4. Ang Pagdadalamhati

122 1 0
                                    

4. Ang Pagdadalamhati

NAPABALIKWAS ng bangon si Marissa. Hinahabol ang paghinga. Isa lamang ba iyong panaginip? Ngunit, bakit parang totoong-totoo? Naramdaman niya ang sakit ng bawat pagbaon ng patalim sa kanyang katawan. Ang init ng dugong umagos dito. At ramdam din niya kung paanong habulin ang sariling hininga upang labanan ang kamatayan.

Sinapo niya ang mukha ng kanyang mga palad at pumikit upang palisin ang takot na naramdaman. ‘Isa lamang iyong panaginip,’ bulong niya sa sarili. Tinanggal niya ang kamay sa kanyang mukha at akmang bababa ng kama nang mapansin niyang wala siya sa sariling silid. Hindi pamilyar sa kanya ang silid na iyon. Madilim na sa paligid at tanging liwanag sa lampshade sa gilid ng kama ang nagbibigay liwanag sa kabuuan niyon. Pilit niyang inalala kung paano siya napunta doon. Ngunit ang bumabalik sa kanyang alaala ay ang nakakatakot na panaginip.

‘Hindi totoo iyon. Nandito ako at buhay na buhay,’ nasa-isip niya.

Nasa malalim siyang pag-iisip ng biglang bumukas ang pinto ng silid at pumasok ang isang matandang babae. Nagulat siya dahil ang babae ay si Mama Neth.

“Mabuti at nagising ka na, Lorena!” mababakas ang pag-aalala sa mukha ng matanda. Lumapit ito sa kama at naupo sa tabi niya.

Kung nagulat siya kanina nang pumasok ito sa silid ay mas nabigla siya nang tawagin siya nitong ‘Lorena’. May pagtataka siyang tumingin sa matanda.

“Kanina pa ako nag-aalala sa’yo, anak! Halos buong araw kang tulog. Nakita kita kaninang umaga na nakahiga sa sahig. Ano ba ang nangyari? Ano ang ginawa mo at magulo dito sa kwarto mo? At bakit may mga kandila?” sunud-sunod na tanong nito.

“Anak? Ano po ba ang sinasabi ninyo? Bakit po ako nandito?” nagtataka at naguguluhan niyang balik tanong dito.

“Lorena, anak! Ano ba ang nangyayari sa’yo? Dito ka nakatira kaya nandito ka,” naguguluhan na ring sagot ng matanda. Nakakunot ang noo nito habang pinagmamasdan siya ngunit mababakas ang labis na pag-aalala sa magandang mukha nito. Sa kabila nang edad nito ay mababakas pa rin ang kagandahan nito. Sa tingin niya ay mas maganda ang matanda sa likod ng makapal nitong make-up. Kulot ang mahaba na kinulayan ng blonde na buhok nito at naka-pony hanggang sa kalahati. Medyo may kalakihan ang katawan ngunit may korte pa rin ito.

“A-anak n’yo si Lorena?” nagulat siya sa natuklasan. Nagtataka rin siya kung bakit hindi alam ng mga kasama nito na mag-ina pala ang dalawa.

“Ano ba ‘yang tanong mong ‘yan, Lorena? Syempre, anak kita. Bakit parang wala kang naaalala?” naguguluhang tanong nito.

Naguguluhan na rin siya sa nangyayari. “Hindi po ako si Lorena. Bakit n’yo ho ipinagpipilitan na ako si Lorena?” medyo nakararamdam na siya nang inis. Bakit ba inaakala nito sa siya ang babae, eh, sa pisikal na aspeto pa lang malayong-malayo na siya dito. Maganda si Lorena at kabaligtaran siya nito. Nababaliw na ba ang matanda? Tinitigan niya ito upang obserbahan. Wala namang kakaiba siyang napansin na masasabing nababaliw nga ito. Mababakas pa nga sa mukha nito ang labis na pagtataka at pag-aalala nang isang ina para sa kanyang anak.

“Ano ba hija ang ginawa mo kagabi at bigla kang nagkaganyan?” nangingilid na ang luhang sambit nito.

“Hindi ko rin ho alam,” naguguluhan rin niyang sagot. Bumaba siya ng kama. Naghanap ng may maisusuot sa paa. Nakita niya ang tsinelas sa gilid ng kama. Isinuot niya iyon at naglakad patungo sa pinto.

“Saan ka pupunta?” tanong nito sa kanya.

“Uuwi na ho,” sagot niya at lumabas na ng silid.

“Anong uuwi? Dito ang bahay mo. Saan ka uuwi?” nagtatakang habol nito sa kanya.

Bumaba siya sa hagdan. Nakita at nadaanan niya ang mga alaga ni Mama Neth sa may sala. Mga nakapustura at mukhang patungo na sa club na pinagtatrabahuhan. Napatingin ang mga ito sa kanilang dalawa ng matanda.

Stuck In Her ShoesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon