Prologue:

6.2K 99 4
                                    

      Magkatabi lamang kami ng upuan ngunit tila napakalayo niya. Maaari ko siyang hawakan ngunit hindi ko siya maabot. Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan. Ano ba itong iniisip ko? Nababaliw na ba ko?


      "May problema ba bunso?" tanong niya. Humarap siya sa 'kin at inalis ang atensyon sa pinapanuod naming pelikula.


      "W-wala kuya. May iniisip lang ako."


      Mataman niya kong tinitigan. Parang hindi siya naniniwala sa sinabi ko. "Pasensya na. Nababagot ka na sigurong kasama ako - -"


      "Mali ka. Gusto kong makasama ka. Masaya ako dahil..." Hindi ko maituloy ang nais kong sabihin. Nakakahiya, mali, hindi katanggap-tanggap. Dapat na maging masaya ako sa ganito ngunit hindi ko magawa.


      "Dahil ano?"


      Hindi ako umimik. Madilim ang paligid at ang ilaw mula sa palabas ang nagbibigay ng liwanag sa buong sinehan. Tumungo ako. Kailangan kong itago ang mga luhang gustong dumaloy sa aking mga pisngi.


      "Alam mo ba ang nararamdaman ko ngayon? Magkatabi lang tayo pero hindi kita maaaring hawakan. Magkalapit tayo, ramdam ko ang init ng balat mo pero hindi kita maaaring hagkan." Hinawakan ni Paulo ang baba ko at dahan-dahan niyang iniharap ang mukha ko sa kanya. "Alam mo bang mahal kita?"


      Hindi ako makahinga. Naninikip ang dibdib ko sa sobrang kaba. Unti-unti niyang inilapit ang kanyang mga labi. Bahagyang umawang ang sa 'kin, tila nanunuyot ang lalamunan ko dahil sa antisipasyon.


      Nang lumapat ang malambot niyang labi sa 'kin, para akong pinagsakluban ng napakaraming nakakakiliting sensasyon; naaamoy ko pa ang popcorn sa kanyang hininga. Hindi ako nakakilos. Parang tuod na hinahayaang madiligan ng ulan.


      Segundo lamang ang itinagal ng halik ngunit pakiramdam ko'y ilang dekada ang lumipas. Tuloy-tuloy lang ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Daig ko pa ang tumakbo ng sampung kilometro. Simpleng halik, simpleng haplos, nawawala na ako sa aking sarili.


      "M-mali ito. H-hindi dapat." Nauutal ako, natatakot, hindi mapakali. Hindi ko alam kung ano ang dapat sabihin.


      "Mahal kita Samantha. Ako ba, mahal mo ba ako?" Gusto kong isigaw ang salitang 'Oo' pero nauumid ang dila ko.


      "Hindi ito tama. May asawa ka na at dalawang anak. Paano na sila?"


      Hinaplos ni Paulo ang buhok ko. "Kung ipinanganak ka lang ng mas maaga, kung nauna lang kitang makilala, ikaw ang pipiliin ko; ikaw sana ang ina ng mga anak ko."


      Ang mga salitang iyon ay tila apoy na tumutunaw sa aking puso. Lubos akong nasisiyahan. Pakiramdam ko ay tama ang lahat kapag kasama ko siya. Siguro nga, ganito ang totoong pagmamahal.


      "Will you be my girlfriend?" tanong niya.


      "Y-yes." Gumuhit ang malaking ngiti sa mukha ni Paulo. Bigla niya kong niyakap, gumanti naman ako.


      "I love you. Gagawin ko ang lahat para maging masaya ka sa piling ko."


      "I love you more," bulong ko.


      Simula sa araw na ito, hindi na ako isang simpleng babae. Isa na ako sa mga babaeng kinaiinisan ko noon. Pero ano ang magagawa ko? Nagmahal lang naman ako. 'Wag niyo kong husgahan. Hindi niyo alam ang buong kuwento ng buhay ko.

Confessions of a Mistress (SPG)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon