Pain Killer
Ako si Katrina, 19 na taong gulang. Nakatira sa isang bundok sa Mindoro. Hindi ako nakapag-aral pagkatapos ko ng first year high school dahil wala kaming pangtustos. Isa pa, apat na oras ang nilalakad ko paakyat at pababa ng bundok para lang makapasok sa paaralan. Nag-iisa lang akong anak at parehong 63 na taon na ang mga magulang ko. Nakakapagtaka, 'diba? Hindi niyo aakalain kung gaano na katanda ang mga magulang ko bago nagkaanak.
Nag-iisa lang ako dito sa bahay dahil bumaba sa syudad ang mga magulang ko. Naglako sila kahapon ng mga saging na hinog at malaki ang kinita nila. Bibili raw sila ng bigas sa syudad para naman maiba ang kinakain namin at hindi na puro kamatis, kamote at mais na kanin.
Natapos na akong maglinis ng buong bahay at nagsimula nang magbungkal ng lupa para itanim na ang mga semilya ng mani. Kinuha ko na ang bolo at pumunta ako sa pinakadulo ng lupain namin dahil doon lang ang may bakanteng pwesto. Nakakasampu na akong tanim ng semilya nang biglang nagmanhid ang mga daliri ko sa kamay. Parang may libo-libong mga karayon na tumutusok dito at naninigas pa ang mga daliri ko.
Pinilit kong igalaw ang mga kamay at mga daliri ko kahit kumikirot at sumasakit ang mga ito. Pinilit kong igalaw ang mga daliri ko kahit hirap na hirap ako at iingit-ingit sa sakit. Hanggang sa nawala ito ng paunti-unti. Hindi ko na tinuloy ang pagtatanim at kinuha na ang mga gamit at umuwi na ako. Pagdating ko sa bahay, may matandang nakaupo sa balkonahe ng bahay. "Lolo Prang, nandito po pala kayo." Sabi ko nang makilala ang matanda. Nakatira siya sa bandang ibaba ng bundok na hindi kalayuan sa amin. "Kumain na po ba kayo ng agahan?" tanong ko.
"Huwag ka ng mag-abala, hija. Nandito ako kasi may dalang gamot ang anak ko galing abroad. Ibibigay ko sana sa inyo kasi sobra-sobra naman para sa amin ito." Inabot niya sa akin ang plastic bag na may dalawang bote ng gamot, mga tableta at ointment kung babasahin. Tinanggap ko naman ito. Napansin kong ang gara ng suot ni lolo. Nangingislap ang mga alahas na suot ni lolo sa mga kamay, daliri at leeg. "Maraming salamat, ho. Malaking tulong ito kapag nagkasakit sila nanay at tatay." Sabi ko ng nakangiti. "Hindi na po ba kayo magkakape man lang? Titimplahan ko kayo." Pag-aalok ko sa kanya. "Hindi na, anak." Tumawa siya ng mahina at hinawakan ako sa ulo. "Aalis na ako, hija." Sabi niya at nagmamadali na siyang umalis.
Hindi ganito si Lolo Prang noon kapag dumadalaw sa bahay; at ngayon lang talaga siyang nagmamadaling umalis. Kahit wala sina nanay at tatay, tumatambay siya sa balkonahe namin habang nananabako at kusa na rin siyang nagtitimpla ng kape mula sa kusina para sa sarili. Mabait na mabait si Lolo Prang sa kahit na sino. Marami siyang natutulungang tao kahit na isang kahig, isang tuka rin ang buhay nila. Kaya siguro biniyayaan ang anak niyang magkatrabaho sa abroad dahil sa busilak ng kalooban nila. Baka may pupuntahan. Nasabi ko lang sa isip.
Binuksan ko ang inabot niyang supot ng mga gamot. Mefenamic acid, Ascorbic acid at marami pang klase ng tableta at mga capsule ang nakita ko. Kinuha ko ang dalawang malalaking bote na nasa loob pa rin ng supot at binasa kung ano 'yun. "Pain Killer..." basa ko. Palipat-lipat ang mata ko sa pagbabasa ng description ng dalawang bote at pareho lang naman sila.
Napaisip ako. 'Diba ang pain killer ay pinapahid sa katawan para mawala ang mga sakit? Naalala ko ang pagmamanhid at pagkirot ng kamay ko kanina kaya binuksan ko ang isang bote. Pagbukas ko ay biglang nanuot ang amoy nito sa ilong ko. Mabango. Lalo ko pang inamoy at parang hindi makapaniwala na ramdam na ramdam kong nanuot ang amoy nito hanggang sa dibdib ko. Biglang guminhawa ang pakiramdam ko. Inamoy ko pa ulit ang bote bago bumuhos ng kaunti sa kamay ko.
Maanghang ang gamot at nakakagaan ng pakiramdam. Hindi lang ako sa kamay nagpahid nito kundi pati sa leeg, braso, siko, dibdib, tiyan, hita at mga paa. Dahil hindi ko maabot ang likod ko ay nagpasya akong 'di na muna maglagay doon. Nakaramdam ako ng antok kaya natulog na ako.