Ang Huling Ihip

111 7 3
                                    

Ang Huling Ihip

------



MASAYANG tumutugtog ng piano ang labin-dalawang gulang na lalaki na si Liam. Sinasabayan siya ng tugtog ng matalik niyang kaibigan na si Daniella gamit ang plawta nito na kulay lila. Mas matanda ng dalawang taon si Liam kaysa kay Daniella. Kasabay ng huling pagtipa ni Liam sa kanyang piano ang biglang pagpalakpak ng nanay ni Daniella. Napalingon ang dalawa sa may gawing pinto kung saan nanggaling ang narinig nilang pagpalakpak. 


"Ang galing n'yo naman!" nakangiting papuri ng nanay ni Daniella. 

"Hindi naman po, Tita Len," tila nahihiyang sagot ni Liam. 

"Teka, ikukuha ko muna kayo ng meryenda sa kusina."


Tumango naman si Daniella at saka nilapitan ang nanay niya at niyakap ito nang mahigpit.


"Sarapan mo po 'Nay, ha," At kumalas na siya sa pagkakayakap niya sa kanyang ina. 

"Oo naman, anak," sabi ni Len kay Daniella at ngumiti pa. "O paano? Magpahinga na muna kayo ni Liam. Paniguradong napagod kayo sa pagtugtog."

Pagkalabas ng nanay ni Daniella sa maliit na silid nila na pang musika ay humarap naman siya sa kompyuter na nakapatong sa maliit na mesa malapit sa piano na ginagamit ni Liam. 

"Anong ginagawa mo riyan?" tanong ni Liam sa kanya. 

"Naghahanap lang ako ng sangkap."

"Magluluto ka?" manghang tanong nito.

Tumango si Daniella. "Nagustuhan ko kasi 'yung nakita kong cheesecake sa bahay niyo nang minsan akong magpunta sa inyo. Kaya ayon, balak kong gumawa rin," dagdag pa niya. 

"Kung gusto mo, wag ka nang magluto. Dadalhan na lang kita sa susunod na araw. Magpapatulong ako kay Ate Emily sa pagluto. Bukas kasi ay aalis kami kaya hindi ako makakapunta rito." 


"Talaga?! Bibigyan mo ako ng cheesecake na iyon?!" 


Lumiwanag ang mukha ni Daniella sa narinig.


 "Pangako?" tanong pa nito.

"Pangako."




"DANIELLA, marunong ka ba nito?" tanong ni Liam kay Daniella habang kinukuha ang gitara na nakasabit malapit sa pinto ng silid. Umupo silang dalawa sa sahig. Muling inulit ni Liam ang pagtatanong at umiling lamang si Daniella bilang sagot.

"Gusto mong turuan kita?" 

"Saka na lang siguro, Liam." sagot ni Daniella na natawa pa. "Marami pa kasi akong gagawin. Baka hindi ko na maisingit ang pag-aral kung paano maggitara." 

"Ah ganoon ba? Oh sige. Kapag pwede ka na, sabihin mo na lang sa akin at tuturuan kita," wika ni Liam at nginitian siya. 

"Ay Liam, saglit lang ah. Pupuntahan ko muna si Nanay sa ibaba," paalam ni Daniella.

"Sama ako!" ani Liam.

"Hindi na. Diyan ka na lang at mamahinga. Ako na ang magdadala ng meryenda natin dito."

Ang Huling Ihip (Published under Sky Fiction) | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon