"Uyyy, naaalala niya si ex!" Tukso sa akin ni Rafi habang naglalakad kami sa eskinita ng dati kong boarding house. Natatawa na lang ako habang abala pa rin siya sa kakatukso at kakakanta ng pambansang awit ng mag-ex-muling ibalik ang tamis ng pag-ibig.
"Tigil ka na, Rafi. Nalulusaw na ice cream mo o! Kainin mo na. Adik ka talaga."
Natatawa pa rin siya habang hinihingal na sa kakakanta. Talagang ayaw niyang tumigil hanggang sa napahinto kami sa mismong gate ng dati kong boarding house.
"Hindi mo ba siya naaalala? Siguro dito kayo nagde-date noon noh. Galawang breezy ka din eh!"
Napatingin ako sa gate ng boarding house, dati red 'yun eh. Ngayon blue na. Dati may nagtitinda ng ihaw-ihaw doon sa gilid, ngayon wala na rin. Dati masaya doon at maraming tao, ngayon tahimik na. Nakakainip na.
"O, ano na? Ano na naman tumatakbo dyan sa isip mo? Natatakot ako 'pag tumatahimik ka."
"Baliw ka, Rafi. Nanibago lang. Ngayon lang kasi ako nakadaan ulit dito. Tagal na nung huling napunta ako dito eh."
"Uy, baka napipikon ka ah. Inaasar lang kita. 'Wag ka asar-talo ha! Naku, naku."
Ginulo ko lang ang buhok niya at nagpatuloy na kami sa paglalakad habang tuloy-tuloy pa rin siya sa pagkukwento. Nagbabago talaga ang lahat noh? Parang ikaw 'yung gate. Dati kasing pula ng gate na 'yun ang pagmamahalan natin. Ngayon, kasing-lamig na ng bago niyang kulay.
----------------------------------------
"I love you!" Sigaw mo sa akin habang papalabas ako sa gate ng boarding house namin. Nanlaki ang mata ko nang makita kita sa labas nito, may hawak kang lobo at paulit-ulit kang sumisigaw ng 'I love you'.
Patakbo akong lumapit sa iyo at niyakap kita ng mahigpit hanggang sa mabitawan mo ang lobo at lumipad ito.
"Ay! Ayan, nawala na tuloy 'yung lobo. Naman kase!"
Natatawa akong tiningnan ka habang parang bata kang nagagalit sa akin dahil napalipad ko ang lobo mo. Hinawakan ko ang mga kamay mo at hindi ko inaalis ang tingin ko sa mga mata mo.
"Mahal na mahal kita. Mula nang makita kita, hanggang sa mga oras na ito, mas minamahal kita."
Sinagot mo lang ako ng matalim na irap. Ay hindi, ng sobrang talim na irap.
"Ayun naman pala eh! Bakit bigla ka nawala? Bakit tumigil kang mangulit? Bakit hindi ka na nagtetext? Bakit hindi ka na naghihintay sa labas ng school gate? Ha? Ano? May GF ka na noh!"
"Akala ko kasi..."
"Ano? Kinailangan ko pa pumunta dito at sumigaw ng mahal kita. Grabe, manhid mo."
Inakbayan ko siya at sabay kami naglakad palabas ng eskinita.
"Di bale, hindi na mahalaga 'yun. Sinasagot na kita."
Sinuntok mo ako sa tiyan at kinurot sa tagiliran habang di ako makahinga sa kakatawa.
"Kapal mo, grabe. Para kang libro ko sa Microbiology. Kapal!"
"Hahahaha! I love you. Tayo na ha?"
Pulang-pula ang pisngi mo at halatang-halata ang pagpipigil mong kiligin at mapangiti.
"I love you, Asha."
"I love you too, Dale."
--------------------------------
"O, Dale. Throwback ka na naman dyan kahit hindi Thursday. Bilisan mo maglakad naman!"
Nakakatawa talaga itong si Rafi. Kung kumilos parang hindi babae. Kabaligtaran mo siya, halos wala kayong pinagkatulad. Kaya kapag kasama ko siya, pakiramdam ko kahit ako ay isang estranghero sa sarili ko.
Naglakad siya ng mabilis palayo sa akin at hinabol ko siya, kagaya ng paghabol ko sa iyo...
Ang kaibahan lang, hinintay niya ako.
BINABASA MO ANG
Lied to You
RomanceNandyan na siya, abot kamay, halos sabay na ang tibok ng puso ninyo. Pero hindi mo siya maramdaman, hindi mo na siya mahanap sa puso mo. Hindi kagaya noon. Hindi kagaya noong hindi ka pa nasaktan ng sobra. Noong hindi ka pa manhid sa lahat ng sak...