrolin. Kahit gaano pa tayo katalino, kahit gaano pa tayo katapang at katibay. Darating ang pagkakataong mawawalan tayo ng lakas. Papalya rin. Sasablay. Susubukin ng tadhana. Tulad ng isang makina, darating ang oras na kakalawangin din ang tao.

LIBRONG BLUE: Mga Hinanakit ng Isang Hopeless RomanticTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon