5: Ang Muling Pagbangon

85 5 0
                                    

5: Ang Muling Pagbangon

IKATLONG ARAW na nang burol ni Marissa. Nasa dulong bahagi ng chapel si Lorena. Hindi na siya histerikal tulad nung unang gabi. Tahimik lamang na nakatingin sa kabaong na nasa harap ng altar. Kung pagmamasdan siya ay parang isa siya sa namatayan. Bakas ang pamumugto ng mga mata. Walang pahid ng anumang make-up ang makinis na mukha. Nakapusod ang tila hindi na nasuklay na buhok. Kupasing t-shirt at maong na jeans ang suot. Malayo sa hitsura ng dating Lorena na nakasanayan ng mga tagaroon na hindi nakalalabas ng bahay ng walang pahid na make-up ang mukha at nakasuot ng damit na halos kita na ang mga pinakatatagong bahagi ng katawan.

Sa ilang araw na nakaburol ang kanyang katawan ay hindi siya nawala doon. Batid niya ang mga mapangmasid at mapanuring mata nang ilang tao na nasa burol. Naririnig niya ang bulung-bulungan ng pagtataka kung bakit siya nagkakaganun. Subalit, wala siyang panahon upang isipin ang sinasabi ng mga ito. Nandoon siya upang bantayan ang kanyang pamilya.

Alam ng Diyos kung gaano ang paghahangad niya na mayakap ang kanyang pamilya at ipaalam sa mga ito na buhay pa siya. Na siya si Marissa. Ngunit, paano niya mapapaniwala ang mga ito gayung siya ay hindi pa rin makapaniwala sa mga nangyari. Kahit na anong piga ang kanyang gawin ay walang paliwanag siyang maisip kung paano nangyari ang lahat nang iyon. Hindi siya naniniwala noon sa anumang milagro o kababalaghan ngunit paano niya maipapaliwanag ang sitwasyon niya ngayon na ni hindi kayang ipaliwanag ng siyensiya.

Nasa malalim siyang pag-iisip nang may mag-abot sa kanya ng isang mangkok na sopas.

“Kumain ka muna, Ineng! Napansin ko kanina ka pa dyan, ngunit hindi ka man lang kumain ng kahit na ano,” may pag-aalalang mababakas sa boses na sabi nito. Napatingin siya sa nagsalita. Nangilid ang luha sa kanyang mga mata nang makita ang ina. Namumugto rin ang mga mata nito ngunit kalmado ito. Halatang nagpapakatatag ito para sa kanyang mga kapatid. Nadudurog ang puso niya sa nakikita sa ina. May ngiti sa labing  tinanggap niya ang sopas.

“Salamat po!” mahina niyang sagot. Hindi niya napigilan ang mga luha na tumulo sa kanyang pisngi.

Umupo ang ina sa kanyang tabi. “Hindi ko alam na naging magkaibigan pala kayo ni Marissa,” tila may bikig ang boses ng babae ng mabanggit ang anak. Pinigilan nito ang mapaluha.

Ibinaba niya ang mangkok at pinunasan ang luha sa sariling pisngi. Kung ang sariling ina ay nagpapakatatag, higit na siya ang dapat na gumagawa nun.

Tipid siyang ngumiti sa ina. Walang binitawan na anumang salita. Baka hindi niya mapigil ang sarili na sabihin dito ang totoo. Paano nga ba niya sasabihin ang totoo gayung alam niyang hindi ito maniniwala sa kanya. Baka isipin pa nga nito na siya ay nababaliw na.

“Napaka-bait ng batang iyan,” sabi nito habang nakatingin sa kabaong.

Tiningnan niya sandali ang kabaong ngunit ibinalik niya rin ang tingin sa ina. Nung makita niya ang sarili sa loob ng kabaong na iyon ay hindi na siya muling nagtangkang tingnan ito. Hindi niya kaya at hindi niya matanggap na wala na siyang katawan na babalikan.

“Buong buhay niya isinakripisyo niya para sa amin. Para sa mga kapatid niya. Hindi niya inisip ni minsan ang sarili niya. Ang gusto lang niya ay mapasaya kami. Pero hindi ko akalain na pati ang buhay niya—“ Hindi na nito natuloy ang sasabihin dahil napahagulgol na ito.

Lumuluhang niyakap niya ang ina. Mahigpit. Gusto niyang iparamdam na nandito lang siya.

Nang kumalma ay inilayo nito ang katawan sa kanya. “Pasensya ka na. Nangungulila lang ako sa anak ko,” kalmado nang sabi ng ina habang pinupunasan ang pisnging napuno ng luha. Nagpakawala ng hangin sa dibdib.

“K-kung nasaan man ho siya, alam ko po lagi siyang nagbabantay sa inyo. Hindi niya ho kayo pababayaan,” sabi niya.

“Iyon na nga, nasanay kami na nandyan siya palagi. Paano na kami ngayong wala na siya? Paano na ang mga kapatid niya? Nag-aalala ako sa kanila. Lalo na kay Marlon. Hindi ko nakitang umiyak ang batang ‘yun mula nang mamatay ang ate niya,” may pag-aalalang pahayag ng ina sa kanya.

Nakaramdam din siya ng pag-aalala para sa kapatid. Sa dalawang kapatid, si Marlon ang malapit sa kanya. Malambing ang kapatid sa kanya palagi. Sa tingin niya, siya ang iniidolo nang kapatid. Ngayon hindi niya alam kung paano nito tinanggap ang mga nangyari. Walang emosyon itong ipinakikita. Itinatago lamang ang totoong damdamin.

Ngayon siya higit na kailangan ng kanyang pamilya. Ngayon siya higit na kailangang magpakatatag. Kahit ano gagawin niya matulungan lang ang kanyang pamilya.

MALUNGKOT na nakatanaw si Matthew habang ibinababa sa hukay ang kabaong. Pinagtiim niya ang mga bagang upang pigilan na mapaluha. Nakatulong ang shades na suot upang ikubli ang hindi niya mapigilang namumuong luha sa mata.

‘Ito ba ang kabayaran sa lahat ng kasalanan ko?’ tanong ng isip niya.

Nang maibaba ang kabaong ay isa-isa nang inihagis ng mga naulila ang puting rosas sa hukay. Si Matthew ang huling naghagis ng rosas. Dapat ay masaya siya sa araw na ito at naghahanda para sa kasal nila ni Natalie ngunit nagbago ang lahat dahil sa isang pangyayari.

Kagagaling lang nila ni Natalie sa isang sikat na couturier na nananahi ng damit na pangkasal ng nobya ng gabing iyon. Masaya sila noon ng ihatid niya ang nobya sa kanilang bahay. Ngunit higit ang kasiyahang nababakas sa kanyang nobya. Ayon sa mga kasama nito sa bahay ay nasa silid na ang nobya ng biglang atakihin sa puso. Huli na nang makita ng mga ito ang nobya at naisugod sa hospital. Alam niya na mahina ang puso ng kanyang nobya. Ngunit hindi niya inaasahan na maaga itong mawawala. Sabi ng doktor, inatake ang dalaga dahil sa sobrang pagod at stress. Maaaring nakadagdag pa ang excitement na nararamdaman nito sa paghahanda sa kanilang nalalapit na kasal. Nang umagang iyon bago nawala ang nobya ay marami silang nilakad para sa details ng kanilang kasal dahil gusto ng nobya na personal nitong asikasuhin ang lahat kahit na nag-suggest siya na kumuha na ng wedding planner.

UNTI-UNTI nang nag-aalisan ang mga taong nakipaglibing hanggang siya na lang ang natirang nakatayo doon. Nakatanaw lamang siya habang tinatabunan na ng lupa ng dalawang supulturero ang kabaong ng kanyang nobya.

Nilapitan siya ni Jorge. “Ano ang plano mo ngayon?” tanong nito sa kanya ng hindi tumitingin. Nakatanaw din ang kaibigan sa ginagawa ng dalawang supulturero.

Nilingon niya ang kaibigan ng ilang saglit at muling ibinalik ang mata sa tinitingnan kanina. “I don’t have plan yet. All I want is to go somewhere else where I can forget everything.” Nagpakawala siya ng mahinang bugtong-hininga.

“That’s good! Maybe you need a break. Go on a vacation. Don’t worry about the business. Ako na ang bahala!” tinapik nito ang kanyang balikat pagkasabi nito.

Tumingin siya sa kaibigan. Nakita niya ang pag-aalala sa mga mata nito. Kaibigan niya si Jorge since childhood. Kababata. Lumaki silang laging magkasama at parang magkapatid na ang turingan nila sa isa’t isa. Business venture nila ang chain of restaurants na kanyang pinamamahalaan. Alam niya lahat ng kalokohan ng kaibigan. Gayon din naman ang kaibigan sa kanya. Alam nito ang namagitan sa kanila ni Lorena. Pinagtatawanan nga siya nito dahil hindi nito akalain na mababaliw siya sa isang babaeng tulad ng dalaga. At nakahinga ng maluwag ang kaibigan ng malaman na iniwan na niya ang dalaga. Lagi nitong pinapaalala sa kanya na tuso si Lorena kaya hindi interesado sa private resort at perang kanyang binigay dahil mas higit pa doon ang hangad nito. Kapag napangasawa niya raw ang dalaga ay mas higit pa doon ang makakamit nito. Ngunit hindi ganoon ang tingin niya sa dalaga. May pagka-childish nga ang dalaga ngunit sa obserba niya dito ay hindi ito tulad ng sinasabi ng kaibigan.

PAGKALIBING sa kanyang katawan ay walang inaksayang panahon si Marissa. Alam niyang hindi na siya makababalik sa dati niyang pinagtatrabahuhan kung kaya naghanap siya ng ibang trabaho.

Hindi niya pa rin maunawaan ang mga nangyari ngunit hindi niya uubusin ang panahon sa pagmumukmok at pag-iisip kung paano nangyari ang lahat nang iyon. Kung paanong nasa katawan siya ni Lorena. Lalo’t napatunayan niya kung gaano kaiksi ang buhay ng isang tao. Na maaaring bawiin ito ng Maykapal sa panahon na hindi inaasahan ninuman. Naisip niyang dapat pa nga siyang magpasalamat sa panginoon dahil binigyan siya ng ikalawang pagkakataon na mabuhay. Kung pansamantala lamang iyon, wala siyang dapat ubusin na oras ngayong patay na ang katawang lupa niya at hindi niya alam kung hanggang kailan siya mananatili sa katawang iyon. Bawat tigatik ng orasan ay mahalaga sa kanya. Bawat oras, bawat minuto at bawat segundo ay walang dapat sayangin. Dahil hindi niya alam kung kailan babawiin ang katawang iyon ng tunay nitong nagmamay-ari.

 Please vote and comment! And please leave review. 

Thank you for reading! :)

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 19, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Stuck In Her ShoesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon