Adagio

1.3K 49 16
                                    

"Magandang gabi mga kaibigan, mga panauhin."

Malakas ang kabog ng dibdib ko nang simulan ni sir Dennis ang paunang salita sa magarbong bulwagan kung saan ang mga tao ay hindi magkamayaw sa paghahanap ng kanilang mauupuan. Biglang sumindi ang mga ilaw sa paligid at mas lalo akong kinabahan nang makita ko kung gaano sila karami. Nagtatago lang ako ngayon sa isang gilid at ginagawang kumot ang kulay pula at malaking tabing ng entablado. Parang isang batang takot na takot sa multo. Ang multo ay ang piano na nasa gitna ng entabladong iyon. Para bang isang pelikula na naman akong papanoorin ng mga taong hayok na hayok sa mga klasikong musika.

Dumagundong ang palakpakan sa loob ng napakalaking bulwagan na iyon. Heto na naman ako. Kinakabog, akala mo ay laging first time na tutugtog sa harap ng napakaraming tao. Pero gaya nga ng sabi ng aking guro na si Sir Dennis, ang bawat konsyerto ay dapat bago. Dapat laging ganado, hindi ka dapat nagsasawa. Pero ewan ko ba, matagal ko na ngang ginagawa ito. Kabado pa rin ako. Kasabay pa ng pagsasawa ko sa tuwing may konsyerto ako.

"Kung inyong mamarapatin ay hindi ko na sana pahahabain pa ang introduksyon na ito gaya nang ginawa ko noong isang buwan eh...naubos ang oras. Pero heto ako mukhang hahaba nanaman ang introduksyon ko."

Nagtawanan ang mga manonood na noon ay nakaupo na sa kanilang malalambot na mga upuan. Ganyan talaga si sir Dennis. Mapagbiro. Nakukuha nya ang loob ng mga tao dahil lang sa mga hirit niya. Napakagaling niyang guro para sa akin. Hindi ko lang alam kung bakit ba hindi siya naging national artist. Marami namang nakakakilala sa kanya. Pero siguro ito lang talaga ang pinili ni sir. Ang magturo, turuan ako at kiskisin pang mabuti para mas maging makintab. Ako yata ang balak niyang ilaban para sa national artist. Hindi sa ayoko, pero masyado pa akong bata para sa karangalang iyon. Isa pa hindi naman talaga ako magaling.

"Ipinakikilala ko ang isa sa aking mga estudyante. Tinaguriang sandigan ng musika pagdating sa piano dahil sa mga patimpalak na kanyang sinalihan at ipinanalo. Isang batang kompositor. Ang nanalo sa nakaraang National Music Competitions for Young Artists o NAMCYA. Mr. Anthony Karingal."

Heto na, tinawag na naman ang pangalan ko. Naglakad ako patungo sa gitna, patungo sa aking guro. Ngumiti nang pilit habang pumipikit-pikit dahil sa nakakasilaw na spotlight na sumusunod sa akin. Bahagya kong itinaas ang aking kamay para harangan ang nakakasilaw na ilaw na iyon. Lubha akong nagulat nang makita ang napakaraming tao na nakatayo sa kanilang mga upuan habang pumapalakpak. Mas marami ito kaysa noong nakaraang taon. Napangiti na lang ulit ako at yumuko nang bahagya bilang pagbati sa kanila. Sa dami ng mga taong ito ay siguradong hindi ko siya makikita. Pero ganoon din pala. Wala nga rin palang silbi kung makita ko siya dito. Isa pa mas matimbang ang katotohanang wala naman talaga ang hinahanap kong tao rito.

Agad akong kinamayan ni sir Dennis. Tinapik niya rin ang balikat ko sabay yakap sa akin.

"Kaya mo 'yan, alalahanin mo lang ang mga tinuro ko sa'yo. Kaya mo yan."

Tumango lang ako. Hindi maitatago sa mukha ko na kinakabahan talaga ako sa pagkakataong ito. Inabot niya sa akin ang music sheets na aking pagmamay-ari. Nandito ang lahat ng tutugtugin ko ngayong gabi. Mga ilang oras na naman siguro akong nakaupo sa tabi ng pianong iyon habang tinitipa ko ang bawat tiklado. Bawat tunog na maririnig ng mga taong iyon ay tila dinadala sila sa ibang dimensyon. Pero sa totoo lang, wala silang pakialam kung magkamali man ako. Masabi lang nila na may klasikong musika silang maririnig ngayong gabi ay ayos na. Wala naman silang alam sa mga notang binibigkas ng aking piano.

Naglakad na palayo ang aking guro. Ako naman ay nagtungo na sa gitna at umupo sa tabi ng piano. Inilagay ko rin sa music rack o lalagyanan ng piyesa ang music sheets na dala ko. Isang malamig na boses naman ng babae ang nagsimulang magsalita. Pormal ang pagpapakilala ng babaeng iyon sa aking tutugtugin.

TikladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon