Pain Killer Part 2
Ayaw pa rin huminto ng aso sa pag-alulong. Sa pagkakaalam ko, malayo kami sa kapitbahay at wala kaming aso pero bakit malakas ang tunog ng asong iyon? Sobrang init ng pakiramdam ko at nag-uumpisa ng sumasakit ang puson ko at unti-unti nang tumutulo ang laway ko. Lumabas ako ng bahay para humanap ng makakain pero parang ang sakit ng tama ng hangin sa katawan ko kaya bumalik ako sa loob. Kinuha ko ang bote. May nakita akong naylon sa kusina at kinuha iyon. Itinali ko ang bote sa tyan ko. Lumabas na ako at nagtatatakbo para makahanap ng makakain.
Sa hindi kalayuan ay may nakita akong mga kambing. Mabilis kong pinagkakalmot ang mga kambing hanggang sa isa-isa silang mawalan ng buhay – ang pinakamasarap sa lahat ay ang mga batang kambing.
Kinabukasan ay mabilis na kumalat sa baryo ang nangyari sa mga kambing. Ipinagsawalang bahala lang iyon nila nanay at tatay hanggang sa gabi-gabi ng may nakikitang hayop na namamatay at buto na lang ang natitira – ako ang may kagagawan ng lahat ng iyon.
Mainit ang ulo ko isang araw dahil ubos na ang isang bote ng pain killer. Kailangan kong tipirin iyon. Isa pa sa kinaiinit ngulo ko ay ang pinaiinom na ako ng kung ano-anong gamot ni nanay pero hindi pa rin ako gumagaling. Minsan ay nagkakalagnat ako at kung minsan ay sumusuka ng dugo. Sa gabi naman ay maayos ang kalagayan ko lalo na 'pag nagpapahid ako ng pain killer. Hindi nangingitim ang mga mata ko o lumalaki ang eye bags ko pero sa umaga ay nanghihina ako. Hindi ako makakilos at parang napakasakit ng tama ng hangin at sinag ng araw sa akin.
Hindi na naglalako ng mga gulay at prutas si nanay para bantayan ako, si tatay na lang ang naglalako sa baba ng bundok.
Sumusuka ulit ako ng dugo sa higaan ko dahil sa walang hinting pag-ubo ko nang marinig kong nag-uusap si nanay at tatay. "May nakilala akong manggagamot sa lungsod. Baka matulungan tayo para gumaling ang anak natin." Sabi ni tatay. "Sigurado ka ba diyan? Magaling ba siyang manggagamot?" tanong naman ni nanay. "Oo naman. Noong pumunta ako sa kanila, maraming tao sa loob ng bahay. 'Yung mga umuuwi galling doon ay natutuwa dahil gumaling daw sila sa mga sakit nila. At, may matagal na palang nakatira sa bahay nila. Dating guro na hindi na makalakad. Kanina n'ung nasaksihan ko nakakalakad na kahit hindi pa masyadong diretso." Tumahimik sandal si nanay. "Sige, dadalhin natin bukas ang anak natin." Sagot niya.
Noong oras na ng hapunan, ipinaalam sa akin ni nanay na ipapagamot nila ako at pumayag naman ako kaagad. "Nag-aalala na talaga ako sa kalagayan mo dahil araw-araw ka na lang nagsusuka ng dugo. Baka malala ang sakit mo." Sabi niya habang hawak ang mga kamay ko. "Ayos lang po ako. Huwag kayong mag-alala."
Tulad ng ginagawa ko gabi-gabi ay nagpahid ulit ako ng gamot. Sa loob ng dalawang buwan, nangangalahati na ang pangalawang bote ng pain killer. Lumabas na kao at nagtatakbo sa madamong lugar. Sa isang bahay ay may nakataling isang inahing baka at tatlong anak nito. Lalo akong nagutom sa nakita ko at biglang bumilis ang pagtulo ng mga laway ko.
Habang kumakain ako, nakita ko ang gwapong lalaki sa harapan ko. Napasiga ang mata ko dahil ngayon ko lang ulit siya nakita pagkatapos niya akong itinulak palabas ng katawan ko. Huminto ako sa pagkain at tumayo. Hawak ko pa ang lamang-loob ng isang batang baka. Nang mapansin iyon ay binitawan ko ito na lalong nagpangiti sa kanya. Tiningnan ko ang sarili kong punong-puno ng dugo. Parang hindi ako mapakali.
Hindi siya nagsalita habang lumalapit sa akin. Dinampot niya ang binitawan kong lamang-loob at kinain iyon. Sa gabing iyon, nakasalo ko siya sa pagkain.
Pagdating ko sa bahay ng gabing iyon ay hinahanap ako ni nanay. "Saan ka ba nagpupunta?" may halong pag-aalala ang tanong niya. "Sa banyo ho. Sagot ko. Tinignan ko ang sarili na purong dugo ang nakakalat. Hindi ba niya napapansin? Tanong ko sa sarili. Tumalikod si nanay at pumasok sa kwarto nila. Paglabas niya ay may dala siyang kumot at itinabon iyon sa katawan ko. "Para 'di ka malamigan. Maaga tayong aalis ngayon, 'diba, dahil sabi mo masakit sa katawan at mata ang sinag ng araw at ihip ng hanin sa iyo." Sabi niya. Nagkape muna sila bago kami umalis.