The Friendly Shadow

6 2 0
                                    

                                                             The Friendly Shadow

Normal lang para sa mga high school student ang mag-adventure at magtuklas ng mga bago pero ang maging kaibigan ang isang multo – hindi normal iyon. Sa isang mabundok na lalawigan sa West Mindanao, may isang grupo ng kabataan ang nakasaksi sa isang pangyayari ng nakaraan.

Si Josie, Lian, Karen, Pamela, Lucy, Mia, Bernadeth at Clarissa ay magkakaibigan. Simula first year high school ay magkaklase na sila at magkakaibigan na. mga kabataan na hindi nawawala sa honor roll hanggang ngayon na 3rd year na sila.

Tuwing 9:45 ng umaga ang recess time nila at pumupunta sila sa canteen nila na parang palengke ang hitsura. Minsan, doon sila tumatambay at naghaharutan.

Isang araw, maulan at maputik ang daanan. Tatlong araw ng umuulan sa lugar nila at ngayong araw lang walang pumunta sa paaralan nila para magbenta sa canteen. Nagkataon ding alas dyes na at hindi pa pumapasok ang guro nila para sa susunod na klase kaya pumunta sila sa canteen at umupo sa mismong lamesa nito. Nagkukwentuhan sila nang biglang napasigaw ang isa. "Bakit 'yun?" tanong nila nang biglang bumaba ito sa lamesa. "May nakita akong anino ng bata sa tabi ko." Nababalisang sabi ni Lian. "Alam mo, guni-guni mo lang 'yan." Sabi ni Pamela. "Totoo bang may nakita ka, Yan?" tanong ni Lucy kay Lian.

Bumaba mula sa lamesa si Clarissa at humarap sa kanila. "Hindi nagbibiro si Lian." Sabi niya. Lahat sila ay biglang kinilabutan sa sinabi niya. Alam nilang nakakakita si Clarissa ng mga taong hindi nila nakikita. "Kanina pagdating natin dito wala siya pero nang naririnig niya tayong nagtatawanan, lumapit siya. Kanina nakaharap siya kay Mia, sunod kay Josie."

"Huwag ka namang manakot, Clarissa!" kinikilabutang sabi ni Mia. "Seryoso ako. Tumabi siya kay Lian kasi siya ang nasa dulo at may malawak na pwesto." Paliwanag ni Clarissa. Kinikilabutan din siya pero hindi siya nagpahalata. Lahat sila ay nagdesisyon nang bumalik sa classroom nila.

Pagdating sa loob, nagporma silang pabilog at pinagpatuloy ang kwentuhan tungkol sa mga lalaking natitipuhan nila nang nakaramdam ng lamig sa braso si Karen at Lucy na magkatabi. "Bakit ang lamig ng braso ko? Hindi naman na umuulan at hindi naman mahangin." Sabi ni Lucy. "Ako rin. Nilalamig ang braso ko." Sabi rin ni Karen. "Huwag kayong maingay. Kunwari wala kayong naramdaman." Sabi ni Clarissa. Parehong napatingin sa isa't-isa si Karen at Lucy pero laking gulat nila nang may aninong nakapagitan sa kanila. "Huwag kayong magpa-panic. Mabait siya. Gusto niyang makipaglaro." Sabi ni Clarissa.

Nagkukunwaring walang nakita o naramdaman ang tatlong dalagita pero sadyang makulit ang anino. Pati ang ibang kaibigan nila ay hinahaplos din nito sa braso. Lahat ay natahimik sa kaba at takot. "Umurong kayo, gusto niya atang pumasok sa gitna natin kaya paikot-ikot siya." Umurong naman sila para magkaroon ng daanan sa loob ng bilog na ginawa nila.

Nagtataka silang hindi pumasok ang anino sa loob at nagpatuloy pa rin sa kakahawak sa mga kamay at braso nila. Hanggang lumapit sa kanila ang isang lalaking kaklase. "Hoy, ang seryoso ng mga mukha niyo, tumawa naman ka – " hindi nito itinuloy ang sinasabi niya. Napatingin naman sa kanya ang mga babaeng kinakausap. "May bisita pala tayo dito sa loob ng classroom. Kayo na lang ang mag-entertain sa kanya. Bye." Dahan-dahan siyang tumalikod at bumalik sa upuan niya. Tumayo naman si Clarissa at sinundan ang lalaking kaklase nila.

"Huwag mong ipagsabi kahit kanino ang nakita mo, please." Sabi ni Clarissa. "Parati ko nang nakikita ang batang iyon sa canteen. Ang alam ko hindi siya makaalis sa lugar na iyon kasi nakakadena siya pero nagtataka ako bakit sinundan niya kayo." Nabigla si Clarissa sa narinig niya. "Ibig mong sabihin, nakakakita ka rin ng mga multo?" "Oo, parati. Araw-araw. Ang dami dito sa paaralan natin pero hindi naman sila nanggagalaw." Cool na sabi ng lalaki. "Pareho pala tayo."

"Clarissa..." tawag sa kanya ni Pamela. Isa-isang tumataas ang buhok nito at kinikilabutan na silang lahat. Pinaglalaruan ng anino ang buhok niya. "Binibilang niya ang buhok ni Pamela." Sabi ng kaklaseng lalaki na lumapit kanina. Lumapit si Clarissa sa mga kaibigan. "Gusto niyong malaman ang estorya ng batang anino?" nagtitinginan ang lahat sa isa't-isa na may pagdadalawang isip. "Ako, gusto ko." Sabi ni Lucy. Pareho lang din ng sago tang iba samantalang ang natitira ay hindi sumagot pero sumama na lang. Lahat sila ay natatakot sa malalaman nila. Lahat sila ay kinikilabutan na parang may libo-libong tarantula ang gumagapang sa likuran nila hanggang ulo. Lahat ay nakakaramdam ng kakaibang lamig sa buong katawan nila.

Dumating na sila sa canteen nilang parang palengke ang ayos ng mga mesa. Nagtataka sila dahil umaayon ang pagkakataon sa kanila. Tahimik ang buong paaralan; walang taong dumadaan sa canteen; wala ang batang anino.

Humarap sa maliit na nakatayong kahoy si Clarissa. Ito ang nagsisilbing poste sa harap ng canteen. "Nandito siya nakatali." Lumingon siya sa isang gawi. "Sumunod muna kayo sa'kin." Sabi niya.

Pumunta sila sa likod ng paaralan kung saan maraming matatas na damo at halaman. "Doon!" turo ni Clarissa. Tumakbo ito at lahat naman sila ay sumunod.

Umiiyak si Clarissa pagdating sa isang lugar na walang mga damong tumutubo. Clay na lupa ang naroon at maputik. "Ang sakit." Sabi ni Clarissa. Lahat sila ay umiiyak na rin. Hindi nila napansin na umiiba ang kulang ng lugar. Kulay orange ang paligid na parang papalubog na ang araw.

Nakikita nila ang dalawang batang lalaki na masayang naglalako ng mga plangganita ng santol at bayabas. Kakaalis lang nila sa mga bahay nila para magtinda. Napaatras ang lahat nang may biglang dalawang lalaking lasing ang humarang sa dalawang bata at inaagaw ang mga paninda nila. Nanlaban ang mga bata pero dahil mas malaki at malalakas ang mga lalaki, nahuli sila. Parehong pinagsusuntok ang dalawang bata at dinala sa lugar kung saan sila naroroon.

May isang kubo doon. Pumasok ang isang lalaki at kumuha ng kadena. Pinaghahampas niya ang isang bata habang ang isa naman ay nakatakas. Habang tumatakas ang isa, ang naiwang bata naman ay namatay sa panggugulpi ng kasamahang lalaki.

Tumakbo ang mga babaeng nanonood sa eksena habang garalgal sa takot at awa. Hinahabol nila ang lalaking tinutugis ang tumatakbong bata, ang batang anino. Ang canteen nila ay nagkaroon ng puno ng santol at matataas na damo. Nadapa doon ang isang bata at nahuli ng lalaki. Pinagsasampal ito at kinadena sa puno. Humihingi ng tulong ang bata pero walang nakakarinig sa kanya; nakikiusap itong palayain na ng nanakit sa kanya pero hindi siya pinapakinggan. Patuloy pa rin siyang sinasaktan.

Iniwan ng lalaking gumulpi sa kanya ang bata habang nakakadena sa puno. Dumating naman ang isang lalaki at ito ang tumapos sa buhay ng bata. Kinadena nito ang leeg ng bata sa puno hanggang sa masakal ito at malagutan ng hininga.

Hilam sa luha ang mga batang babaeng nakasaksi sa pangyayari. Nang bumalik sa normal ang lahat, nakita nila ang batang lalaki na nakangiti at masayang tumatakbo palayo sa kanila. Lahat sila ay nagsambit ng panalangin at sabay-sabay na nawalan ng malay.

Pagkagising ng mga babae ay hilam pa rin sila sa luha kasama ng mga guro nila sa loob ng Faculty Room. Umuwi na sila pagkatapos niyon.

Kinabukasan nang pumasok sila, nagdala sila ng kandila at nagsindi sa canteen. Wala silang pakialam kung nawi-wierduhan ang mga estudyante sa kanila basta nagtirik na sila ng kandila at nag-alay ng dasal para sa kaibigang batang anino.

Aira_Therejia ♥


Dreadful FateTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon