Treasure?

10 0 0
                                    

Nakita ko nalang ang sarili ko sa isang kagubatan. Pero parang di pangkaraniwan ang gubat na ito dahil naiiba ang mga puno't halaman. Malalaki ang mga bulaklak, ang mga insekto ay parang kasing laki ng elepante, at ang elepante ay kasing laki lang ng insekto. Parang lahat ng bagay dito ay kabaliktaran sa normal na mundo.

"Kempoy!" sigaw ko sa kagubatan. Baka sakaling marinig ako na kakambal ko. Di ko maiwasang mamangha sa paligid ko. Parang ang gaan gaan ng pakiramdam mo habang umaapak sa bughaw na damo dito.

Bigla nalang kumulog at kumidlat ng ibat ibang kulay. Parang may fire works lang sa kalangitan. At biglang may pumatak sa pisngi ko na kulay putik. Dumausdos ito papunta sa labi ko. Parang kakaiba ang amoy nito. Parang pamilyar sa akin. Nang padaanan ko ito ng aking dila, nalasahan ko ito. Namutawi ang lasa ng chocolate sa dila ko. Grabe! Paborito ko toh!

Ang isang patak ay nasundan pa ng isa, dalawa, hanggang sa bumuhos ang ulan. Oo! Umuulan ng chocolates! Idinipa ko ang aking kamay habang nakanganga upang salain ang bumubuhos na ulan. Wala akong pakialam kong mamantsahan ang puti kong damit at pajamang suot suot. Nakita kong may ilog, pero imbes ng tubig ang umaagos, chocolate ang dumadaloy dito. May mga marshmallows na lumulutang pa dito.

Lulundag palang ako sana sa ilog ng chocolates ng biglang lumindol, at may lumabas na ogre sa biyak ng lupa. Tumakbo ako palayo, takot na takot ako. Tanging tambol lang ng puso at yanig ng lupa ang naririnig ko.

May nakita akong diwata sa malayo, sa kapatagang natatamnan ng ibat ibang bulaklak. Nag-aapoy ang diwata ng ibat ibang kulay. Mula sa kulay kahel na apoy sa paa nito hanggang sa pulang apoy na bumabalot sa buhok nito. May inaabot ito sa akin pero di ko makita kasi maliit lang ang hawak hawak nyang iyon. Lumingon ako sa likod, ramdam kong malapit na ito dahil sa mabibigat na yapak nito na halos gumunaw sa paligid. Humarap ako uli sa diwata na malapit ko nang maabot.

"Tulong! Tulong!" sigaw ko dito habang hingal na hingal sa katatakbo. Di parin natitinag ang diwatang nakatayo lang sa parang. Napansin ko na ang hawak nito ay isang kahon na napapalimutian ng mga dyamante at iba't ibang uri ng mahahalagang bato.

Malapit na ako, pero ramdam ko na rin ang malalakas ng yabag sa likuran ko. Tumayo ang mga balahibo ko ng tumama ang mainit at mabahong hininga sa bumbunan ko. Gusto kong lumundag, lumipad, pero parang ang bigat ng mga yapak ko. Parang hinihila ako pababa, hangang namalayan kong parang tumaas ang paligid ko at bumaon sa lupa ang diwatang may hawak hawak na kahon. Nagsisigaw ako dito pero nanatili itong nakangiti at nagpaalam sa akin.

Tulala ako nang may dumakma sakin sabay alog alog nito.

"Pakawalan mo ako!" pagpupumiglas ko dito.

"Gumising ka nang batugan ka!" sigaw nito habang naglalabas ng nakakahilong amoy. Sabay biglang sampal sa akin ng malaking palad nito na ikinabalik ng ulirat ko sa kama.

Yun pala ito palang kambal ko ang yumuyogyog sa akin pagkagising ko. Di ko alam kung magandang panaginip ba iyon o bangungot.

"Ojie! Huyy!" biglang yugyug ulit sakin ng kakambal ko. Hingal na hingal akong tumitig sa kanya.

"A..ano?" utal kong sagot.

"Hayysss...ano na naman? Nanaginip ka na naman ba ng masama?" sabi nito sabay tabi sa akin.

"Ah..ehh..hindi naman." sabay kusot ko sa aking mukha.

"Sus, kakambal mo ako kaya alam ko. Kung ano ang nararamdaman mo, ganun din ako." mahabang sabi nito habang pinupunasan ang pawis ko gamit ang kanyang palad. Gumaan naman ang pakiramdam ko sa ginagawa nito sa akin. Yumakap nalang ako dito, cheezy mang tingnan pero wala akong pakialam. Magkapatid naman kami, kambal pa nga eh.

Shake HandsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon